LATHALAIN | May Nagagawa ang Pag-aalsa: Isang Aral mula sa Anim na Araw ng Welga

G

Gweneth Pablo, Insight PH

Author

6 min readMay 14, 2026
LATHALAIN | May Nagagawa ang Pag-aalsa: Isang Aral mula sa Anim na Araw ng Welga

Anim na araw ring binalot ng katahimikan ang dakong loob ng Kowloon House–isang maliit na kainan ng siomai, siopao, at mami sa may West Avenue, Quezon City. Bakante ang mga mesa at upuan at salat sa umaalingawngaw na ingay ng kanilang mga kustomer. Wala na ring marinig na kalampag mula sa kusina na galing sa mga kawali, palayok, at iba pang kagamitan–at ang mga kusinero ay hindi na rin matagpuan.

Nabalot nang katahimikan ang dakong loob ng Kowloon House sapagkat ang ingay ay matatagpuan na sa labas, kung saan nagwewelga ang mga manggagawa dahil sa mababang sahod.

Nagpasyang magwelga ang mga manggagawa sa Dimsum Production ng Kowloon House dahil sa kakulangan sa sahod na mahigit isang daang piso ayon sa ulat ng ABS-CBN News. Ang pay gap ay nagmula sa mga nakaraang wage orders at sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA) na hindi pa ipinatutupad. Diin ng mga manggagawa, patuloy na binabarat ang kanilang mga sahod bunsod ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, samantalang kumikita ang nasabing kainan ng humigit-kumulang P400,000 kada araw.

Sa kontekstong ito, ang pagprotesta ng mga manggagawa ng Kowloon House ay repleksyon ng realidad ng kanilang kumakalam na sikmura at ang kanilang kakulangan na maibigay ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya sa kabila ng pagta-trabaho ng patas. Kung gayon, ang pagwewelga ay hindi lamang simpleng paggawa ng ingay, kundi isang makabuluhang instrumento para sa pagbabago.

Welga Bilang Pagsasatinig ng Karapatan

Sinasabing ang welga ay madalas na huling opsyon ng mga manggagawa kapag ang negosasyon sa pamunuan ay nabibigo o hindi nagkakasundo, ngunit higit pa rito, ang pagwewelga ay muling pagpapatibay ng karapatan ng mga Pilipino, lalong-lalo na sa mga uring manggagawa.

Hindi nakabukod ang kaso ng mga manggagawa sa Kowloon House. Matagal nang problema sa lipunan ang mga kumpanyang inaagrabyado ang karapatan ng kanilang mga manggagawa na siyang nag-uudyok sa kanila upang mag-alsa. Nariyan ang pagwewelga ng mga daan-daang kawani ng NutriAsia taong 2018 dahil sa kontraktwalisasyon, hindi makatarungang pasahod, at hindi ligtas na kalagayan sa pagtatrabaho. Kung hindi nag-aalsa ang mga manggagawa, nabibigyan ng dahilan ang mga kumpanyang magpatuloy sa kanilang maling polisiya dahil sa paniniwalang wala namang tumututol sa kanilang mga ginagawa.

Sa kaso ng Kowloon House, ang pagkait sa kanila ng isandaang pisong taas sa sahod sa loob ng tatlong taon ay hindi lamang pagkakamali sa accounting, kundi direktang pagkakait ng sapat na pagkain sa hapag-kainan ng mga manggagawa. Kung ang mga kawaning nakakagawa at nakakabenta ng anim hanggang pitong libong dimsum araw-araw ngunit mahirap tustosan ang pagkain nila at ng kanilang pamilya tatlong beses isang araw, ang pagwewelga ay naging huling preno laban sa pananamantala.

Ang pagpreno nila ng anim na araw ay upang ipakita sa mga kinauukulan na ang kinikita nilang 400,000 piso sa loob lamang ng isang araw ay mula rin sa mga manggagawang pinagkakaitan nila.

Higit pa sa pagtuligsa sa mga mapang-aping sistema, ang pagwewelga ang siyang nagbibigay kamalayan sa ibang mamamayang Pilipino ng estado ng mga manggagawa sa bansa at siya rin nag-uudyok sa kanilang pakikiisa.

Tulad na lamang ng mga bandang Sleeping Boy Collective at The Flying Lugaw na nag-organisa ng mga kaganapan sa Mow’s bilang pagkakaisa sa panawagan ng mga manggagawa ng Kowloon House. Ang suportang ito ay hindi lamang nagpapatatag sa moral ng mga manggagawa–nagbibigay din ito ng mas malawak na atensyon sa kanilang laban para sa dignidad at sapat na kabuhayan. Dahil dito, nauudyok ang ibang manggagawang Pilipino na magnilay din sa kanilang kalagayan sa sari-sarili nilang mga trabaho–sa mga pagkakataong ito namumulat ang sambayanan sa kung anong karapatan sana ang kanilang tinatamasa.

Kung gayon, ang laban ng mga manggagawa ng Kowloon House ay hindi lamang personal na laban, kundi laban din ng lahat ng uring manggagawa sa bansa. At hindi lamang ang karapatan ng mga kasalukuyang kawani ang siyang kanyang pinoprotektahan, kundi pati na rin ang mga manggagawa ng mga susunod na henerasyon.

Ang Pananagutan sa Susunod na Henerasyon

Ang bawat sigaw sa picket line sa West Avenue ay may dalang pangako para sa mga susunod na henerasyon ng mga uring manggagawa. Ang mga welgang ito ang nagtitiyak na ang mundong mamanahin ng mga kabataan ay isang mundong marunong gumalang sa dignidad ng paggawa.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 6.415 milyong kabataan–edad 15 hanggang 24 taong gulang–ang kabilang sa labor force na batay sa pagtataya noong Abril 2025, at 5.67 milyon sa kanila ang may hanapbuhay. Sa bilis ng paglaki ng populasyon ng mga kabataan sa bansa, inaasahang patuloy ang pagdagsa ng mga bagong manggagawa bawat taon. Kaya naman ang pagwewelga laban sa hindi patas na sweldo at hindi maayos na kalagayan sa pagtatrabaho sa kasalukuyan ay paniguradong aalingaw-ngaw din sa mga susunod na henerasyon. Kung ano ang ipinaglalaban sa mga kalsada ngayon ay magiging katiyakan ng mas maayos na bukas para sa susunod na mga manggagawa.

Higit pa rito, unti-unti ring nagiging konkreto ang kamalayan ng mga kabataan sa mga usapin sa sektor ng paggawa dahil sa kanilang pakikiisa sa mga kalsada para sa mga uring manggagawa–isang mahalagang hakbang tungo sa pagprotekta sa kinabukasan na sila mismo ang tatamasa.

Gaya na lamang ng pakikiisa ng mga estudyante mula sa iba’t ibang organisasyon–gaya ng Anakbayan at League of Filipino Students–sa picket line noong nagwelga ang mga kawani ng NutriAsia laban sa ‘endo’ at hindi makatarungang gawi sa paggawa. Nariyan din ang pakikiisa ng mga kabataan mula sa iba’t ibang unibersidad sa laban ng mga tsuper sa modernisasyon o pag-phaseout ng mga tradisyunal na jeepney, pati na rin ang pagtanggal sa excise tax ng mga produktong petrolyo bunsod ng pagtaas ng presyo ng krudo at gasolina.

Dahil sa pakikiisa ng mga kabataan, ang mga hidwaan sa sektor ng paggawa ay hindi na lamang usapin sa loob ng mga opisina o kusina, kundi nagiging pambansang diskurso na humuhubog sa ating kinabukasan.

Ang Bunga ng Paninindigan

May nagagawa ang pag-aalsa dahil hindi nauwi sa wala ang anim na araw na katahimikan sa dakong loob ng Kowloon House.

Dahil sa kanilang kolektibong paninindigan, nakamit ng mga manggagawa ang dagdag na 20 piso sa sahod at ang pagbabalik ng kanilang service charge benefits na ipinagkait sa kanila sa loob ng tatlong taon. Ang tagumpay na ito ay hindi lamang tagumpay sa usapin ng sweldo at pera, kundi tagumpay sa pagbawi sa kanilang mga karapatan at dignidad–hindi lang bilang mga manggagawa, kundi bilang mga tao.

Sa kabila ng kanilang tagumpay, patuloy ang laban ng mga manggagawa ng Kowloon House. Sa kasalukuyan, kanilang kinakaharap ang banta ng mass termination–isang panibagong pagsubok pagkatapos ng kanilang pagkapanalo.

Ngunit sa kabila nito, napatunayan ng anim na araw nilang katahimikan–na siyang napalitan ng kanilang ingay sa lansangan–na ang sama-samang paninindigan ay may kapangyarihang yumanig sa sistemang matagal nang nananamantala. At hangga’t may manggagawang handang lumaban para sa kanilang karapatan, mananatiling buhay ang laban para sa dignidad, kabuhayan, at kinabukasan na mas makatarungan.

G

Written by Gweneth Pablo, Insight PH

Gweneth Pablo, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Feature

AAdriana Faye B. Marfil, Insight PH

FEATURE | Press Under Pressure

Journalism is a profession whose product outlives its producer only after it survives its most exacting test: precision under pressure. A draft nea...

5 days ago 4 min read
RRosfranceska, Insight PH

FEATURE | Faring the Fares

Muffled sounds from the television and the disappointed faces occupied the entirety of my family’s living room. In times like these, warm conversat...

8 days ago 6 min read
SSavanna T. Tarraya, Insight PH

FEATURE | A Privilege to Share

When a country begins to treat high commodity prices and heavy taxes as normal, even the simplest books become a privilege.Your favor...

9 days ago 4 min read
Explore all Feature articles