OPINYON | May Halaga Pa Ba Si Piso?

J

Jesica F. Laboc (Soulara), Insight PH

Author

3 min readApril 19, 2026
OPINYON | May Halaga Pa Ba Si Piso?

Noong tayo ay mga bata pa, malaking bahagi ng ating buhay si piso. Basta may piso, may dalawang candy o isang balot ng maliit na sitsirya. Ngayon, hawak pa rin natin ang piso—pero parang wala na itong kayang gawin. Hindi na ito sapat, hindi na ito pansin, at madalas, hindi na rin ito pinupulot kagaya dati.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, 4.1 percent ang inflation rate nitong Marso 2026, ang pinakamataas sa loob ng mahigit isang taon. Lumabas rin na bumagsak ang halaga ng piso sa 0.7519 centavos ngayong Marso 2026 kung ihahambing sa halaga nito noong taong 2018. Ibig sabihin, bumaba na rin ang tinatawag nating “purchasing power” ng Philippine peso. Dahil kung noon, abot-langit pa ang mabibili mo sa isang daang piso, ngayon—kulang pa sa dalawang kilo ng bigas.

Hindi lumiliit ang pera, pero sa pagtagal ng panahon ay natutunaw na ang halaga nito. Maraming salik kung bakit ito nangyayari at isa na dito ang inflation. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit halos tila nawawala na ang halaga ng ating pera na noon ay may kapangyarihan pang makabili ng ilang pangangailangan sa pang araw-araw na buhay. Kaya kapag naging pabaya ang gobyerno sa mga problema ng bansa, tulad ng inflation, hindi lamang numero ang napapalitan dahil maging ang kalidad ng buhay ng ating mamamayan.

Sapagkat walang ibang naapektuhan, kundi ang mga nasa laylayan. Sila lang naman ang araw-araw na nagkukumahog magtrabaho para lamang magkaroon ng pambayad sa kuryente, tubig, at higit sa lahat ay makabili ng pagkain. Ngunit sa usapang pagkain, ang ilan sa ating mga kababayan ay hindi na makabili ng masustansyang pagkain. Gustuhin man nila mapakain ng may sapat na nutrisyon ang pamilya, kung ano lamang kasi ang kayang mabili ng kapiranggot na kita sa palengke ang kayang madala pauwi sa bahay. Kahit kulang sa nutrisyon, basta mayroon lamang laman ang buong tiyan ng pamilya.

Sa kabilang banda, mayroon namang mga programa ang gobyerno na malaking pakinabang din sa mamamayan. Katulad na lamang ng mga Kadiwa Centers kung saan mas mura ang benta ng mga produkto—tulad ng bigas, gulay, at prutas dahil direktang binibili ito mula sa mga magsasaka. Ngunit, katulad ng palagi nating sinasabi, hindi ito palaging sapat. Lalo na kung milyon-milyong pamilya sa bansa ang naaapektuhan sa tuwing tumataas ang inflation na naghahangad din sana na makabili ng pagkain mula sa kikirampot na kita sa paghahanapbuhay.

Kahit kailan ay hindi magiging sapat ang patingi-tinging ayuda o pansamantalang lunas sa isang malalim at nanunuot na problema ng bansa. Kung mananatiling nagkukumahog ang mga nasa ibaba habang ang pamahalaan ay unti-unting hinahayaan na lumiit ang halaga ng bawat sentimong kanilang kinikita, habang buhay silang gagapang sa isang sistema na kahit piso ay igagapang ng bawat Pilipino. Kahit lumiit man ang halaga nito, sabi nga nila—hindi mabubuo ang isang halaga kapag walang piso. Kaya kung sasagutin, totoo pa nga bang may halaga si piso? Isa lamang ang sagot diyan ng ating mga kababayang maralita, oo dahil ang bawat barya ay mantsado ng kanilang pawis at dugo.

J

Written by Jesica F. Laboc (Soulara), Insight PH

Jesica F. Laboc (Soulara), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

RReyanhil Laurio (Kalachuchi), Insight PH

OPINYON | WIKApit: Tunay ba ang Paglaya?

Matagal nang ibinaba ang watawat ng mga banyagang humamak sa atin. Itinayo na rin ang sariling pamahalaan upang ipangalandakang, sa wakas, malaya n...

17 hours ago 4 min read
JJohn Benedict Banday, Insight PH

COLUMN | Usec., is blaming the teachers your ’Claire solution?’

Teachers are always among the first to be blamed.A student fails, the teacher is questioned. A student misbehaves, the teacher is accused of...

11 days ago 4 min read
eezro, Insight PH

OPINION | A Tree Is Never Just a Tree

“It’s just a tree.”Fewer phrases reveal our environmental priorities more clearly than those four words.In the wake of ...

15 days ago 2 min read
Explore all Opinion articles