Nasan na ang Sandigan ng Katotohanan?
Bakit hanggang dito ay may lokohan at katiwalian?
Bawat taon may paligsahan ng galing sa pamamahayag, pagsulat at paglikha ng isang pahayagang purong katotohanan at walang pinapanigan. Ito ang naging sandigan ng bawat mag-aaral para makapagpahayag. Batang bata pa ang itsura, ngunit ang isip nila ay hasang-hasa at nagnanais ng katarungan. Dahil sa hindi magandang nangyayari ngayon sa paligsahan at lipunan, akala ko sa pamahalaan lang mayroong katiwalian pati rin pala sa mga patimpalak na may kinakampihan at pinapahalagahan para sila ay manalo. Paano naman ang mga batang kalahati na ng kanilang pamumuhay ay inilalaan para mag ensayo at gumawa ng mga pahina na naglalaman ng kanilang bawat sakripisyo.
Sa nakaraang dalawang taon puro pagkabigo ang aming naramdaman. Ang lahat ay umaasa para sa tagumpay ng aming pahayagan dahil nakita ng bawat guro ang puyat, pagod ng bawat mag-aaral na parte ng publikasyon. Ngunit hindi nakikita rito ang pagod, bagkus ito ang naglalaman ng determinasyon at kanilang pagnanais na mabigyan ng pagkakataon na lumaban para sa Panrelihiyong Press Conference. Ngunit ang naging resulta nito ang bumasa sa kanilang pag-asa. Dahil mas nanaig ang pagkakaibigan kesa sa tunay na panalo ng aming pahayagan. May mga kasunduang naganap sa pagitan ng hurado at gurong tagapayo ng ibang paaralan. Na hanggang ngayong taon ay nangyari ito.
Bunga ng ilang buwang determinasyon ng lahat ng manunulat na bumubuo sa Ang Bukal, opisyal na pahayagan pampaaralan namin. Malugod na ihahatid ang mga balitang magmumulat ng kaisipan, mga opinyong magbubukas ng perspektibo, mga kwentong aantig sa iyong puso, mga usaping may kaugnayan sa agham, at ang galing na ipinamalas ng mga manlalaro sa larangan ng isports. Sa kabila ng pagbabago ng makapasok sa limang publikasyon pampahayagan na nagrerepresenta sa Bulacan sa Regional School Press Conference, hindi bakas sa bawat artikulong nailathala rito ang kabiguan, sapagkat hatid nito ay purong katotohanan. Patuloy pa nating pag-alabin sa ating mga puso ang ningas ng pamamahayag. Mananatiling tapat at bukal ng katotohanan. Malinaw, dalisay, malalim at puno ng mga kwentong sumasalamin sa isyung panlipunan.
Ang integridad ng mga hurado ay mahalagang pundasyon ng anumang kompetisyon. Sila ang inaasahang magiging patas, walang kinikilingan, at tapat sa kanilang tungkulin. Ngunit hindi ko inakala na papasok ang personal na ugnayan sa proseso ng pagdedesisyon, nasisira hindi lamang ang kredibilidad ng patimpalak kundi pati ang diwa ng pagkakaisa sa hanay ng mga paaralan.
Sa huli ang tunay na mamamahayag ay marunong tumanggap ng pagkatalo. Mas mahalaga hindi kayo nanalo dahil lang sa hindi patas na pagdedesisyon ng hurado at sa personal na koneksyon. Mananatili ang katarungan at ang mahalaga, malinis ang iyong konsensya at walang kayong niloko ng tao. Ang panulat ay makapangyarihan. Ngunit mas makapangyarihan ang integridad. Sa bawat patimpalak, nawa’y manaig ang patas na paghusga upang manatiling buhay ang tiwala ng kabataan sa mundo ng pamamahayag.
Written by Bea Cristel Maniquiz, Insight PH
Bea Cristel Maniquiz, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



