Sa estado ng bansa sa kasalukuyan, mabilis para sa iba na sisihin ang taumbayan dahil sa resulta ng mga nakaraang eleksyon. Habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis at pang-araw-araw na bilihin, pati na ang mga simpleng pangangailangan tulad ng pagkain, maraming tao ang hindi maiwasang kwestyunin ang realidad ng bansa ngayon, na paano kaya kung hindi “nagpaloko” ang sambayanan at ang mga “tamang kandidato” ang naihalal sa puwesto?
Ngunit sa kabilang banda, may isang katotohanan na dapat nating tandaan. Ito ay ang realidad na iisa lang naman ang tunay na kalaban ng masa. Hindi kailanman marapat na masisi ang taumbayan dahil sa resulta ng eleksyon, dahil biktima lang din naman tayong lahat ng paggamit ng makinarya at mga maling impormasyon na ipinakilala ng mga makapangyarihan.
Hindi “nagpaloko” ang taumbayan — sila ay niloko. Epekto ito ng kalamnang sumisigaw dahil sa gutom, matinding pangangailangan at kakulangan ng tamang impormasyon dahil sa mga propagandang ipinakalat ng mga makapangyarihan gamit ang iba’t ibang makinarya na ginamitan lang din naman ng pera na nagmula sa masa.
Wala rin sa ating mga kamay na ikundena ang taumbayan dahil “sila ang may kasalanan” dahil iisa lang ang kalaban — at iyon ay ang mga makapangyarihan na naihalal na hindi naman handang pagsilbihan ang mamamayan. Walang magagawa ang pagkaka-buklod-buklod ng taumbayan, dahil sa epekto ng eleksyon kung hindi ang bigyan lang ng oportunidad ang mga nakaupong sakim sa kapangyarihan na gamitin ito laban sa masa.
Marahil sa iba ay madaling sisihin ang marami. Na di-umano ay kung tama ang binoto nila, hindi sila nagpaloko at naging matalino, na hindi ganito ang estado ng bansa. Ngunit ang reyalidad na naloko lang tayong lahat at ginamit ang sarili nating pera laban sa atin ang reyalidad na hindi natin kailanman dapat kalimutan. Kung magsisisihan lang tayong lahat, wala rin tayong mapupuntahan kung hindi ang isang estado ng masa na madaling bulwagin ng mga naka-upong buwaya sa Palasyo ng Malacañang, Senado at Kongreso.
Sa huli, marapat nating tandaan na ang masa ay dapat maging isa upang mapanagot ang mga buwaya. Walang magagawa ang pagsisihan. Marapat na tayong lahat ay isantabi ang mga pagkakamali, ang mga bagay na hindi natin nakita at nalaman sa mga nakaraang eleksyon, at tandaan na mas importante pa ring iisa ang masa laban sa mga nakaupong mapagsamantala. Dahil ang katotohanang iisa lang naman ang kalaban nating lahat ang dapat nating tandaan araw-araw, tuwing eleksyon at sa kaniya-kaniya nating pakikibaka.
Written by King Razon (Vis), Insight PH
King Razon (Vis), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



