OPINYON | IN-CREDIBLE BA ANG PLATAPORMA?

D

Drexli Joanna Ambida (ezro), Insight PH

Author

3 min readJuly 15, 2026
OPINYON | IN-CREDIBLE BA ANG PLATAPORMA?

Sa panahon ngayon, hindi na telebisyon o dyaryo ang unang takbuhan ng marami para sa impormasyon—kundi ang “For You Page.” Isang scroll lang, may breaking news na. Isang share lang, milyon na agad ang naabot. Sa lawak ng impluwensya ng social media, lalong umigting ang tanong: dapat bang managot ang influencers sa misinformation tulad ng mga mamamahayag?

Ito ang naging sentro ng debate nina Elijah Canlas at Ralph De Leon sa pilot episode ng YSpeakPH noong ika-sampung araw ng Mayo. Para kay Elijah, hindi na maikakaila ang laki ng impluwensiyang hawak ng influencers ngayon. Sa dami ng kanilang naaabot, sila na rin ang naging pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ng marami—lalo na ng kabataan. Kaya kung kaya nila na humubog ng pananaw, dapat lamang na may kaakibat din itong pananagutan.

Sa kabilang banda, iginiit naman ni Ralph na hindi dapat ilagay sa parehong pamantayan ang influencers at journalists. Ayon sa kaniya, may responsibilidad din ang consumers na matutong kumilatis ng impormasyon at alamin kung sino ang mapagkakatiwalaang pakinggan. Hindi lahat ng nakikita online ay dapat paniwalaan agad.

At sa henerasyon na ito, sa panahon ng virality, tila mas mabilis nang kumalat ang impormasyon kaysa katotohanan.

Isang malinaw na halimbawa ay ang kasalukuyang pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa Juvenile Justice and Welfare Act (RA 9344) matapos ang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban. Kumakalat ang pahayag na umano’y “walang pananagutan” ang mga menor de edad na sangkot sa mabibigat na krimen dahil protektado sila ng batas. Dahil sa mabilis na pagkalat nito, lalo sa Facebook, maraming Pilipino ang nabigyan ng maling impresyon na nagsisilbing “free pass” ang batas sa mga kabataan. Subalit nilinaw mismo ng Juvenile Justice and Welfare Council na hindi nito inaalis ang pananagutan ng mga menor de edad–sa halip, binibigyang-diin nito ang rehabilitasyon, intervention programs, at iba pang legal na mekanismo upang mapanagot sila ayon sa kanilang edad at antas ng pag-unawa sa kanilang kilos.

Totoong may pananagutan ang publiko na maging mapanuri. Sa panahon ng mabilisang content at algorithm-driven platforms, mahalagang matutong mag-fact-check at huwag basta magpadala sa maayos na edit, trending audio, o kumpiyansa ng nagsasalita sa camera. Dahil hindi porke’t maganda ang delivery, totoo na agad ang nilalaman.

Ngunit hindi rin sapat na isisi lamang sa audience ang paglaganap ng fake news. Hindi maikakaila ang bigat ng impluwensiyang hawak ng content creators. Sa bawat opinyon, post, o “hot take” na inilalabas nila, may posibilidad silang humubog ng pananaw ng libo-libong tao. At kung may kakayahang mag-impluwensiya, dapat lamang na maging maingat sila sa impormasyong kanilang ibinabahagi.

Gayunpaman, sa kabila ng lawak ng reach ng influencers, nananatiling mas mahalaga ang papel ng mga mamamahayag sa pagpapalaganap ng impormasyon. Sapagkat hindi nasusukat sa dami ng followers, likes, o views ang kredibilidad.

Ang journalism ay nakaugat sa beripikasyon, etika, at pananagutan. Bawat impormasyong inilalathala ay dumaraan sa fact-checking, sourcing, at pagsusuri—mga prosesong madalas nawawala sa mundo ng mabilisang content creation. Habang ang influencers ay maaaring magbahagi ng kanilang opinyon anumang oras, ang journalists ay may tungkuling tiyaking tama, balanse, at mapagkakatiwalaan ang impormasyong inilalabas nila.

Sa isang panahon kung saan kayang baguhin ng isang viral post ang pananaw ng publiko, mas nagiging mahalaga ang papel ng mga taong sinanay upang hanapin ang katotohanan—hindi lamang ang engagement.

Dahil sa huli, hindi lahat ng may plataporma ay may kredibilidad, at hindi rin nasusukat ang katotohanan sa dami ng views.

D

Written by Drexli Joanna Ambida (ezro), Insight PH

Drexli Joanna Ambida (ezro), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

RReyanhil Laurio (Kalachuchi), Insight PH

OPINYON | WIKApit: Tunay ba ang Paglaya?

Matagal nang ibinaba ang watawat ng mga banyagang humamak sa atin. Itinayo na rin ang sariling pamahalaan upang ipangalandakang, sa wakas, malaya n...

17 hours ago 4 min read
JJohn Benedict Banday, Insight PH

COLUMN | Usec., is blaming the teachers your ’Claire solution?’

Teachers are always among the first to be blamed.A student fails, the teacher is questioned. A student misbehaves, the teacher is accused of...

11 days ago 4 min read
eezro, Insight PH

OPINION | A Tree Is Never Just a Tree

“It’s just a tree.”Fewer phrases reveal our environmental priorities more clearly than those four words.In the wake of ...

15 days ago 2 min read
Explore all Opinion articles