Anurin man sa iyong isip ang isang alaala, bitbit naman ito ng isang papel na taglay ang mahika. Mula sa tanawin hanggang sa damdamin, sa isang sulyap lamang ay unti-unting babalik ang lahat sa iyong gunita. Ang panaghoy ng pusong hinahanap ang kahapong simoy ay kumakaway sa isang litratong kumupas—laman ng panahong lumipas.
Sa likod ng lenteng minsang naging saksi ng iyong ngiting kumakaway, naroon ang mga potograpong ating nakakasalubong sa kalye, sa ilalim ng liwanag ng mga poste. Hawak ang kamera, nakaabang sa hiwaga, at handang pumitik sa kalagitnaan ng sigla. Ito ang diwang naging saksi sa bawat pamilya sa Luneta, magbabarkada sa Intra, at kaluluwang naglalakbay sa Maynila.
“Isa, dalawa, tatlo—ngiti!” Iyan ang karaniwang sambitla ng kanilang mga labi.
“Ganitong postura ang gawin mo.” Hindi mo kailangang manalamin, sapagkat sila ang kumpas sa bawat indayog at ritmo.
“Ibang anggulo naman.” Sinisiguro nila na sa bawat tanawin ay may baong alaala, may maiuuwing larawan.
Bakit hindi natin ibalik ang nakagawian? Na sa pagtindig natin kasama ng mga estatwa at gusali, ay may isang aninong nagbibigay-liwanag sa gitna ng mainit na lansangan. At sa muling pagkain natin ng sorbetes o pagsakay sa bisikleta, hindi lamang ito basta matutunaw, hindi lamang tayo pagpapawisan o mauuhaw. Sapagkat sa tulong ng masining na potograpiya, mas tatatak ang tuwa at ligaya sa ating paglalakbay.
Kapag muli mong binuklat ang libro ng iyong buhay—ang batang nagpaalala sa iyong kabataan, ang lolo at lolang patunay ng tunay na pag-ibig, o ang bersyon mong minsang naliligaw sa kalsada—maaalala mo rin ang kamay, lente, at ngiting nagbigay-kulay sa iyong naging lakbayin.
At sa mga panahong hinahanap mo ang iyong sarili, kinakabisado ang huling sandali, o ninanamnam ang kasiyahang maaaring hindi mo na maramdamang muli… doon mo marahil mapagtatanto na ang potograpong iyon ay humanga sa matingkad mong presensya. Ang iyong ningning, postura, at tindig ang nagiging inspirasyon nila upang magpatuloy.
Simple man kung isipin, at totoo—mas mabilis at mas madali na ang paggamit ng telepono para kumuha ng litrato. Ngunit ang tradisyong ito ay masining na pagsasalarawan ng ating pagkakaisa, ng ating bayanihan, at ng nakaraan nating hindi dapat makaligtaan. Nawa’y hindi maging mabigat na gawain ang pagtangkilik dito, kundi isang magaang pagpapahalaga sa esensya ng potograpiya. Sapagkat ang litrato ang pruweba ng kagandahan ng ating bayan, at ang potograpo ang instrumentong nagbibigay-buhay sa ating nakaraan.
Sa susunod na may muling bumuklat ng iyong mga alaala, maaaring “Sino ang nasa larawan?” ang tanging masambit. Ngunit tandaan, may isang taong naging tahimik na bahagi ng kaganapan—at iyon ang taong nasa likod ng magandang larawan.
Written by Danica Rose Caña, Insight PH
Danica Rose Caña, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



