Pinagtibay ng tambalang Dryx Saavedra at Mikko Espartero ang Far Eastern University Tamaraws matapos blangkohan ang De La Salle University Green Spikers, 25-19, 25-22, 25-19, sa pagsipa ng UAAP Season 88 men's volleyball tournament na idinaos sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 14.
Pinangunahan ni Saavedra ang stat sheet nang ikartada nito ang 16 markers, na galing sa 15 attacks at isang block na sinuportahan ni Espartero na lumista ng 14 puntos mula sa isang block at isang ace upang simulan ang kampanya para sa title redemption bid.
Agad na umariba ang pamamayagpag ng dalawang manlalaro matapos magsiwalat ng 7-1 blitz sa kalagitnaan ng unang set sa pamamagitan ng cross court attacks ni Saavedra at backrow ni Espartero upang pangunahan ang momentum ng koponan, 17-11.
Bitbit ang binuong momentum, inudyukan ng Tamaraws ang opening canto nang isalpak ni Espartero ang isang cross court hit, 25-19, dahilan upang maukit ang maagang bentahe sa tulong ng mga kalkuladong sets ni Ariel Cacao, 1-1.
Pinatuloy ng yellow-shirted FEU squad ang bentahe na sinimulan matapos muling pumoste ng 7-1 run para sa 17-13 kalamangan bago pa tapusin ng super rookie na si Espartero ang second frame mula sa isang left wing hit, 25-22.
Gayunpaman, nagtangkang bumawi ang Green Archers sa huling set nang tapyasan nito ang kalamangan ng Tamaraws sa dalawa lamang, 21-19.
Ngunit, agad na binarikadahan ng Tamaraws ang bugso ng Green Spikers nang pangunahan ni Amer Bituin ang huling dalawang puntos na nag-udyok sa sagupaan, 25-19.
Susubukan naman panatillihin ng Tamaraws ang kanilang spotless record sa susunod na kanilang laban kontra sa University of the East na idadaraos sa University of Santo Tomas Quadricentennial Pavilion sa Manila, Pebrero 18.
Written by Joaquin Dellomo, Insight PH
Joaquin Dellomo, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



