ISPORTS LATHALAIN | REYNANG NANANATILI SA RUROK Pinagmulan ng Koronang Pasan ni Frayna

J

Janette Cendaña, Insight PH

Author

4 min readFebruary 6, 2026
ISPORTS LATHALAIN | REYNANG NANANATILI SA RUROK Pinagmulan ng Koronang Pasan ni Frayna

Sa larong chess, nag-iisa lamang ang ‘Queen,’ ngunit ito ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng piyesang nakapaloob sa 64 na parisukat ng board.

Gaya ni Janelle Mae Frayna, ang kauna-unahang Woman Grandmaster sa Pilipinas, may dahilan kung bakit siya lamang ang nag-iisa at nananatiling ‘Queen’ ng chess sa bansa. Subalit, hindi basta-bastang ipinatong kay Frayna ang korona, maraming isteryotipo at diskriminasyon muna ang binasag niya bago makarating sa kung nasaan siya ngayon.

Sa edad na 20, noong Setyembre 2016, sa Baku, Azerbaijan, gumuhit ng kasaysayan si Frayna sa 42nd Chess Olympiad. Hindi lang panalo ang nakamit niya rito, pati ang huling pamantayan para sa mailap na titulong Woman Grandmaster (WGM). Dahil sa tagumpay niya, tinawag siya ng midya bilang kauna-unahang WGM sa bansa, at kalaunan itong kinumpirma ng Presidential Board noong 2017. Hanggang ngayon, wala pa ring nakasusunod sa kanyang yapak.

Pag-akyat sa rurok

Sa edad na 11, nadiskubre ng 29-taong-gulang na batikan ang larong chess sa pamamagitan ng kanyang kapatid. Doon, nakita agad ni Frayna ang kanyang sarili bilang isang grandmaster—isang bagay na hindi pa nakukuha ng kahit sinong Pilipina.

Nagpatuloy ang pagsali ni Frayna sa iba't ibang mga kompetisyon, hanggang sa makuha niya ang una niyang titulo: Women’s National Master (WNM). Sa kanyang pag-akyat sa tuktok, gumawa siya ng kasaysayan bilang unang babaeng manlalaro na naging kwalipikado para sa grand finals sa 2014 Battle of the Grandmasters.

Noong 2016, nakipagkumpitensya si Janelle sa 42nd World Chess Olympiad sa Azerbaijan. Sa ika-siyam na round, nabunutan niya si IM Davaademberel Nomin-Erdene ng Mongolia para makakuha ng sapat na puntos at maging unang babaeng grandmaster sa kasaysayan ng Pilipinas sa edad na 20. "To be honest, I really cried. Kasama ko si Coach Gonzales... We both cried actually kasi antagal namin pinangarap 'to. And now na andito na, iba 'yung feeling na pinapangarap mo pa lang siya sa nakuha mo na," sambit niya sa panayam ng GMA news.

Bakit siya nananatiling mag-isa sa rurok?

Isinasadiwa ni Frayna ang kalidad ng isang reyna—pagkakaroon ng balanseng isip at katawan. Habang nagpapakitang-gilas sa chess, umaangat din siya sa akademiko kung saan nagtapos siya bilang Cum Laude sa Far Eastern University (FEU) sa kursong BS Psychology noong 2017. Hindi lang siya basta atleta; bahagi rin siya ng Philippine Army—ebidensya ng kanyang tikas.

Ipinamalas niya ang undefeated spirit sa iba't ibang kompetisyon. Sa nasyonal na antas, tatlong beses siyang itinanghal at kasalukuyang Philippine Women’s Chess Champion mula 2023. Kamakailan lamang noong 2025 ay nagkampeon siya sa 31st Abu Dhabi International Chess Festival (Ladies Blitz) nang walang nakuhang pagkatalo sa loob ng siyam na laro.

Sa kasalukuyan, hawak niya ang Standard FIDE rating na 2223, ang pinakamataas sa hanay ng mga kababaihan sa Pilipinas.

Pagharap sa isteryotipo

Hindi naging hadlang ang pagiging male-dominated ng chess, bagkus, itinuring niya itong hamon. “Hindi ko siya nakitang hindrance na puro lalaki sila at ako ‘yung babae lang na naglalaro. I saw it as a challenge. ‘Oh, kaya nilang maglaro ng chess,’ so for me, kaya ko rin ‘yung ginagawa nila,” saad niya.

At noong siya’y maging unang babaeng atleta na nakapasok sa Men’s Division ng "Battle of the Grandmasters" at nagawang talunin ang ilang batikang lalaki, naging sampal ito sa mga taong naniniwalang batayan ang kasarian sa larong chess.

Napansin ni Frayna na kadalasang naiintimida ang mga lalaking manlalaro sa mga nakakalaban nilang kababaihan. “The truth is, ang male players ang nai-intimidate sa ating mga babae. Because kapag natatalo sila or siguro maka-draw lang 'yung babae, parang it hurts their ego,” aniya.

Pinatutunayan ng paglalakbay ni Frayna tungong rurok kung bakit siya nananatiling nag-iisang reyna ng chess sa Pilipinas—hindi dahil walang sumusunod, kundi dahil siya ang unang naglakas-loob na umakyat at manatili dito

Bilang lider ng PH team sa darating na 2026 Chess Olympiad, tatangkain niyang magbigay inspirasyon para sa susunod na henerasyon ng mga Pinay chess players na balang araw ay makakasama na niya sa rurok.

J

Written by Janette Cendaña, Insight PH

Janette Cendaña, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Sports

JJB Nitura, Insight PH

SPORTS FEATURE | CURSE: Tragedy of Victor Wembanyama

Victor Wembanyama was supposed to be basketball’s next great champion. From a young age, he stood above everyone else, not just because of his heig...

6 days ago 2 min read
HHarvey Padua

SPORTS | Aurora Türkiye stuns Team Liquid PH, drops defending champions to lower bracket

Aurora Gaming Türkiye swept defending champions Team Liquid PH, 2-0, during the Mobile Legends Bang Bang (MLBB) Mid-Season Cup (MSC) 2026 Group Sta...

1 month ago 1 min read
HHarvey Padua & Rhan Saloma, Insight PH

SPORTS FEATURE | Binuhay ng Pagkamatay: Pag-arangkada ni Albert Ian bunsod ng pagkawala ng ama

Kapag ang isang tao ay nawalan ng isang taong naging kaagapay at karamay nito sa lahat ng bagay, marahil ito ang makapagpagguho ng mundo niya. Suba...

1 month ago 4 min read
Explore all Sports articles