LATHALAIN | Saan nga ba ang punta ng Piso?

C

Czevie Sigue, Insight PH

Author

3 min readMay 15, 2026
LATHALAIN | Saan nga ba ang punta ng Piso?

May paraan ang nanay ko sa pagtupi ng pera na tila kayang paliitin pa ang halaga nito. Dalawang tupi saka isisiksik sa gilid ng pitaka, na para bang sa pagnipis nito mababago ang bigat ng kakulangan.

Sa maraming pamilyang Pilipino, ang bawat pisong dumarating ay may nakalaan nang patutunguhan bago pa man ito tuluyang mahawakan. Pagkain, edukasyon, kuryente, tubig, at mga gastusing hindi inaasahang dumarating at nakikibawas pa sa kakarampot na halaga. Sa ganitong realidad madalas umiikot ang buhay sa mga tahanang saklaw ng Pantawid Pamilya Pilipino Program o 4ps.

Bilang tugon sa matagal ng problemang kahirapan sa bansa, inilunsad noong 2008 ang 4ps kung saan sa paglipas ng panahon pormal itong kinilala sa bisa ng Republic Act No. 11310. Layunin nitong magbigay tulong pinansyal sa pamilyang kapos, kapalit ng pagtupad sa iilang kondisyon gaya ng kumpletong pagdalo ng mga bata sa paaralan at regular na pagpapasuri sa mga health center.

Ang pagpili ng benepisyaryo ay dumaraan sa isang masusing pagsusuri—kita ng pamilya, uri ng tirahan, at ilan pang mga criteria na nakapaloob sa Standardized Targeting System at sa poverty threshold na itinakda ng Philippine Statistics Authority.

Sa paglipas ng panahon, naging bahagi ng publikong opinyon ang usapan tungkol sa paraan ng paggastos ng ilang benepisyaryo ng 4ps. May mga kwento mula sa social media na nagsasabing may ilan na gumagamit nito para sa sugal, alak, o mga bagay na hindi maituturing na kasama sa listahan ng necessities.

Bagama't hindi ito sapat bilang representasyong ng kabuuan, sapat na ang mga ganitong kwento para mag-iba ang pananaw ng mga tao tungkol sa programa. Mula rito, umusbong ang iba't ibang mungkahi—mas mainam na gawing grocery voucher ang pagbibigay ng tulong o kaya'y direktang ipamigay bilang pagkain at school supplies ang pera—upang masiguro na napupunta ito sa nararapat nitong mapuntahan.

Dala nito, nagkaroon din ng ibang opinyon ang publiko gaya ng sa loob ng isang bahay na kapos, bihirang manatili ang pangangailangan sa iisang anyo. May mga panahong mas priority ang pagkain, o kaya ang pamasahe o gastusin sa paaralan, o minsan pa ay gamot na kailangang bilhin kung kailan hindi inaasahan. Ang pera, sa pagiging malaya nitong gamitin, ay nagbibigay ng kakayahan para sa mga gumagamit nito na maiangkop sa paiba-ibang sitwasyon—kaya't kung ito ay lilimitahan, hindi lamang ang paggastos ang apektado kundi pati na rin ang kakayahang magpasya batay sa kanya-kanyang pangangailangan.

Hindi rin naman masisisi ang mga tao kung naghahanap sila ng mapagbubuntungan ng sisi. Patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin habang nanatiling pareho o mabagal ang pag-angat ng sahod o kita sa iba't ibang sektor lalo sa mga middle class.

Kaya't madalas, ang tingin ay napupunta sa mga tumatanggap ng tulong mula sa pamahalaan. Mas madali nga namang kwestyunin kung paano nila ginagamit ang kanilang natatanggap.

Sa bawat pisong hinahati-hati, makikita ang mga desisyong kailangan gawin kaagad na kadalasan ay walang sapat na pagpipilian. Ang tulong na natatanggap ay hindi kailanman labis kundi ay panandaliang ginhawa sa isang pang-araw-araw na pakikibaka.

Sa huli, ang tanong ay hindi lamang kung saan napupunta ang piso, kundi kung paano ito paulit-ulit na itinutupi at pinagkakasya sa isang buhay na kailanman ay hindi naging sapat ang hawak.

C

Written by Czevie Sigue, Insight PH

Czevie Sigue, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Feature

AAdriana Faye B. Marfil, Insight PH

FEATURE | Press Under Pressure

Journalism is a profession whose product outlives its producer only after it survives its most exacting test: precision under pressure. A draft nea...

5 days ago 4 min read
RRosfranceska, Insight PH

FEATURE | Faring the Fares

Muffled sounds from the television and the disappointed faces occupied the entirety of my family’s living room. In times like these, warm conversat...

8 days ago 6 min read
SSavanna T. Tarraya, Insight PH

FEATURE | A Privilege to Share

When a country begins to treat high commodity prices and heavy taxes as normal, even the simplest books become a privilege.Your favor...

9 days ago 4 min read
Explore all Feature articles