Tinuldukan ng Rain or Shine Elasto Painters ang fourth quarter surge ng San Miguel Beermen, 116-112, upang maipundar ang 5-0 standing sa PBA Commissioner's Cup sa Ninoy Aquino Stadium noong ika-8 ng Abril.
Matapos ang offensive rampage ng San Miguel sa umpisa ng huling kwarter, hindi nagpatinag ang Rain or Shine nang panatilihin ito ang hawak na bentahe at tuluyang seselyuhan ang kanilang franchise-best start.
“It’s a good thing that we established a huge lead early. If we didn’t, we might’ve lost. You really can’t relax against SMB,” pahayag ni Coach Yeng Guiao ayon sa Inquirer.Net.
Maagang nagpaulan ang San Miguel ng three-pointers para sa 15-5 early lead, ngunit kaagad namang bumalikwas ang Rain Or Shine sa ikalawang canto para angkinin ang momentum.
Nagtala naman ang white-clad squad ng 11-0 run sa simula ng second quarter, 37-29, hanggang sa lumobo sa 52-36 ang talaan matapos magpasada ng corner treys at layups.
Pinaigting pa ng Rain or Shine ang kanilang atake matapos makabuo ng 92-67 lead sa nalalabing 2:30 minuto ng third quarter sa pamamagitan ng offensive drives mula sa turnovers ng San Miguel.
Subalit, kumamada ang red-shirted team ng 18-2 run sa ika-8:23 minuto ng ikaapat na kwarter upang tapyasin ang 22-point edge ng Elasto Painters, 95-91, sa tulong ng 14 combined points nina Marcio Lassiter at Don Trollano.
Muntikang mabaliktad ang momentum ng laban, ngunit hindi nagpadaig ang Rain or Shine dahil sa late shots nina Felix Lametti at Arian Nocum upang maiburda ang 105-97 na iskor bago masiguro ang panalo.
Sinandalan ng Rain or Shine si Jaylen Johnson matapos umariba ng 24 puntos at apat na rebounds, habang bumandera ng 21 puntos si Nocum, swak para sa Player of the Game honors.
Samantala, nagmarka naman si Lassiter ng game-high 27 puntos para sa San Miguel.
Inaasahang makakaharap ng Rain or Shine ang Converge ngayong 5:15 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena.
Written by Florenz Gie Abit, Insight PH
Florenz Gie Abit, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



