LATHALAIN | Iisang Entablado

J

Jossa Yvonne Z. Bolivar, Insight PH

Author

3 min readSeptember 28, 2025
LATHALAIN | Iisang Entablado
May mga sandali sa kasaysayan na naglalaho ang pagitan ng entablado at kalsada—kung saan ang spotlight ay hindi sa iisa, kundi sa masa. Sa ilalim ng silab ng sikat ng araw, sumisingasing ang init, sumisikip ang hangin, subalit higit na umaalab ang sigaw ng bayan. Walang bida, walang sapaw; sabay-sabay ang hakbang, sabay-sabay ang hiyaw. Ang kalsada’y naging dulaan, at ang dulaan, naging daan ng katotohanan.

“Hinahamon ka namin, Pangulong Bongbong Marcos—kung gusto mong magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo lahat ng magnanakaw!” Mariin, malakas, at mataginting ang tinig ni Jose Marie Borja Viceral, o mas kilala bilang Vice Ganda, isang kilalang komedyante, aktor, TV host, at isa sa mga top celebrity taxpayers ng bansa. Sagot dito ang sabayang sigaw, ang saliw ng palakpak at palahaw ng madla. Sa monumento ng People Power sa EDSA, lumutang ang alon ng damdamin—galit na may kasamang pag-asa, pait na may kasamang panata. Noong Setyembre 21, sa gitna ng tirik na tirik na araw, walang “artista,” walang “ordinaryo”—lahat ay saksi, lahat ay sakdal.

At doon, ang spotlight na dating nakalaan lamang sa mga sikat ay sumabog, kumalat, at bumalot sa lahat. Mga tsuper at tindera, guro at estudyante, magsasaka at manggagawa—magkakatabi silang nakihalo sa mga bituin ng entablado’t telebisyon. Maging si Miss Universe 2018 Catriona Gray, na minsang nanguna sa pandaigdigang entablado, ay nakilahok sa dagundong ng masa. Ang kanyang tinig, na minsang nagbigay-inspirasyon sa buong mundo, ngayo’y malinaw na nakikisigaw: “Ikulong na ‘yan, mga kurakot!” Isang reyna ng rampa, ngayo’y reyna rin ng protesta.
Hindi rin nagpahuli si Maris Racal at dumalo bilang tugon sa paanyaya ng Philippine-Palestine Friendship Association (PPFA). Hawak ang megaphone, hinihiwa ng kanyang tinig ang bugso ng ingay: “Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!” Tangan ang plakard, taas-kamao sa init ng araw, mensahe’y naging malinaw: walang mang-aapi kung may mamamayang matatag. At bawat mukha sa hanay, pawisan man o tahimik, ay nagsasabing: lahat ng korap, dapat managot.

Sa huli, lumitaw ang isang malinaw na larawan: ang entablado ng bayan ay hindi nakatali sa kurtina ng teatro o sa kamera ng telebisyon. Ito’y nasa lansangan, nasa kalooban, nasa dibdib ng bawat mamamayan. Ang Trillion Peso March ay naging paalala—na sa laban para sa katarungan, bawat tinig ay tinig ng pag-asa, bawat hakbang ay hakbang ng pagbabago. At habang nagbabanggaan ang sigaw at suntok ng araw, nananatiling buhay ang panata: darating ang araw na ang buwis ng bayan ay hindi na magiging ilaw ng iilan, kundi liwanag ng lahat.

Sapagkat sa entabladong ito, walang talo, walang tali, walang takas—iisa lamang ang pagtatanghal: isang kinabukasang matuwid, makatarungan, at malaya.
J

Written by Jossa Yvonne Z. Bolivar, Insight PH

Jossa Yvonne Z. Bolivar, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Feature

AAdriana Faye B. Marfil, Insight PH

FEATURE | Press Under Pressure

Journalism is a profession whose product outlives its producer only after it survives its most exacting test: precision under pressure. A draft nea...

5 days ago 4 min read
RRosfranceska, Insight PH

FEATURE | Faring the Fares

Muffled sounds from the television and the disappointed faces occupied the entirety of my family’s living room. In times like these, warm conversat...

8 days ago 6 min read
SSavanna T. Tarraya, Insight PH

FEATURE | A Privilege to Share

When a country begins to treat high commodity prices and heavy taxes as normal, even the simplest books become a privilege.Your favor...

9 days ago 4 min read
Explore all Feature articles