OPINYON | Connecting…Wala pa rin

E

Elija Philip Lutawan (PriviLeaks), Insight PH

Author

3 min readNovember 1, 2025
OPINYON | Connecting…Wala pa rin
May mga gabing hindi naririnig ang boses, na kahit anong lakas ng paghingi mo ng tulong, hindi ito sapat para marinig ka at bigyan ka ng kasagutan. May mga tawag na hindi masagot at kung sasagot man, puno ng katahimikan ang bumabalot sa kabilang linya. At ang pinaka mas masakit? Sa kabilang linya—pag-aari ng gobyerno ito—mga numerong isinapubliko para magbigay tulong ngunit kung ito'y iyong tatawagan ay walang buhay ang sasagot sa'yo.

Sila dapat ay sasagot sa'yo upang bigyan ka ng panibagong buhay, ngunit ang nangyayari? Sila ang nagpapahamak, ang isang malalang sitwasyon ay lalo nilang pinapalala. Ang dating simbolo ng pag-asa ay unti-unting naging simbolo ng kapabayaan.

Araw-araw, libo-libong Pilipino ang nakikipag laban sa depresyon, anxiety, at iba pang sakit sa pag-iisip. Kapag wala na silang malapitan, ang huli nilang puwedeng sandalan ay ang mga hotline na puwedeng tumulong sa kanila. Ngunit paano kapag ang linyang tinawagan ay mismong patay na? Paano kapag ang mismong gobyerno ang unang nagbingi-bingian?

Ayon sa datos ng World Health Organization (WHOHO), humigit kumulang 727, 000 katao ang nagpapatiwakal bawat taon—mga taong buong-buo ang kalooban na paslangin ang kanilang mga sarili. Ang mga numerong iyan ay minsang nangarap, tumawa, at umasa. Hindi sana ganyan ang bilang kung may nakikinig lang.

Ang National Center for Mental Health (NCMH) ang dapat na pangunahing tagapagtanggol ng kalusugang pangkaisipan ay paulit-ulit nang pinupuna dahil sa hindi pagtugon sa mga tawag. Maraming Pilipino na ang nagbahagi ng karanasang tumawag ngunit walang sumasagot—at sa iilang pagkakataong may sumagot, malamig at walang malasakit.

Ito ay hindi simpleng “technical issue”, ito ay kabiguan ng sistemang dapat nagliligtas ng mga buhay. Sa bawat tawag na hindi sinagot, may taong nawawalan ng lakas para lumaban. Sa bawat tahimik na linya, may isang buhay na hindi na nasagip.

Ang pinaka masakit? Ang gobyerno ay mabilis gumawa ng press release, ngunit mabagal kumilos. Ang mga opisyal ay mahusay magsalita tungkol sa “mental health awareness,” pero tila bulag sa katotohanang patay ang kanilang linya ng tulong. Nasaan ang aksyon? Nasaan ang malasakit? Wala. Dahil sa una't sapol, hindi na satin ang atensyon nila.

Hindi sapat ang mga poster, programa, at hashtag kung sa mismong oras ng krisis ay walang sumasagot. Ang kalusugang pangkaisipan ay hindi kampanya—ito ay obligasyon. Sa bawat sandaling pinipiling manahimik ang mga may kapangyarihan, may isa na namang Pilipinong tuluyang bumibitaw.

Ang kawalan ng tugon ng NCMH ay salamin ng kung gaano kaliit ang pagpapahalaga ng gobyerno sa mental health. Hindi dapat ituring na “secondary concern” ang kalusugang pangkaisipan. Dapat itong unahin kagaya ng ibang serbisyong pangkalusugan—dahil buhay din ang nakataya rito.

Ang pamahalaan ay dapat managot. Dapat ayusin, palawakin, at gawing tunay na accessible ang mga mental health hotlines. Dapat sanayin ang mga tauhan, dagdagan ang pondo, at higit sa lahat, iparamdam sa mga tao na may nakikinig—hindi lang sa salita, kundi sa gawa.

Ang katahimikan ng linya ay sumasalamin sa katahimikan ng gobyerno. Ang kawalan ng tugon ay nagiging kasalanan. Hangga’t patay ang mga linya ng NCMH, patuloy na may mga Pilipinong mamamatay na hindi naririnig. Kaya bago pa muling may mawala, panahon na para kumilos—hindi bukas, kundi ngayon.
E

Written by Elija Philip Lutawan (PriviLeaks), Insight PH

Elija Philip Lutawan (PriviLeaks), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

PPearl A. Sison | sirume, Insight PH

OPINION | Artificial Identity Crisis

Tutorial on how to promptly celebrate our pride in our language as Filipinos:Make an accurate tutorial on how to celebrate our pride ...

5 days ago• 5 min read
ddiamondintheiris, Insight PH

OPINION | Fund Control Project

The home of great leaders is now the home of a massive fluke in flood control.In Batac City, Ilocos Norte—the Quiaoit River experienc...

5 days ago• 4 min read
vvia Drexli Joanna Ambida | Siniko-Lohiya, Insight PH

OPINION | LIGHTS, CAMERA, POVERTY

Maraming malikhaing pelikula ang nananatiling nakatago. Mga kinukulang sa oportunidad na ipakita ang kanilang obra sa mga malalaking sinehan kaya s...

19 days ago• 3 min read
Explore all Opinion articles