Minsan sa mundo ng pamamahayag, ang dumadanak ay tinta — ngunit kadalasan ay dugo.
At sa huling agos ng parehong likido,
ay ang sinumpaang pangako.
Para sa Hubo at Malayang Katotohanan.
Sa kanilang sinaunang lupa sa Bulan, Sorsogon, ipinanganak si Liliosa ‘Lilli’ Rapi Hilao sa mag-asawang Maximo Hilario Hilao at Celsa Rapi Hilao, kasama ang kaniya pang walong kapatid. Bagamat marami sila, pinalaki silang pinahahalagahan ang moralidad at edukasyon. Higit na pinahahalagahan din ng kaniyang ina ang edukasyon kaya’t nagkaroon sila ni Lilli ng malalim na koneksyon.
Dito rin unang natuklasan ang kaniyang asthma at ilang allergies na naging malaking sagabal sa kaniya noong nagsimula siyang mag-aral.
Kapalit ng Pagkapantas
Pantas ay isang salitang FIlipino na nangangahulugang ‘marunong’ o ‘maalam’ sa kaniyang piling larangan. Maituturing ang mga indibidwal na ito bilang matatas dahil sa kanilang intelektwal na umunawa, at sumuri sa mga detalye ng mga babasahin. Si Lilli ay lumaking ganito dahil sa kaniyang akademikong talento at patuloy na pagsubaybay ng ina, nagtapos siya ng elementarya na may karangalan.
Pagtuntong ng Sekondarya, lumipat silang mag-anak sa Kamaynilaan kung saan ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral. Roon, nakamit niya ang Pinakamataas na Karangalan sa kabila ng kaniyang iniindang asthma.
Hinubog ng Lungsod ng Pamantasan ng Maynila ang kaniyang buhay at pakikipagsapalaran kapalit ang totoo at malayang pamamahayag. Nagsilbi siyang Kawaksing Patnugot ng Hasik, na ngayon ay Ang Pamantasan, ang opisyal na pahayagan ng unibersidad. Ito ang naging pangunahing paraan ni Lilli upang batikusin ang diktadurya ni dating Pangulo Ferdinand Marcos Sr. noong panahon ng Martial Law. Mula rito, itinayo niya ang Alithea, isang organisasyon ng mga babaeng aktibista na kaniyang pinamunuan.
Sa isa niyang piyesa, inilarawan niya ang estado ng bayan bilang “The Vietnamization of the Philippines.” Ang unti-unting namamatay na demokrasya sa Pilipinas na katulad sa ikinahaharap ng Vietnam noong Vietnam War. Nagsimula rin ang kaniyang pagsuot ng itim, upang ipakita ang kaniyang pagluluksa at pag-aklas sa diktadurya’t pasistang pamumuno ni Marcos Sr.. Sa isa niyang diary nakita ang mga katagang:
Patay na ang Demokrasya.
Hindi Natutulog ang Hustisya
Kinagabihan ng Abril 1973, sa edad na dalawampu't-tatlo (23), nilusob ng mga armado (ngunit lasing) na miyembro ng Constabulary Anti-Narcotics Unit, ang kanilang tahanan sa Lungsod ng Quezon. Ayon sa mga sundalo, hinahanap nila ang kapatid ni Lilli dahil sa suspetsang paggamit ng ilegal na gamot. Nang magmatigas si Lilli, na pilit hinahanap ang search warrant nila, ay dinakip si Lilli, kasama si Josefina, na kaniyang kapatid, at ipinadala sa Camp Crame.
Mula roon sa base ng mga pulis at sundalo, na pangunahing protektor ng bayan; kabaligtaran ang naganap.
Ilang araw pagkatapos ng walang habas na pagmamalupit, lumabas ang opisyal na pahayag na diumano’y nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pag-inom ng muriatic acid. Ngunit ang dokumentadong ebidensya, mula sa mga injection mark, malalim na marka ng handcuffs, hanggang sa mga pasa sa katawan at finger marks — ay malinaw na nagpapakita ng kabaligtaran. Ang katotohanan ay hindi madaling pahupain; kahit itinanggi ng mga awtoridad, ang bakas ng pang-aabuso ay nanatili at sumalamin sa tapang ni Lilli.
Hindi Lilli-mutin ang Bagani
Ang bawat marka sa katawan ni Lilli ay isang sugat ng bagani, na hanggang ngayo’y sariwa, na patuloy dumadanak para sa katotohanang pilit nilang ikinukubli.
Dahil ang pagkadakila niya ay hindi nasusukat sa rami ng artikulo o piyesa, kundi sa kagitingan na harapin ang dilim nang hindi kumukurap. Sapagkat ang umiibig sa bayang sinilangan; anoman ang kaniyang sapitin, ay ang radikal na pag-ibig ng isang huwaran.
Sa kaniyang panulat ay patuloy rumaragasa ang tinta ng katotohanan. Hindi kailanman mabubura ang mantsa ng kagiting-giting na pag-alsa niya sa isang diktaduryang buwaya.
Sapagkat ang dugo niya’y dakila, at ang pagdanak nito’y paalala sa mga lumalapastangan sa’ting soberanya;
Na ang bawat sakripisyo ay hindi maLillimot, at patuloy ang laban para sa malaya’t hubong pamamahayag.
Never Again, Never Forget.
Written by Bulag na Labi, Insight PH
Bulag na Labi, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



