OPINION | NANANALAYTAY NA GANID

S

Silakbo, Insight PH

Author

3 min readApril 11, 2026
OPINION | NANANALAYTAY NA GANID

Nakakarindi.

Nakakasawa.

Walang pinagkaiba.

Iba’t ibang pagmumukha pero iisang angkan ang pinanggalingan. Sa bayang hindi lang ari-arian ang naipamamana pati na rin ang pamayanan ay tila pinagpapasa-pasahan ng mga pulitikong may iisang apelyido — ito ang tinatawag na “political dynasty”. Hindi na bago, subalit sa dilemang ito ay nagiging sanay na ang mga mamamayang Pilipino. Ang hindi natin namamalayan, dahan-dahan nitong ikinukulong ang kalayaan. Kalayaan sa pagpili ng liderato, kalayaan sa mapang-abusong sistema, at maging sa kalayaan sa maayos na pamumuhay.

Masakit na reyalidad. Mahigit 70% ng mga kasalukuyang opisyal sa Pilipinas ay galing sa political dynasties. Ito ang nagiging ugat kung bakit wala pa ring pagbabago sa ating bayan. Sinasanto ng karamihan sa mga Pilipino ang mga pamilyang matagal na sa puwesto. Aakala mo naman ay may naiambag sa bayan — para bang dumagdag na lamang sa pasaning problema, imbes na solusyon, naging konsumisyon.

Parang biro, pero totoo, sa bawat eleksyon sa Pilipinas, ang nagwawagi ay kadalasang nakabatay sa apelyido, yaman, at makinaryang pampulitika, natatakluban nito ang kakayahan at plataporma. Patunay na lugmok ang demokrasya sa ating bansa dahil sa matinding paglipana ng mga pamilyang matagal na sa puwesto. Tandaan natin, hindi mahahagilap ang pagbabago kung tayo mismo ang pumili nito.

Kung ating susuriin, usong-uso rin ang nepotismo at talamak din sa korapsyon. Mas madali sa kanila ang iluklok ang kasapi ng kanilang pamilya dahil sa kapit. Mas malaya rin silang makapagnakaw sa kaban ng bayan dahil nasa iisang pamilya ang kapangyarihan. Walang lalabas na baho sapagkat ang kasiraan ng isa ay kasiraan ng kanilang buong angkan. Sa madaling salita, tayo ang binibilog — pinapaikot at pinaglalaruan sa kanilang mga kamay.

Hindi nakakapagtaka kung bakit sa tuwing napag-uusapan ang “Anti-Political Dynasty Law,” biglang lumilihis ang storya— madaling ibasura dahil marami ang humahadlang na mismong galing din sa political dynasties. Kaya nakakagulat na kamakailan ay naaprubahan ang committee report, matapos lagdaan ito ng 12 senador at maipadala ito sa plenaryo para sa mas malalim na talakayan. Isa itong hudyat upang matigil na ang political dynasties sa ating bansa at magkaroon ng malayang kamalayan ang mga Pilipino sa pagpili ng liderato. Mas mainam na maipasa ito sa lalong madaling panahon.

Tayo ang pag-asa ng bayan at nasa atin din ang pagbabago, subalit kung magpapatuloy ang gawi — para tayong nananaginip nang gising. Ayusin ang pagpili, huwag magpadala sa malalaking pangalan at sa perang maaaring ibigay sa atin. Nawa’y madala na tayo sa epekto ng kanilang pagpapabaya. Oo, mayaman, kilala at matagal na sa politika, at may kaya silang magbigay ng pagbabago. Pero nasaan? Hanggang kailan magtitiis ang bayan? At hanggang kailan ikukulong ang kalayaan?

Sa huli, ang political dynasty ay isang dagok sa ating mga Pilipino—patuloy na nilulugmok at ginagatasan ang bayang ito. Nakakarindi nang pakinggan ang kanilang mga pangalan, nakakasawa na ring pagmasdan ang kawalang-hiyaan at walang pinagkaiba ang bawat isa sa kanila — totoong-totoo na nananalaytay ang ganid, ito ay nakaukit.

Mayroon din naman silang naiambag na pagbabago — panibagong hamon.

S

Written by Silakbo, Insight PH

Silakbo, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

RReyanhil Laurio (Kalachuchi), Insight PH

OPINYON | WIKApit: Tunay ba ang Paglaya?

Matagal nang ibinaba ang watawat ng mga banyagang humamak sa atin. Itinayo na rin ang sariling pamahalaan upang ipangalandakang, sa wakas, malaya n...

17 hours ago 4 min read
JJohn Benedict Banday, Insight PH

COLUMN | Usec., is blaming the teachers your ’Claire solution?’

Teachers are always among the first to be blamed.A student fails, the teacher is questioned. A student misbehaves, the teacher is accused of...

11 days ago 4 min read
eezro, Insight PH

OPINION | A Tree Is Never Just a Tree

“It’s just a tree.”Fewer phrases reveal our environmental priorities more clearly than those four words.In the wake of ...

15 days ago 2 min read
Explore all Opinion articles