OPINYON | Badyet Binaluktot

Dahil sa dulo ng lahat, hindi badyet ang ugat ng problema—kundi ang mga kamay na maruming humahawak dito.

Y

Ysha De Paz Olarte, Insight PH

Author

3 min readNovember 14, 2025
OPINYON | Badyet Binaluktot
Tila hindi na bago ang istorya—bawat taon, bagong badyet, parehong kwento. Sa likod ng mga magarang na talumpati at pangakong “para sa bayan,” nananatiling buhay ang lumang kalakaran ng katiwalian. Naniniwala ako na ang Unprogrammed Appropriations (UA’s) sa General Appropriation Bill 2026 ay hindi tulay ng pag-asa, kundi lagusan ng paglustay. Walang malinaw na pinagkukunan, walang tiyak na direksyon—ngunit may tiyak na panganib. Sa ilalim ng bawat linya ng pondo, may nakatagong interes na mas pinipiling magbulsa kaysa maglingkod.

Ang UA’s ay patibong ng katiwalian na binalot sa magarang termino ng “reserbang pondo.” Ayon kay Rep. Leila De Lima, dapat ng wakasan ang ganitong klase ng pondo sapagkat “kung walang tiyak at makikilalang pinagkukunan ng kita, hindi maaaring pahintulutan ng Kongreso ang ganitong appropriations.” Ang ganitong mekanismo ay parang itim na butas sa pambansang badyet—nakasandig sa “kung sakali” ngunit nagbubukas ng walang hanggang pagkakataon para sa pagnanakaw. Kapag ang salitang “if” ang naging batayan ng paggastos, ang katiwalian ay nagiging “when.”

Dagdag pa, nananatiling nakapako sa maling prayoridad ang pamahalaan. Ayon kay Rep. Chel Diokno, dehado pa rin ang kabataang Pilipino sa ilalim ng 2026 GAB dahil hindi nito tunay na itinataguyod ang kinabukasan ng bansa. Habang kapos ang mga paaralan, ospital, at tulong sa mga mahihirap, malayang lumalakad ang bilyon-bilyong pisong inilalaan sa mga proyektong “unprogrammed”—mga proyektong walang malinaw na plano, ngunit may malinaw na tatamaan; ang kaban ng bayan. Ang bawat pisong nawawala sa edukasyon ay piso ring napupunta sa bulsa ng katiwalian—at ang katahimikan ng mga opisyal ay kumpirmasyong sila mismo ang nakikinabang.

Sa kabilang banda, hindi rin maikakaila na ginagamit ng ilan ang Unprogrammed Appropriations bilang pansamantalang sandigan sa oras ng krisis. Ayon sa mga tagapagtanggol ng GAB, ang pondo raw na ito ay “reserba” sa panahon ng kalamidad, sakuna, at iba pang di-inaasahang pangyayari. Oo, maaaring makatulong ito kung maayos na mapapatakbo—ngunit sa kasaysayan ng bansa, ilang beses na rin nating nakita kung paanong ang “reserba” ay naging reserbang pangkatiwalian. Walang saysay ang pondong pangtugon sa bagyo kung ang mga opisyal na dapat magligtas ay sila ring naglulubog sa atin sa baha ng pandaraya.

Gayunpaman, ang UA’s ay hindi lamang pondo—ito’y simbolo ng paulit-ulit na kasinungalingang ginawang legal. Habang pinapalakpakan ng ilan ang GAB 2026 bilang “badyet ng pagbabago,” ang totoo’y isa lamang itong lumang kasunduan ng mga makapangyarihan—ikaw ang magsalita ng reporma, ako ang mangungupit sa likod. Ito ang dahilan kung bakit nananatiling mahirap ang bayan—hindi dahil kulang ang pera, kundi dahil sobra ang mga kamay na humahawak dito.
Ang bawat proyektong multo, bawat kontratang overpriced, at bawat flood control na walang silbi ay testamento na ang Unprogrammed Funds ay sandata ng mga mandarambong na may legal na lisensya.

Samakatuwid, kung tunay na reporma ang nais ng pamahalaan, dapat simulan ito sa pagputol ng ugat ng katiwalian—ang UA. Walang dahilan para manatili ang pondong walang tiyak na pinagkukunan. Zero out ang ganitong alokasyon at ituon ang pondo sa tunay na serbisyo—edukasyon, kalusugan, at kabuhayan. Panahon ng gawing batas ang ganap na budget transparency—mula sa paglalabas ng pondo hanggang sa paggamit nito—upang walang sinuman ang makapagtago sa anino ng kapangyarihan. Sa halip na maghintay ng “sobrang kita” o bagong utang, mas makabubuti kung ang gobyerno ay magsimula munang magtipid sa luho at pagbabaluktot ng kaban ng bayan.

Dahil sa dulo ng lahat, hindi badyet ang ugat ng problema—kundi ang mga kamay na maruming humahawak dito.
Y

Written by Ysha De Paz Olarte, Insight PH

Ysha De Paz Olarte, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

RReyanhil Laurio (Kalachuchi), Insight PH

OPINYON | WIKApit: Tunay ba ang Paglaya?

Matagal nang ibinaba ang watawat ng mga banyagang humamak sa atin. Itinayo na rin ang sariling pamahalaan upang ipangalandakang, sa wakas, malaya n...

17 hours ago 4 min read
JJohn Benedict Banday, Insight PH

COLUMN | Usec., is blaming the teachers your ’Claire solution?’

Teachers are always among the first to be blamed.A student fails, the teacher is questioned. A student misbehaves, the teacher is accused of...

11 days ago 4 min read
eezro, Insight PH

OPINION | A Tree Is Never Just a Tree

“It’s just a tree.”Fewer phrases reveal our environmental priorities more clearly than those four words.In the wake of ...

15 days ago 2 min read
Explore all Opinion articles