LATHALAIN | Choice Mo ’Yan, Beh

C

Czevie Sigue, Insight PH

Author

3 min readFebruary 11, 2026
LATHALAIN | Choice Mo ’Yan, Beh

Naka-face down ang cellphone sa mesa at sa tuwing may papasok na notification, mabilis itong ibinabaliktad, parang may tinatagong liwanag. “Group chat lang,” sabi niya minsan.

Sa ganito madalas nagsisimula ang kuwento ng pagtataksil, at sa tuwing may lumalabas na cheating issue, may mga salitang laging nagagamit bilang paliwanag. “Nadala lang.” “Bata pa kasi.” “Lalaki eh.” “Babae lang.” Sa usaping pagtataksil, tila laging may dahilan, laging may konteksto, parang may bersyon ng panlilinlang na mas “katanggap-tanggap” kaysa sa iba, pero sa dulo ng lahat ng palusot, iisa lang ang totoo—ang panloloko ay panloloko. Ang pagtataksil ay hindi nakatali sa edad, kasarian, o pagkakataon dahil ito ay resulta ng bawat desisyon na pinili nating gawin.

Walang Mukha ang Pagtataksil

Hindi nakikita ang pagtataksil sa itsura, wala itong partikular na edad, hindi ito eksklusibo sa mga “immature,” at lalong hindi ito natural na katangian ng isang kasarian. Maaari itong manggaling sa estudyante, sa propesyonal, sa mag-asawa, o kahit maging sino pa. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, iisa ang kanilang ginawa, pinili nilang lokohin ang tiwalang ibinigay sa kanila.

Sa maraming pagkakataon, mas pinagtutuunan ng pansin kung sino ang nanloko kaysa sa ginawa mismo. Kapag sinabing “bata pa kasi,” para bang sinasabi nating walang kakayahang pumili ng tama ang kabataan. Para bang ang edad ay sapat na dahilan upang balewalain ang epekto ng pananakit. Kapag sinabing “ganyan talaga ang lalaki” o “mas emosyonal kasi ang babae,” ginagawa nating normal ang pagtataksil batay sa stereotype. Sa ganitong mga paliwanag, hindi natin pinaparusahan ang kanilang ginawa kundi binibigyan pa natin ito ng lisensya.

Desisyon ang Pagtataksil

Hindi nangyayari ang panlilinlang sa isang iglap. Bago ang unang mensahe, may sandaling puwedeng umatras at bago ang unang pagtatagpo, may pagkakataong tumigil. Ang pagtataksil ay resulta ng sunod-sunod na desisyong piniling ituloy. hindi katulad ng pagkadapa na bunga ng isang biglaang pagkakamali.

Mahalagang kilalanin ito hindi upang maging malupit, kundi upang maging tapat. Dahil kapag patuloy nating tinatawag na “nadala lang” ang malinaw na pagpili, pinapahina natin ang konsepto ng pananagutan. Ang desisyon ay may kaakibat na epekto, at sa kaso ng pagtataksil, ang epekto ay tiwala ng minsang binuo at ngayon ay winasak. Ang tiwala ay hindi basta ibinibigay, ito ay pinipili at ganoon din ang sandali na ito ay nasisira.

Ang pag-ibig ay hindi perpekto, at walang relasyon ang ligtas sa tukso, ngunit ang katapatan ay laging kasama sa pagpipilian at sa bawat pagkakataong pinipiling manloko, isang katotohanan ang nananatiling malinaw: ang panloloko ay panloloko, at walang ibang dapat sisihin kundi ang mismong pumili nito.

C

Written by Czevie Sigue, Insight PH

Czevie Sigue, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Feature

AAdriana Faye B. Marfil, Insight PH

LATHALAIN | Wikang Bayan, Mata ng Katotohanan

Sarado ang mga mata, walang nakakikita, walang nakaaalam. Ang wika ay tahimik pa: hindi pa ginagamit at hindi pa nagbibigay-liwanag.S...

1 month ago• 5 min read
JJanro Gipanao, Insight PH

FEATURE | When the Tide Pulls Back, Who Is Left Standing?

The music cuts off mid-count. “Five, six, sev—” Silence.In a dusty barangay court somewhere in Bicol, the choreographer holds her han...

1 month ago• 5 min read
SSavanna T. Tarraya, Insight PH

FEATURE | Escaping through a Second Reality

From the blinding lights of a television screen, our young minds would drift off into a non-existent yet real dimension. It travels...

1 month ago• 5 min read
Explore all Feature articles