Minsan, mas malakas pa ang tunog ng katahimikan kaysa sa pinakamasigabong palakpakan.
May mga taong tila nilikha para sa entablado. Bata pa lang, sinanay na silang pumila sa hanay ng mga "may potensyal." Tinuruan silang ngumiti habang tinatanggap ang medalya, yumuko habang pumapalakpak ang guro, at magpasalamat sa bawat pagkilalang ipinaramdam na tila utang na loob sa sistemang pumili sa kanila. Sila ang mga honor student o ang "cream of the crop." Sa bawat palakpak, paulit-ulit na itinanim sa kanilang isipan ang isang malupit na ideya: magaling ka dahil may silbi ka.
Naaalala mo pa ba ang tunog? Ang palakpak na sabay-sabay, at umaalingawngaw sa buong gymnasium, kasabay ng boses ng emcee na malakas na binigkas ang iyong pangalan, at ang pakiramdam ng medalyang malamig sa balat at unti-unting umiinit habang nakadikit sa iyong dibdib."
Sandaling umiingay ang mundo para lang sa’yo. Binibigkas ang pangalan mo, may bahagyang palakpak bago pa man matapos ang huling pantig. Umakyat ka sa entablado, inaayos ang kasuotan, at tinatanggap ang parangal na matagal mong pinagsikapan. Ngumiti ka dahil sanay ka na rito. Alam mo ang posisyon ng kamera at alam mo kung kailan tatango. Sa araw na iyon malinaw na may saysay ang puyat, may patutunguhan ang pagsisikap, ngunit gaya ng lahat ng seremonya, may hangganan ang palakpakan. Bumabalik ang ilaw sa karaniwan at ang dating sentro ng entablado ay muling nagiging isa sa marami.
Para sa ilan, ang katahimikan ay mas mabigat kaysa pagkatalo. Kapag walang tumitingin, nagiging mapanghimagsik ang pagdududa. Ang pagiging karaniwan ay tila kabawasan sa dating dangal. Sa lipunang sanay magdiwang ng panalo, bihira ang nagtuturo kung paano harapin ang mga araw na walang selebrasyon. Kailan nga ba ang huling araw na may pumalakpak para sa’yo?
Ngayon, iba na ang mga tunog na bumubungad sa’yo. Alarm clock na, at kailangan mo talagang sundin, hindi dahil may awarding; kundi dahil may klase, may trabaho, may lakad, may responsibilidad. Mahinang ugong ng electric fan o aircon habang nag-aayos ka ng damit na hindi na toga o jersey, kundi pang-araw-araw. Mga usapan tungkol sa deadlines, commute, grocery list, at bayarin. Walang mikropono, walang spotlight kundi mga simpleng gawain lang na kailangang tapusin bago matapos ang araw. Ang mundo ay hindi na umaalingawngaw sa pangalan mo kundi tahimik itong umiikot, tila hindi alintana kung nasaan ka.
Nasa drawer pa rin ang medalya mo at nakatago ang mga sertipiko sa plastic envelope na medyo gusot na sa gilid. Paminsan-minsan, nakikita ito habang may hinahanap na “mas” mahalaga gaya ng valid ID, resume, o kaya ay pera. At minsan, hindi ba't napapaisip na kung ganito lang din, may silbi pa ba ang lahat ng iyong pinaghirapan?
Pero marahil hindi sila kailanman nawala ang silbi kundi nagbago lang ang gamit. Hindi na sila para patunayan sa iba kung gaano ka kagaling, kundi paalala sa’yo kung ano ang kaya mong gawin kapag may dedikasyon ka. Ang sipag na nagdala sa’yo sa entablado ay siya ring sipag na ginagamit mo ngayon, sa pagtupad ng mga responsibilidad, pag-aadjust sa bagong takbo ng buhay, at pagharap sa mga araw na hindi engrande ngunit mahalaga pa rin.
Dito nagsimula ang totoong kuwento, hindi sa ilalim ng ilaw ng entablado, kundi sa mga araw na walang pumapansin. Hindi sa sandaling ipinakilala ka, kundi sa panahong ikaw na mismo ang kailangan maniwala sa sariling halaga. Sapagkat ang buhay pagkatapos ng palakpakan ay hindi naman kawalan ng saysay. Ito lamang ang yugto kung saan natututo kang mabuhay nang hindi sinusukat ng ingay ng iba.
Written by Czevie Sigue, Insight PH
Czevie Sigue, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



