Hindi upang lahatin, ngunit sadyang may mga mag-aaral sa kurso ng criminology na pinapatid ang linya ng katatawanan sa linya ng sensitibong usapan na hindi kailanman maituturing na biro. Lumantad sa isang viral na video sa social media ang mistulang dula-dulaang paglilitis ng mga estudyante ng criminology kung saan ginawang katatawanan ang maselang paksa na patuloy pa ring kinahaharap ng lipunan: ang panggagahasa.
Malinaw sa loob ng video ang panghahamak na malakas na tawanan, na animo'y nanonood ka lamang ng isang pelikulang may temang komedya. Subalit, hindi upang pigilan ang pagsasaya nila sa kasalukuyang ginaganap na ika nga nila “mock trial”, kundi upang muling paalalahanan ang mga estudyanteng sangkot sa video na ang magiging trabaho nila sa hinaharap ay maging pangunahing takbuhan ng mga biktima ng kasong pinagtatawanan nila.
Isa lamang ang malaking indikasyon nito sa mga biktima ng panggagahasa—kawalan ng tiwala sa sistema ng hustisya. Patunay lamang nito na ang pinakahuling datos na inihayag sa publiko ng Philippine National Police (PNP) noong 2023 ang bahagyang pagbaba ng mga inilahad na kaso ng panggagahasa mula sa tumatayang 5,192 na bumaba sa 3,762.
Sa unang tingin, magandang balita ito na bumaba ang kaso subalit pahayag din ng PNP na ang pagbaba ng kaso ay dalawa lamang ang mistulang dahilan. Ito ang kawalan ng tiwala sa batas, at takot na isangguni sa pulisya bunsod ng kawalan ng pag-unawa at pag-intindi.
Ngayon pa lamang na estudyante at magiging pulis pa sa hinaharap ang mga taong nasa loob ng video, mariin kong ikokondena na isang maging tampulan ng biruan ang isang paksang hindi kailanman maaaring gawing biro. Mula sa danas ng bawat kababaihan at kalalakihan na nakaranas ng panggagahasa, isang bubog ang muling mabubuksan na kailanman hindi malalapatan ng anumang gasa kung kaya't hindi maaaring maatim na biro ang paksa na inilahad nila upang gawing biro ito sa kanilang dula-dulaan.
Para sa institusyon at pamantasan ding kinabibilangan ng mga estudyante, panawagan sana ito upang itama ang pagkakamali at gawaran ng aksyon ang mga estudyante na magiging tagapagpatupad ng batas sa hinaharap. Hindi naman lingid sa aking kaalaman ang estereotipo sa mga mag-aaral sa kursong criminology na pangunahing sambit ng nakararami ay “human rights violator.” Iyon ang kataga na hindi ko kailanman sasang-ayunan sapagkat naniniwala akong hindi kailangan lahatin ang pagkakamali ng isa sa ibang layunin talagang maglingkod ng tapat at may integridad sa bayan.
Ngunit, sa mga ganitong pagkakataon nabubuo ang ibang tingin ng publiko, at sa mga ganitong sitwasyon din sana matuto ang ibang estudyante, kabilang ang mga nasa video, na itatwa ang anumang kiwestiyonableng aksyong hindi kanais-nais para sa mga magiging pulis sa hinaharap.
Sa huli, wala sa usapan kung sino o anong kursong kinabibilangan ang nagbitaw ng biro. Ito ay ang suliraning itinuturing ng nakararami na isang katatawanan ang patuloy pa ring umiiral na kaso ng panggagahasa. Mahigpit na ipinapaalalahanan ang mga kinauukulan sa ahensya ng gobyerno na tuunan ng pansin ang mga biktima, at huwag itong gawing katatawanan o paksa ng biro.
Kung magpapatuloy ang siklo ng tila isang dula at kawalan ng empatya para sa mga biktima ng panggagahasa, marahil hindi pa ligtas ang lahat ng mga biktima at patuloy pa ring bubuhayin sa kahihiyan dahil maaaring pangungutya’t panghahamak lamang ang matanggap kaysa tunay na pag-unawa.
Written by Robi Miguel L. Villapando | Havoc, Insight PH
Robi Miguel L. Villapando | Havoc, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



