Hindi nagtatapos sa pangangampanya ang pagkilala. Tanging kilos at gawa ang nagsisiwalat kung sino sila: higit bilang kandidato, sa likod ng kanilang kandidatura. Marapat lamang na maging mapanuri sa pagpili, at responsable sa pagtanggap, ano man ang resulta nitong kaakibat. Ilan lamang ito sa mga ipinagkikibit-balikat ng mga botanteng pilipino tuwing halalan. At ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa, ang siyang patunay.
Bagamat bilog ang mundo, suntok sa buwan ang pagsugpo sa mga isyung panlipunan tulad ng kurapsyon at kahirapan dahil sa paulit-ulit nating pagkakamali. Pagkakamaling pagkatiwalaan muli ang dating nagtaksil sa mga nasasakupan nito’t sa sinumpaang katungkulan. Pagkakamaling magpadala sa mga paandar na lumimas sa kaban ng bayan, kung kaya’t hindi makausad mula sa pagkalugmok. Pagkakamaling dapat itinama, pero ipinagsawalang-bahala. Mga pagkakamali na dapat nagmumulat sa atin, sahalip ay naging piring.
Ang pangunahing salik na may impluwensya kung bakit patuloy ang daloy ng ganitong sikilo sa ating bansa ay ang paaran kung pano tayo pumili ng mga opisyal. Ayon sa rappler article “We end up electing the wrong people” na isinulat ni Edmund S. Tayao- isang professor sa the University of Santo Tomas, Department of Political Science. Ang tanging paliwanag ay ang mga pumalit sa lumang grupo ng mga pinuno (kasama na ang mga umalis sa gobyerno nang may kahihiyan) ay hindi gaanong naiiba at nabigo na dalhin tayo sa kung saan lagi nating pinapangarap na marating.
Nagiging paulit-ulit lang ang mga politiko dahil walang gaanong pagpipilian. Mas gugustuhin ng mga kwalipikado na huwag tumakbo, dahil mahal ang tumakbo para sa posisyon. Kaya ang mga nagiging kandidato ay ang mga palaging tumatakbo. Ang lipunang sibil, at ang akademya ay kumbinsido na sa pangangailangang baguhin ang sistemang pampulitika at pang-ekonomiya. Sa kasamaang palad, ang mga gumagawa ng patakaran—ang mga makakagawa ng pagbabago—ang siyang pumipigil dito.
Kailangan ng malaking pampublikong presyon para maipatupad ang isang bagong sistema. Kung may malaking pampublikong presyon, katulad ng Edsa, posibleng baguhin ang sistema. Katumbas ng pagkagapos sa nakaraan, ang kasalukuyang kalayaan kung pipiliin nating maging bulag sa katotohanan.
Na ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagboto ng wasto. Hindi base sa dami ng bilang, bagkus kung sino ang karapat dapat na ihalal. Dahil bukod sa posisyong pinanghahawakan, ang pamamahala ay isang obligasyon na dapat pangatawanan. Magkakaiba man ng mga prinsipyong isunusulong ng bawat isa, nawa’y ang tinta sa ating mga daliri ang magsilbing tanda ng ating pagkakaisa laban sa katiwalian— at hindi mabahiran ng pag mamalinis at pagtuturuan.
Written by Kycer Agnes, Insight PH
Kycer Agnes, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



