Sa masisikip na eskinita ng mga pamayanang Pilipino—kung saan ang mga sari-sari store ang nagsisilbing munting ilaw tuwing dapithapon—makikita ang anyo ng ekonomiyang umiikot sa maliliit na supot.
Shampoo, kape, mantika, pati suka: nakasabit sa hanay-hanay na sachet na mistulang abot-kaya, ngunit may tagong presyong mas mabigat kaysa sa tingin.
Para sa mga mamamayan, hindi kaginhawaan ang mga munting pakete kundi panandaliang lunas—binibili gamit ang mga baryang naipon mula sa hindi ginamit na pamasahe o hiniram na isang piso mula sa kapitbahay. At sa araw-araw na siklo ng pagtitipid at pagdadagdag ng tingi, nananatili ang mapait na katotohanan: kapag mas mahirap ang pamilya, mas mataas ang ibinabayad nila para sa mga pinakapayak na pangangailangan.
Kuwento ng sachet, simula ng unos
Sa taong 1980, nakaugat na sa puso ng mga Pilipino ang pagtitipid ng pera kahit na ito ay barya—isang piso man iyan o isang sentimo. Gayundin ang kultura na humubog na sa ating pagkakakilanlan: ang pagbili ng tingi o retail.
Ito ay kultura ng pagbili ng paninda ng mga mamamayan sa mumunting dami, at kadalasan ay ito’y nangyayari sa mga sari-sari stores.
Dagdag pa rito, ang mga mamimili ay nagdadala ng mga sarili nilang lalagyan kagaya ng botelya o garapon sa mga pinamili—isang paraan upang makatipid at maiwasan ang polusyon.
Subalit, ang noon na pinahahalagahan na kultura ng tingi ay parang binalewala at kinubkob ng kawalan ng hustisya ng pag-asa sana sa pag-unlad.
Sa makabagong panahon ngayon, ang pagkakaroon ng sachet economy ay nagbukas ng panibagong pag-asa para sa mga taong ipinagkakasya lamang ang pera para sa pang-araw-araw na buhay.
Ang sachet economy ay tumutukoy sa pagkalakal ng mga maliit na dami ng mga binibiling paninda ng mga konsumidor. At saka, ito ay tumagal sa mahabang panahon dulot na rin ng nababahalang kabuuang halaga ng mga Pilipino na nakatira sa ilalim ng guhit ng karalitaan sa bansa, ayon sa ulat ng Evergreen Labs.
Ang mga korporasyon ng Multinational FMCG (Fast-moving consumer goods), ay sabik na palaguin ang kanilang presensya ng kanilang brand para sa pagkilala sa mga pamilihan ng Asya, nilupig ang tradisyon na ito at nagsimulang magbenta ng samu’t saring mga produkto sa kaunting dami.
At dito na pumasok ang sachet. Isang uri ng single-use na supot na kadalasan ay gawa sa plastic, minsan din ay gawa sa mga materyal na papel at metal, ginagamit sa kabuuang Asya para magbenta ng maliit na dami ng mga pangangailangan na sumasaklaw mula sa shampoo at detergent, hanggang sa mga instant coffee at soy sauce sa mababang presyo.
Binago ng mga korporasyon ang nakagawiang kultura ng tingi sa napapakinabangan na modelo ng pagtapon. Pagdating ng 1990, ang mga sachet ay ibenenta bilang opsyun sa abot-kayang halaga para sa mga low-income na mga tahanan. Habang ang mga reusable na lalagyan at lokal na refill systems ay unti-unting napalitan ng single-use packaging.
Sa dayag, hindi talaga maipagkakaila na ang sachet ay naging parte na ng ating pang-araw-araw na kabuhayan at nakatulong din ito sa mga pamilyang Pilipino na danas ang hirap.
Subalit, hanggang kailan magpapatuloy ang ganitong uri ng ekonomiya, gayong nakatago nito ang napakagulong sistema?
Pag-asa ng masa, kanlungan ng salat
Sa pagsisimula ng araw, nagbukas na rin ang takbuhan ng karamihan sa tuwing may bibilhin: ang sari-sari stores.
Maaga pa lang ay masisilayan ang mga ito ng ating mga balintataw sa kahit anong dako man ng bansa. Kahit saan ka man lumingon, hindi mawawala sa iyong paningin ang presensiya ng mga tindahang ito.
Ang mga sari-sari store ay karaniwang makikita sa mga malumbay na lugar kung saan, sa karamihan ng mga Pilipino, ang mga single-use na pakete lamang ang kaya nilang bilhin sa pang-araw-araw na batayan. Dito, nakahilera ang iba’t ibang mga paninda mula sa mga pagkain hanggang sa mga sabon.
Karaniwang hindi lumalagpas sa 500 pesos ang minimum wage sa ating bansa. Kaya naman, imbis na bumili ng maramihan kagaya ng per pack na mga paninda, kulang na kulang lang ito upang matugunan ng pansin ang iba pang mga bayarin. Ang resulta ay karamihan sa mga Pilipino ay umaasa lamang sa mga sachet dulot na rin sa hindi sapat na sahod na natatanggap bawat araw.
Sa kabilang banda, hindi naman maitatanggi na may mga oportunidad na ibinibigay ang mga tindahan na ito. Mula sa paglalaan ng samu’t saring mga paninda para sa masa, hanggang sa pagkaloob ng trabaho na puwedeng pagkakitaan partikular na sa mga kababaihan.
Dagdag pa rito, ang mga sari-sari store ay pinaglilingkuran ang mga nasa laylayan lalo na at hindi lahat sa mga ito ay may sapat na pondo para bumili sa mga supermarket o mall.
Sa huli, maliit man ang tindahan na ito—nagsilbi naman itong lunas para sa mga taong nanginginig na sa gutom at kawalan ng sapat na pera. Ito lang din ang inaasahan ng masa sa tuwing dadating ang panahon na sila ay walang-wala na.
Sakit sa kalusugan, lason sa kapaligiran
Sa pagkalam ng sikmura, pagkauhaw ng lalamunan, at mga pawis na dumausdos mula sa hirap na danas, ang mga sachet ng shampoo, sabon, gatas, kape at iba pa ang nagsilbing liwanag sa buhay nilang nabalutan na ng dilim ng kahirapan.
Dahil dito, napapawi ang gutom na kanilang hinaharap at nagpapatuloy ang kanilang buhay kahit na alam nilang mas nakamamahal kung bibili ka ng tingi kaysa sa maramihan.
Subalit, isa lamang balatkayo ang tinaguriang pag-asa ng karamihan. Sa milyon-milyong tonelada ng basura na lumalason sa ating kapaligiran, 52 porsyento sa mga ito ay mula sa mga nalalabing sachet na kasali sa mga basurang plastic.
Dahil sa mga sachet na ito, dinudumihan nito ang mga natural na tanawin, sinasakal ang mga daluyan ng tubig, pumipinsala sa wildlife, at nagbabanta sa kaligtasan ng mga Pilipino, partikular na ang mga naninirahan sa mga lugar na madaling bahain sa panahon ng bagyo.
Marami rin sa mga komunidad na ito ang lubos na umaasa sa pangingisda at turismo para sa kanilang kabuhayan.
Ayon sa ulat ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), gumagamit ang mga Pilipino ng 164 milyon na mga sachet bawat araw. Kasama sa 15 porsyento ng populasyon sa bansa na nasa linya ng laylayan, ang pocket-sized portions nito ang kakarampot na ginhawa lalong-lalo na sa mga indibidwal na gipit ang bulsa upang matustusan ang karaniwang mga pangangailangan ng bawat pamilya.
Milyon-milyong mga Pilipino ang nagugutom dulot na rin ng kahirapan na hindi lamang kumikitil ng buhay, kundi ng kaunlaran at pangarap. Para sa kanila, isa nang biyaya ang makabili ng mga sachet na ito na nakalilikha ng malaking epekto sa kanilang buhay—isang paraan para makaligtas sa delubyong akay-akay ng kahirapan.
Ngunit, sa likod ng mukha ng pag-asa ay ang malagim na katotohanan na ito rin ang nagdulot ng malawakang polusyon at naging sanhi ng sakit sa kalusugan ng mamamayan.
Sa katunayan, ang sakit sa puso ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino magmula pa noong 1980. Isinaad sa Philippine Statistics Authority (PSA) na ang ischaemic heart disease ang nangunguna sa pagkakaroon ng mga nasawi sa buong bansa nitong 2024. Ito ang isa sa mga masamang epekto sa pag-tupok ng mga pagkaing naka-sachet.
Bukod doon, umabot sa 20.2 porsyento ang kabuuang pagkamatay sa bansa, isang pagtaas mula sa 18.6 porsyento sa 2023.
Sa likod ng mga numero na ito ay ang tuluyang pagkasira ng mga hangarin ng bawat Pilipino na nasa laylayan. Ang masa na iniinda ang hilahil at paghihirap para lamang mabuhay pa at makatikim ng kaunting ginahawa kahit na ito ay imposible sa ekonomiya ngayon. At ang mga bata na mas piniling mamulubi at mamulot ng mga basura kaysa mag-aral dahil lang sa ilang araw na silang hindi nakatikim ng totoong pagkain.
Hindi man pangmatagalan ang pag-alwan sa kumakalam na sikmura, sila pa rin ay alila ng sistematikong kahirapan habang ang mga kilalang korporasyon ay yumayaman.
Paulit-ulit lamang ang siklo ng buhay nila, kumakayod at pilit na ipinagkakasya ang singkwenta hanggang isang daang pesos na kinikita sa pangangalakal, paglalabada, o pamamasada sa kalsada. May mga panahon pa rin na walang-wala sila kaya ang naging solusyon ay ang mangutang sa mga sari-saring tindahan mapatid lang ang gutom na dinaramdam.
Habang nagpapakayaman ang puno’t dulo ng suliranin na ito, ang mga Pilipino ay nakikipagsapalaran sa mga dagok ng buhay kahit na dumanak na ang ilang butil ng dugo, pawis, at luha sa kanila.
Bagama’t ang paghangad ng isang sachet-free na lipunan ay malabo, mayroon pa ring mga environmental groups na bumuo ng mga napapanatiling solusyon sa pagbawas ng paggamit ng sachet at pagsugpo ng plastic pollution.
Sa kasalukuyan, unti-unti nang nagsisilabasan ang mga progresibong mga organisasyon at grupo upang matugunan ang problemang ito na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagagawan ng solusyon.
Sa nakaraang 2023, inilunsad ng Greenpeace Philippines ang proyektong “Kuha sa Tingi,” isang inisyatibo na naglalayong tuluyan nang mapatigil ang paggamit ng mga sachet. Sinimulan ang proyektong ito sa mga lungsod ng Quezon at City of San Juan, isa sa mga siyudad ng Metro Manila na may pinaka-maraming nakitaan ng mga basura.
Magpahanggang ngayon ay marami pa rin ang nangangarap na makamtan ang kaunlaran sa bansa. Maraming mga ama ang kumakayod mabigyan lamang ng magandang buhay ang kanilang pamilya. Maraming mga ina ang nasa sariling mga dilema sa pagkasya sa sahod na natatanggap. At sa araw-araw na pagdurusa sa kahirapan, maraming mga batang Pilipino ang nananakawan ng pagkakataon na habulin ang kani-kanilang mga pangarap.
Sa huli, isang malaking suliranin pa rin sa bansa ang kahirapan. Isang balakid na humahadlang sa pag-usad tungo sa kaginhawaan.
At isang lason na kumikitil sa alab ng bawat Pilipino na mamuhay sa kaunlarin.
Written by Trisha Jane Estoconing, Insight PH
Trisha Jane Estoconing, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



