OPINYON | Kumikinang na Luho

G

Gweneth Pablo, Insight PH

Author

4 min readNovember 14, 2025
OPINYON | Kumikinang na Luho
Habang patuloy na lumulubog sa gutom at kahirap ang maraming Pilipino, tila lalo namang kumikintab ang karangyaan ng ilan sa ating mga pinuno. Sa bawat pamilyang umaasa sa tingi-tinging bigas at mantika, may mga pulitikong nagpaparada ng kanilang mamahaling relo, alahas, at sasakyang galing sa kaban ng bayan. Ngunit sa halip na pagtuunan natin ng pansin ang tanong ng pananagutan, mas naaliw tayo sa kislap ng kanilang luho - tila ba sinadyang ipakita upang malihis ang ating atensyon sa mas malalim na isyu ng katapatan at integridad.

Kung isasaayos natin ayon sa pagkakasunod-sunod ang 22 na senador batay sa kanilang SALN (Statements of Assests, Liabilities, and Net Worth), si Senator Chiz Escudero ang hahantong sa pinakahuling pwesto - dahilan upang siya ay ituring na “pinakamahirap na senador” sa kanyang P18.84 milyong net worth. Hindi nakakapagtaka na nagdulot ito ng samu’t saring reaksyon mula sa Internet. Marami ang hindi nag-atubiling ituro ang malinaw na agwat ng pamumuhay nila ng kanyang asawa, si Heart Evangelista, kumpara sa kanilang idineklarang yaman.

Sino nga ba ang hindi magugulat? Ang “pinakamahirap” na senador ay nagawa pang regaluhan ang kanyang asawa ng Paraiba ring na nagkakahalaga ng halos isang milyong dolyar - humigit kumulang P59 milyon - halaga na labis na mas mataas kaysa sa kaya niyang bilhin batay sa kanyang net worth.

Sa halip na pagtuunan natin ng pansin kung saan nagmula ang yaman, mas nababaling ang mata ng publiko sa kinang ng kanilang alahas.

Dito nagiging kumplikado ang usapin - habang patuloy tayong bumabatikos, unti-unti rin tayong lumilihis sa tunay na problema: ang lantad na kawalan ng pananagutan. Sa Facebook at TikTok, mas pinagtutuunan ng pansin ng mga netizen kung paano tinutustusan ni Heart Evangelista ang kanyang marangyang pamumuhay - mula sa kanyang mga designer bags at Paris Fashion Week, hanggang sa kanyang mamahaling singsing. Mas kaunting atensyon ang ibinibigay sa pagsusuri ng mga butas sa sistema ng gobyerno na nagpapahintulot sa mga opisyal na magdeklara ng hindi makakatotohanang yaman.

Tama lang na kwestyunin ang luho ng mag-asawang Escudero, ngunit higit na mahalagang usisain ang integridad at katapatan ng senador.

Higit pa rito, sinasalamin din ng isyung ito ang kultural na pagtanggap sa karangyaan ng mga opisyal. Ang bansang sanay na sa lantad na katiwalian ay nasanay na rin sa magarbong pamumuhay ng mga pulitiko. Bahagya na lamang itong pinupuna, ngunit kalauna’y nakakalimutan din ng publiko - hanggang sa tuluyan na itong binabalewala dahil ganito na ang nakasanayan. Samantalang, ang mga karaniwang mamamayan ay madalas na inaabuso, pinipilit na harapin ang kanilang mga pananagutan, at walang kalas mula sa mabigat na batas.

May dalawang mukha ang pananagutan - mabilis at mabagsik para sa mahihirap ngunit bulag at mapagpatawad para sa mga makapangyarihan. Ang maliit na paglabag ay agad napapansin, ngunit ang mga katiwaliang may kinalaman sa kaban ng bayan ay naibabaling sa iba o kung kaya’t binabaon na lamang sa limot.

Habang ang publiko ay patuloy na nagbubulungan tungkol sa mga designer bags ni Heart, ang totoong problema ay nananatiling hindi natutugunan at ang ugat ng isyu ay nananatiling nakabaon. Sa pagtutok natin sa panlabas na aspeto ng problema at pagbabalewala sa sistematikong paglabag, patuloy na yumayaman ang mga pulitikong halos walang takot sa pananagutan.

Malinaw ang Konstitusyon: “Public officers and employees must at all times be accountable to the people and lead modest lives”. Ngunit sa tuwing inuuna nating pag-usapan ang kinang ng luho kaysa sa bigat ng pananagutan, ang mga salitang ito ay nagiging tinta lamang sa papel - hindi na isinasabuhay. Kaya’t ang mga pulitiko ay patuloy na nakakawala, at ang siklo ng katiwalian ay parang sirang plakang walang humpay sa pag-ulit ng parehong tugtugin ng pandaraya.

Kung talagang nais natin itong wakasan, kailangan nating patalasin ang ating pagsusuri at hamunin ang sariling panghatol. Usisain natin ang mga may sala, sikapin nating ihayag ang katotohanan, at panagutin natin ang mga nasa kapangyarihan - hindi lamang sa salita kungdi pati sa gawa. Sapagkat sa dulo, ang tunay na kalaban ng mamamayang Pilipino ay ang sistematikong katiwalian na pumipigil sa pag-usbong ng ating bayan.

Sina Chiz at Heart ay hindi lamang mga pangalan sa balita; sila ang repleksyon ng ating kolektibong pagkabulag. Ang ganitong uri ng pagkahumaling sa mga personalidad ay unti-unting nagiging tabing na nagkukubli sa tunay na suliranin ng sistemang dapat pinapanagot kung saan mas kuminang ang luho ng mga tiwaling opisyal.


G

Written by Gweneth Pablo, Insight PH

Gweneth Pablo, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

RReyanhil Laurio (Kalachuchi), Insight PH

OPINYON | WIKApit: Tunay ba ang Paglaya?

Matagal nang ibinaba ang watawat ng mga banyagang humamak sa atin. Itinayo na rin ang sariling pamahalaan upang ipangalandakang, sa wakas, malaya n...

17 hours ago 4 min read
JJohn Benedict Banday, Insight PH

COLUMN | Usec., is blaming the teachers your ’Claire solution?’

Teachers are always among the first to be blamed.A student fails, the teacher is questioned. A student misbehaves, the teacher is accused of...

11 days ago 4 min read
eezro, Insight PH

OPINION | A Tree Is Never Just a Tree

“It’s just a tree.”Fewer phrases reveal our environmental priorities more clearly than those four words.In the wake of ...

15 days ago 2 min read
Explore all Opinion articles