LATHALAIN | Ka Arawan ni Ka Bien

H

Herwin Magbuo, Insight PH

Author

4 min readApril 8, 2026
LATHALAIN | Ka Arawan ni Ka Bien

Karaniwan, ang mga talababa sa kasaysayan ay ang madugong giyera, mga katauhang paulit-ulit na tinatalakay sa mga silid-aralan at nakalimbag sa mga libro dahil sa kanilang kontribusyon sa uri ng lipunang kinalakihan natin ngayon. Mga magarbong pangalan na pinalamutian ng kanilang mga nagawa – para sa ikabubuti o ikasasama ng mundo na atin ngayong tinatapakan. Gayunpaman, ang mga manunulat na nag nasabing teksto ay mga mahalagang kasangkapan din ng nakaraan.

Ngayon, Ika-11 ng Abril, 1932, isinilang sa payak na pamilya si Bienvenido L. Lumbera ng mag-asawang sina Timoteo at Carmen Lumbera sa Lipa, Batangas. Maagang namatay ang kanyang mga magulang: ang kanyang tatay ay pumanaw dahil sa pagkalaglag sa puno at ang kanyang nanay dulot ng cancer, na naging rason sa kanyang pagkaulila. Pinalaki siya ng kanyang mga lolo’t lola at kalaunan ay inalagaan nina Enrique at Amanda Lumbera na tumustos ng kanyang edukasyon.

Ka Alaman

Lumaki mang salat sa salapi, isa sa naging pundasyon ng mga likha ni Bienvenido ang kaniyang mayamang kabataan. Nagtapos siya ng elementarya sa Lipa Elementary School at sekondarya naman sa Mabini Academy. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pagsusunog ng kilay sa Unibersidad ng Santo Tomas dahil sa kagustuhan ng kaniyang tito’t tita dulot ng mas malapit ito sa kanilang tahanan kumpara sa Unibersidad ng Pilipinas, na kaniyang orihinal na gusto.

Kalaunan, nagtapos siya ng Batsilyer ng Panitikan sa Pamamahayag sa UST noong 1957. Patuloy niyang hinasa ang talento’t nakamit ang Master ng Sining sa Pamamahayag at Doktor ng Pilosopiya (Ph.D) sa “Comparative Literature” mula sa Indiana University. Pagbalik ng Pilipinas, nagturo siya ng “Literature”, “Philippine Studies” at “Creative Writing” sa Ateneo de Manila University at naging batikang manunulat para sa Panulat Para sa Kaunlaran ng Sambayanan o PAKSA.

Ka Taranunga’t Ka Liwanagan

Dulot ng kaniyang katanyagan bilang isang kritikal at mabusising “Chairperson” ng PAKSA, isa siya sa mga nadakip at ilegal na kinulong noong Batas Militar sa ilalim ni Dating Pangulo Ferdinand Marcos Sr. noong Enero ng 1974. Sa tulong ng kaniyang estudyante, at naging asawang si Cynthia Nograles, nakalaya siya ng 1975 at nagsimulang sumulat ng mga piyesang sumasalamin sa kaniyang karanasan sa pagkakapiit at ang estado ng panitikan sa Pilipinas.

Isa sa mga karumal-dumal na kaniyang nasaksihan sa kaniyang paglaya ay nahalungkat sa isang interview ng Rappler noong 2017. “So nandoon naka-display sila. Alam mong buhay ang mga tao na ito, pero hindi sila nakikipag-usap, hindi sila gumagalaw. Ang laki ng epekto noon sa akin. Naiyak ako [...] Ang mga tao na ito ay mga tunay na tao, pero nagpapanggap na hindi tao. Parang ganon ang sitwasyon sa panahon ng Martial Law—na kailangan ng mga tao na magpanggap na iba sila sa tunay na pagkatao nila.”

Ka Husayan

Marami sa kaniyang mga katha ay umiikot sa paksang panlipunan at buhay-Pilipino. Dito na rin nakilala ang kaniyang sagisag-panulat at palayaw na “Ka Bien” na nagmula sa “Ka” bilang isang “honorific” mula sa wikang Filipino at Bien bilang pagpapaigsi sa kaniyang unang pangalan.

Ilan na rito ang “Ka Bel” na pagbibigay-pugay kay Crispin Beltran, na isang lider-manggagawa na nakibaka sa karapatan ng Pilipinong manggagawa, ang “Eulogy of Roaches” na simbolikong-alegorya patungkol sa mga inaapi’t paano sila nabubuhay sa kabila nito at ang “Servant” na para naman sa pagsasamantala at masalimuot na karanasan ng mga kasambahay.

Bukod sa isang tanyag na makata, nag-iwan din siya ng mga dula at pelikula na tinitingala hanggang ngayon tulad ng Jaguar (1979) sa direksyon ni Lino Brocka at Noli Me Tangere: Ang Musikal kasama si Ryan Cayabyab.

Ka Rangalan

Dahil sa kaniyang kahusayan sa larangan ng panitikan at pagsulat, umani rin siya ng limpak-limpak na papuri at karangalan tulad ng Ramon Magsaysay Award for Journalism noong 1993, ang Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas mula sa Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas o UMPIL at ang prestihiyo Carlos Palanca Memorial Award for Literature at binansagang “National Artist for Literature” noong 2006.

Ka Matayang ‘di Mamamatay ang Diwa

Sa edad na 89, pumanaw si Bienvenido sa Quezon City noong ika-28 ng Setyembre, 2021, dulot ng komplikasyon sa stroke na matagal na niyang iniinda. Sa kaniyang pagpanaw, iniwan niyang mas puno ang mga silid-aklatan ng mga libro na sumasalamin sa estado ng bansa at ng panitikan nito. Isang legasiyang ginapang mula sa pawis at dugo, mula sa isang salat, patungo sa isang mulat na buhay. At sa kaniyang kamatayan, isinulat ni Virgilio S. Almario, “Paano kita tatawagin? Guro? Patnubay? Uliran? Kaibigan, kalahati ng danas ko’y nagunaw Sa iyong pagpanaw.”

Karamihan sa kaniyang mga akda ay patuloy na pinag-aaralan at ginagawang basehan bilang isang alagad ng sining. Ngayong buwan ng Panitikan, huwag lamang nating alalahanin siya bilang isang bantog na manunulat – buhayin natin ang kaniyang mga likhang-literatura at ang kagandahan ng kaniyang buhay na inilaan sa pagsusulat para sa lipunang mapaniil ngunit hitik sa yaman ng panitikan.

H

Written by Herwin Magbuo, Insight PH

Herwin Magbuo, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Feature

AAdriana Faye B. Marfil, Insight PH

FEATURE | Press Under Pressure

Journalism is a profession whose product outlives its producer only after it survives its most exacting test: precision under pressure. A draft nea...

5 days ago 4 min read
RRosfranceska, Insight PH

FEATURE | Faring the Fares

Muffled sounds from the television and the disappointed faces occupied the entirety of my family’s living room. In times like these, warm conversat...

8 days ago 6 min read
SSavanna T. Tarraya, Insight PH

FEATURE | A Privilege to Share

When a country begins to treat high commodity prices and heavy taxes as normal, even the simplest books become a privilege.Your favor...

9 days ago 4 min read
Explore all Feature articles