LATHALAIN | Hindi na Gaya ng Dati

J

Jason Guyala, Insight PH

Author

3 min readFebruary 3, 2026
LATHALAIN | Hindi na Gaya ng Dati

“Tahanan.” Ito ang lugar na nagdadala ng gaan, sigla, at saya sa ating mga buhay—ang espasyong pinagmumulan ng mga alaala na nakatatak sa ating puso’t isipan. Ito rin ang lugar kung saan natin natutunan ang mga pagpapahalagang nagsilbing gabay sa atin. Ngunit dumarating ang panahong kailangan natin itong iwanan—masakit ngunit kinakailangan; mahirap ngunit para sa ikabubuti.

Sabi nila, sa oras na lilisanin mo ang inyong tahanan upang maranasan ang mas malawak na mundo, iyon na rin ang huling pagkakataong mararamdaman mo ang dating diwa nito. Noong una, hindi ako naniniwala rito. Para sa akin, laging may panahon upang bumalik. Ngunit nag-iba ang pananaw ko nang maranasan ko ito mismo. Minsan, kahit bumalik ka, hindi na gaya ng dati ang lahat—dahil may mga nagbabago, at ito ay isang katotohanang kailangan nating tanggapin.

Pagyakap sa Bagong Yugto

Hindi madali ang magsimula sa isang hindi pamilyar na lugar. Sa kabila ng takot at pag-aalinlangan, kinakailangan nating tanggapin ang bagong yugto ng ating buhay na naghihintay. Ang paglisan sa kinagisnan ay hindi pagtakas, kundi pagyakap sa mga oportunidad at posibilidad na dala ng buhay.

Nang ako’y tumuntong sa kolehiyo, mas lalo kong naunawaan ang bagay na ito. Napagtanto ko rin na hindi lahat ng paglisan ay puro sakit. May mga pagkakataong kinakailangan natin itong gawin upang tuklasin ang sarili, maunawaan ang ating kakayahan, yumabong bilang isang indibidwal, at hindi manatili sa isang lugar na hindi na tayo hinuhubog.

Larawan ng Kasalukuyan

Sa mga oras na tayo ay babalik, marahil ay naroon pa rin ang bawat sulok—ngunit nagbago na ang paraan ng iyong pagnamnam sa pananatili. Dulot ng mas mabibigat na responsibilidad na kinakailangan nating gampanan, mas nanaisin mo na lamang na magpahinga kaysa magsaya gaya ng dati. Hindi nga nagbago ang lugar, ngunit ikaw ay nagbago na—pinanday ng bawat karanasan at tungkuling nagpayaman sa iyong pag-unawa at nagpatibay sa iyong puso.

May mga pagkakataon namang uuwi ka at walang ingay na sasalubong sa iyo. Ang bawat isa ay abala na sa sariling pakikipagsapalaran—para sa buhay, pangarap, at karera. Walang tumalikod sa nakaraan; natuto lang silang tanggapin ang kasalukuyan. Sa ganitong mga sandali, natutunan kong may mga alaala tayong kailangang iwan—hindi upang kalimutan, kundi upang bigyang-daan ang mas malalim na pagkatuto, paggalugad, at pag-unlad.

Sa Dulo ng mga Alaala

Sa bawat hakbang patungo sa landas ng bagong bukas, tangan natin ang mga aral ng nakaraan, at natutuklasan natin ang tapang, kakayahan, at pag-asa na matagal nang nakakubli sa ating mga puso. Kasabay nito, tayo ay magkakaroon ng samu’t saring karanasan na mas lalong magbibigay ng kabuluhan sa mga pagbabagong naganap.

At habang tayo’y sumusulong, kaagapay natin ang mga taong bahagi ng ating paglalakbay. Sila ang nagbibigay lakas, gabay, at inspirasyon sa tuwing napapagod tayo o natatakot harapin ang bagong yugto ng buhay. Hindi kailangang nariyan sila sa tabi natin, dahil gaano man kalayo ang distansiya, ramdam pa rin ang kanilang suporta—at ‘yan ang isang bagay na hindi nagbabago.

Sa huli, nag-iba man ang tahanang kinagisnan, kailangan natin tandaan na ito ay parte ng buhay. Minsan, may mga dapat tayong bitawan upang maranasan ang bigat ng mundong higit pang makatutulong sa atin. Kung babalikan, masaya ang mga alaala, ngunit hindi tayo uusad kung mananatili tayo rito. Ang tunay na pagbabago ay nagmumula sa atin, at hindi ito dapat katakutan—sapagkat patunay ito na tayo ay lumalago.

J

Written by Jason Guyala, Insight PH

Jason Guyala, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Feature

AAdriana Faye B. Marfil, Insight PH

FEATURE | Press Under Pressure

Journalism is a profession whose product outlives its producer only after it survives its most exacting test: precision under pressure. A draft nea...

5 days ago 4 min read
RRosfranceska, Insight PH

FEATURE | Faring the Fares

Muffled sounds from the television and the disappointed faces occupied the entirety of my family’s living room. In times like these, warm conversat...

8 days ago 6 min read
SSavanna T. Tarraya, Insight PH

FEATURE | A Privilege to Share

When a country begins to treat high commodity prices and heavy taxes as normal, even the simplest books become a privilege.Your favor...

9 days ago 4 min read
Explore all Feature articles