LATHALAIN | PARA, MAY BABABA: Jeepney Love Story Gone Wrong

H

Hayden Datang, Insight PH

Author

4 min readSeptember 28, 2025
LATHALAIN | PARA, MAY BABABA: Jeepney Love Story Gone Wrong
“Sumakay ako sa jeepney, ikaw ang nakatabi. Hindi makapaniwala.” Ganiyan kung paano ilarawan ni Yeng Constantino ang kaniyang karanasan nang makatabi niya ang isang tao na siyang naging dahilan upang hindi na muling pumara pa. Isa itong sikat na pambungad na linya sa kaniyang kantang Jeepney Love Story.

Para kay Yeng, ang kantang ito ay puwedeng ihalintulad sa isang rosas at keyk. Sobra na kasi sa pagmamahal, tamis, at bango kung ilalarawan natin ang kantang isinagawa niya — animo’y pati ikaw ay maiisip mo na rin kung ano nga ba ang pakiramdam kung ikaw ang nasa posisyon ni Constantino. Kikiligin ka ba? O mag-iisip na bababa na lang?

Naging tatak na sa Pilipinas ang dyip dahil sa mga malikhaing disenyo na siyang nakakakuha at nakakabingwit ng ating atensyon. Ngunit sa kabila ng mga makatawag-pansing disenyo, hindi rin mawawala ang pambungad nilang busina.
Kung ihahalintulad mo ito sa ibong nakakakiliti sa tainga kung kumanta, nakakabulabog naman ang busina ng dyip. Pero kahit ano pa man ang tunog nito—mapalakas o mahina—isa pa rin ang jeepney sa mga nagiging dahilan upang maipakita at mapanatili ang nakasanayan at tradisyon ng bawat isa.

Balikan muna natin ang kantang Jeepney Love Story. Nakakakilig nga kung pakinggan ang kanta. Kung maramdaman ang bawat notang sinasambit, kasabay mo na rin ang karakter na para bang ikaw mismo ang umaakto sa imahinasyon sa pamamagitan ng pagkanta. Subalit, hindi pala ganito ang nangyayari sa tunay na buhay. Kahit sabihing ikaw na ang tunay na bida, mayroon pa ring mga hadlang upang ikaw ay mawalan ng eksena.

“Kasya pa, umusog na lang ‘yung iba!” Iilan lamang ito sa napakaraming linya na sinasabi ng mga drayber o konduktor na nagpapatakbo ng isang transportasyon. Para bang isang sardinas ang mga pasaherong tuloy-tuloy sa pagsisiksikan ng kanilang katawan kahit wala nang hangin, at puno na ng kainitan ang kapaligiran.

JEEPNEY DRAYBERS VS. LTO
Isa ang pagkakarga ng labis na mga pasahero sa isang sasakyan sa mga pinakaiiwasan at pinakasinisita ng Land Transportation Office (LTO), sapagkat ito ang nagiging dahilan kung bakit may mga negatibong kaganapan sa daan.
Ayon kay Tatay Antonio Valos, isang jeepney driver, isa raw sa mga pinakamahirap na bahagi ng kanyang trabaho ang pagpapanatili ng maximum capacity sa jeep na kanyang minamaneho. “Kapag rush hour, kawawa rin kasi iyong mga pasahero. Male-late na kasi sila sa trabaho. Kaya iyong iba, napipilitan na lang tumayo,” saad ni Valos.

Upang maiwasan ang mala-posporo at mala-sardinas na pagsisiksikan ng bawat pasahero, naglabas ang LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng polisiya na tinatawag nilang anti-overloading o anti-sardinas policy.

Sa pamamagitan nito, walang pampublikong transportasyon ang maaaring tumanggap ng lampas sa maximum capacity na itinakda ng mismong manufacturers. Kapag nilabag nila ito, hindi lamang ang sasakyan ang mawawala sa kanila, kundi pati na rin ang lisensya, prangkisa, at tiwala ng mga pasaherong umaasa sa bawat drayber para maihatid sila sa kanilang destinasyon.

OVERLOADED: BUHAY ANG KAPALIT
Noong nakaraang taong 2024, apat na tao ang nasawi matapos magkaroon ng aksidente sa Katipunan Avenue. Ang naging dahilan: overloaded jeepneys at trucks. Dahil sa aksidenteng ito, hindi lamang buhay ang nawala sapagkat 30 pasahero pa ang naiwang sugatan.

Kung ibabase ang buhay sa Jeepney Love Story ni Yeng Constantino, napakalamig sa pakiramdam ng bawat tamis at nakakakilig na linya ng mangaawit. Pero kahit na anumang gawin, napakabihira lang na maramdaman ang ganoong pakiramdam. Malayo ang kuwento sa totoong buhay.
Tunay ngang ang mga jeepney ang nagiging dahilan at transportasyon upang ihatid tayo sa ating mga destinasyon—mga lugar na maaaring maging sanhi o pinagmulan ng ating tagumpay. Pero hindi maipagkakait na sa bawat usog at siksikan ng katawan, may kaakibat itong mga pangyayaring karumaldumal.

Sa ganitong sitwasyon, kung saan patuloy nating pinagsisiksikan ang sarili sa mala-sardinas na lugar, parang mas gugustuhin ko nang palitan ang linyang kumukuha ng atensyon ng bawat isa. Mula sa “Ayaw ko nang pumara,” mas pipiliin kong sambitin ang linyang “Manong, bababa ako sandali.”
H

Written by Hayden Datang, Insight PH

Hayden Datang, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Feature

AAdriana Faye B. Marfil, Insight PH

FEATURE | Press Under Pressure

Journalism is a profession whose product outlives its producer only after it survives its most exacting test: precision under pressure. A draft nea...

5 days ago 4 min read
RRosfranceska, Insight PH

FEATURE | Faring the Fares

Muffled sounds from the television and the disappointed faces occupied the entirety of my family’s living room. In times like these, warm conversat...

8 days ago 6 min read
SSavanna T. Tarraya, Insight PH

FEATURE | A Privilege to Share

When a country begins to treat high commodity prices and heavy taxes as normal, even the simplest books become a privilege.Your favor...

9 days ago 4 min read
Explore all Feature articles