LATHALAIN | Pulis, Pulis, Matulis

H

Hayden Datang, Insight PH

Author

3 min readSeptember 9, 2025
LATHALAIN | Pulis, Pulis, Matulis
“Beep, beep, beep!” Iyan ang madalas marinig kapag lumalabas sa malawak na lugar na puno ng mga establisyemento—mga usok na nalalanghap sa bawat paghinga at paghigop. Isang lugar na parang walang katapusan, dahil sa kahit anong sobrang habang paglalakbay, lahat ay may patutunguhan.

Hindi mawawala sa pamumuhay ng isang indibidwal ang transportasyon. Punta roon, punta rito. Sakay roon, sakay rito. Parang isa na lang itong paulit-ulit na pangyayari sa ating buhay. Ngunit sa bawat businang naririnig, usok na nalalanghap, at harurot ng malalakas na tambutso, mayroon palang nakakatakot na misteryo na siyang nagiging dahilan upang hindi tumuloy sa paglalakbay ang isang tao.

Kilala ang mga pulis sa kanilang nakakatakot na karisma. Parang kapag tiningnan mo pa lang sila, nakaposas ka na sa sarili mong isipan. Ang iba, nakikita sa presinto—nagbabantay ng mga tao at nagseserbisyo sa publiko. Pero hindi lang pala roon nakikita ang tulad nila; hindi lang pala posas ang hawak-hawak nila, at higit sa lahat, hindi lang pala putok ng baril ang maririnig kapag may nagawang ilegal ang isang tao. Kasama ang malalakas na tunog ng pito ang siyang maririnig kapag may nilabag ang batas. Pero saan ko nga ba ito nakikita at naririnig?

Sa isang malawak na lugar: ang daanan. Marahil ang iba ay ‘di alam na ang simpleng pagpundi ng ilaw sa kotse ay paglabag na sa batas—ngunit hindi pa ito kasingbigat ng nararanasan ng iba. Para sa mga sumasakay at nagpapaandar ng motorsiklo, ang mga pulis ang siyang kinakatakutan nila, lalo na kapag walang helmet na dala. Parang ang mga pulis ang nagiging patalim na matulis para butasan ang mga gulong ng motorsiklo, at pigilan ang paglalakbay na kanilang nais.

Subalit bakit nga ba sila naririto? Nakatayo, nagaantay, pumipito sa daan na parang mga estatwa. Iyon ay dahil para sa iyo, sa akin, at sa atin. Kapakanan ng iba ang iniisip nila. Kapag hinuli ka, hindi naman dapat puno ng duda. Baka hindi ka nagsuot ng maayos na kasuotan bago umalis patungo sa iyong paroroonan. Marami na ang nasawi dahil sa ganitong pangyayari—mga taong hindi nakaligtas sa mga aksidenteng iniiwasan ng lahat. Ang dahilan? Walang helmet.

“No Helmet, No Travel” — ganyan kung paano pinangalanan umano ng City Councilor na si Roger G. Abaday ang isang panlungsod na patakaran na kanilang ipinatupad. Ito ay sumusunod sa Republic Act 10054, o ang Motorcycle Helmet Act of 2009, na nagsasaad na sinumang motorcycle drivers o backriders na mabistuhan ng pulisya ay may katumbas na parusa. Dahil sa pagkasawi ng isang indibidwal na si Ed Satur sa Barangay Kauswagan, Cagayan de Oro, isinulong ang naturang patakaran.

Mismong mga mambabatas sa Kongreso ang nagpasa ng batas, bunga ng paulit-ulit at nakakatakot na pangyayaring nararanasan ng sangkatauhan. Sa bawat haywey na ating dinadaanan, may kuwento ang bawat kilometrong ating ginugulungan. Hindi dapat matatapos ang buhay ng isang tao dahil sa paglabag ng isang simpleng batas. Hindi dapat nagiging katapusan ang isang paglalakbay dahil lamang sa hindi pagsusuot ng helmet.

Ihalintulad man ng iba ang mga pulis bilang kontrabida sa isang pelikula—pero kung ako ang tatanungin, ihahalintulad ko sila sa pantasa, at tayo ay ang lapis. Tulad ng isang pantasa: kapag walang tasa ang lapis, hindi ito makakasulat. At kung walang pulis na siyang mangunguna sa pagbabawal sa mga kamaliang ginagawa ng tao, hindi tayo makakarating sa buhay at sa destinasyon ating inaasam.
H

Written by Hayden Datang, Insight PH

Hayden Datang, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Feature

AAdriana Faye B. Marfil, Insight PH

FEATURE | Press Under Pressure

Journalism is a profession whose product outlives its producer only after it survives its most exacting test: precision under pressure. A draft nea...

5 days ago 4 min read
RRosfranceska, Insight PH

FEATURE | Faring the Fares

Muffled sounds from the television and the disappointed faces occupied the entirety of my family’s living room. In times like these, warm conversat...

8 days ago 6 min read
SSavanna T. Tarraya, Insight PH

FEATURE | A Privilege to Share

When a country begins to treat high commodity prices and heavy taxes as normal, even the simplest books become a privilege.Your favor...

9 days ago 4 min read
Explore all Feature articles