OPINYON | Pula ay Kulay ng Pagbusal

J

Jesica Fortuna. Laboc (Soulara), Insight PH

Author

3 min readApril 9, 2026
OPINYON | Pula ay Kulay ng Pagbusal

Hindi na lamang isang simpleng maliit na usapin ang red-tagging sa ating bansa, ito ay unti-unting lumalamon sa mga kabataang mamamahayag na tumitindig sa kung ano ang mas tama. Nakapanlulumo masaksihan kung gaano kabilis magbago ang kulay ng demokrasya kung saan ang pagiging isang aktibong kabataang mamamahayag ay pagsapi na sa terorismo. Ngunit, ang pluma ng isang mamamahayag ay mas matatag kaysa sa anumang malisyosong paratang ng mga panatiko dahil hindi kayang burahin ng mga pulang salita ang masaklap na katotohanan na tayo ay nakabitay pa rin sa isang mapanupil na sistema kung saan ang pagsigaw sa pagbabago ay katumbas na ng terorismo.

Ayon sa ulat ng election watchdog na Vote Report PH at Kontra Daya na inilathala rin sa Philippine Daily Inquirer noong Mayo 2025, halos 1,750 ang naitalang campaign violations, 1,348 (77%) ay naganap online at 99.63% ay mga kaso ng red-tagging. Dito pa lamang, makikita na ng lahat kung gaano kadugo ang ating pulitika—hindi bunga ng mga armas, ngunit dulot ng mga bungangang mapanupil na ang tanging target ay ang mga mamamahayag online.

Sa ganitong kalagayan, hindi lamang reputasyon ng isang mamamahayag ang kinikitil—kundi pati na rin ang diwa ng demokrasya. Paano magsisilbing malaya ang isang lipunan kung ang katotohanan ay sinasakal ng takot, at ang boses ng kabataan ay binabaon sa ilalim ng walang habas na akusasyon. Ang red-tagging ay hindi na lamang isang taktika ng mga panatikong individual. Isa na itong sandata ng pananakot na ginagamit upang supilin ang pag-usbong ng makabuluhang diskurso.

Paulit-ulit na mga script ang kanilang sinusunod. Mga paratang na tulad ng “NPA” o “OJT SA BUNDOK” ang kanilang paulit-ulit na sinasambit sa bawat kabataang mamamahayag lalo na online. Sa isang iglap, ang isang opinyon ay nagiging paratang, ang isang tanong ay nagiging banta, at ang isang kabataang nagsusulong ng kamalayan ay agad itinulak sa gilid bilang kalaban ng bansa. Mahirap mawari kung kailan umusbong ang ganitong mentalidad ng ating mga Pilipinong mamamayan?

Sa kabilang banda, bagama’t nagkakaroon na ng aksyon tungkol sa mga ganitong ganap, hindi pa rin ito nagiging sapat upang matigil ang ganitong kaganapan. Marami pa rin ang walang takot na nagkakalat ng mga mapanirang paratang at walang batayang akusasyon. Patuloy nilang ginagamit ang kalayaan sa pagpapahayag bilang tabing upang makapanakit, makapanghusga, at makapanupil—isang malinaw na pagbaluktot sa tunay na diwa ng demokrasya.

Hangga’t walang sapat na pananagutan at mas matibay na paninindigan laban sa ganitong uri ng pang-aabuso, mananatiling lantad ang sinuman lalo na ang mga kabataang mamamahayag sa panganib ng walang habas na red-tagging na patuloy na sumisira hindi lamang sa pangalan, kundi sa mismong kalayaan ng pag-iisip at pagpapahayag.

J

Written by Jesica Fortuna. Laboc (Soulara), Insight PH

Jesica Fortuna. Laboc (Soulara), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

PPearl A. Sison | sirume, Insight PH

OPINION | Artificial Identity Crisis

Tutorial on how to promptly celebrate our pride in our language as Filipinos:Make an accurate tutorial on how to celebrate our pride ...

5 days ago• 5 min read
ddiamondintheiris, Insight PH

OPINION | Fund Control Project

The home of great leaders is now the home of a massive fluke in flood control.In Batac City, Ilocos Norte—the Quiaoit River experienc...

5 days ago• 4 min read
vvia Drexli Joanna Ambida | Siniko-Lohiya, Insight PH

OPINION | LIGHTS, CAMERA, POVERTY

Maraming malikhaing pelikula ang nananatiling nakatago. Mga kinukulang sa oportunidad na ipakita ang kanilang obra sa mga malalaking sinehan kaya s...

19 days ago• 3 min read
Explore all Opinion articles