Sasapit na naman ang Araw ng mga Puso. Nariyan na naman ang kaniya-kaniyang pakulo at plano ng bawat isa para sa kanilang mga mahal. Nagiging makulay ang paligid, puno ng mga dekorasyon katulad ng mga puso at mga Mr. Kupido. Maraming nagtitinda ng bulaklak, tsokolate sa bawat sulok, kahit saan, kahit sa loob pa ’yan o labas ng paaralan ay meron din. Dahil ito ay patok lalo na sa mga kabataan ngayon na maagang umiibig at nagmamahal. Para sa karamihan, ito ay simbolo ng pagmamahalan para sa couples, pero iilan sa mga kabataan ay tila malaking kabawasan ang araw na ito para sa kanila dahil walang ka-date o walang boyfriend o girlfriend.
Ngunit kailangan ba talaga na may ka-date ka para sa araw na ito?
Sa henerasyon ngayon, iba ang pananaw ng mga kabataan. Iba ang kultura at ang kanilang paniniwala, at lumalabas sa social media na "dapat may jowa ka sa Feb 14," kaya ang kabataan ay nagpupursige na maghanap ng ka-date para sa araw na ito. May nagbibiro, pero minsan ay seryoso pala. Dahil sa ganitong pananaw, ang karamihan sa kabataan ay napipilitang pumasok sa isang relasyon na hindi pa sila higit na handa. Dahil sa henerasyon ng kabataan ngayon ay ayaw na nilang napag-iiwanan sila ng panahon, kaya nangyayari ito.
Dagdag pa, hindi lamang naman ito para sa magkasintahan. Ito ay puwede ring kasama ang iyong pamilya at kaibigan. Ang diwa ng Valentine's Day ay pagmamahalan, pagmamahal sa iyong pamilya, kaibigan, at kasintahan.
Kahit ikaw ay nag-iisa, nandiyan ang iyong pamilya na kung saan nanggaling at kung saan natutunan kung paano magmahal. Nariyan din ang mga kaibigan na kasama mo kahit saan. Sa katunayan, maraming kabataan dapat ang mas pinipiling makipag-date kasama ang pamilya o kaibigan, kaysa pumasok sa relasyon na hindi ka handa at napilitan lamang.
Mahalaga na ating tandaan na ang pagiging single sa araw na ito ay hindi kabawasan sa iyo bilang kabataan. Hindi ito batayan upang maramdaman mong mahal ka ng isang tao. Hindi rin batayan ang tsokolate at bulaklak para masabing mahal ka niya. Mas mahalaga ang pag-hiintay sa tunay na pagmamahal at handang pagpasok sa isang relasyon. Na walang bigat na nararamdaman na baka iwanan ka niya.
Sa huli, ang Valentine's Day ay selebrasyon ng pagmamahal, ngunit hindi sa iba, kundi sa pagmamahal mo sa iyong sarili. Mahalin mo muna ang iyong sarili bago ka magmahal ng ibang tao. At tsaka mo mahalin ang iba, hindi naman kompitesyon ang mga regalo, bulaklak at tsokolate na ibibigay mo sa isang tao. Ang mahalaga ay kung paano pinahahalagahan ang mga taong nagpapahalaga rin sa atin. Maging kasintahan man o iyong pamilya at kaibigan.
Written by Bea Cristel Maniquiz, Insight PH
Bea Cristel Maniquiz, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



