ISPORTS KOLUM | Malalaos Din si Alex Eala

R

Rex Neil Falogme (Midnight), Insight PH

Author

2 min readMay 11, 2026
ISPORTS KOLUM | Malalaos Din si Alex Eala

Mula nang makagawa si Alex Eala ng isang kahanga-hangang kampanya sa Miami Open noong nakaraang taon, biglang dumami ang kanyang mga tagahanga. Halos mapuno ng mga Pilipinong manonood ang kanyang mga laro, at sa bawat panalo niya ay tila buong bansa ang nakikiisa sa pagdiriwang. Ngunit hanggang kailan niya matatamasa ang ganitong suporta?

Hindi si Eala ang unang atletang naging matunog ang pangalan matapos magbigay ng karangalan sa bansa. Kagaya niya, marami ring atleta ang minsang pinalakpakan ng sambayanan sa kanilang bawat laban. Ngunit kung gaano kabilis dumami ang kanilang mga tagasuporta, ganoon din kabilis silang nakalimutan.

May nakaaalala pa ba kay Michael Christian Martinez? Siya ang kauna-unahang Southeast Asian figure skater na lumaban sa Winter Olympics. Naging simbolo siya ng pambansang karangalan, ngunit unti-unti ring nawala sa kamalayan ng publiko matapos ang kanyang stint sa 2018 Olympics.

Nariyan din si Margielyn Didal. Isang Filipina skateboarder na naging “overnight sensation” matapos manalo ng gintong medalya sa 2018 Asian Games at maging kinatawan ng bansa sa 2020 Tokyo Olympics. Ngunit nang mawala ang kanyang exposure sa mainstream media, tila kasabay rin nitong naglaho ang atensyon ng publiko sa kanya.

Bagama’t naririnig pa rin natin paminsan-minsan ang pangalan ni Hidilyn Diaz, hindi maikakailang unti-unti rin siyang nawawala sa sentro ng usapan. Siya ang atletang nagbigay sa Pilipinas ng kauna-unahang gintong medalya sa Olympics—isang tagumpay na minsang ipinagdiwang ng buong sambayanan. Ngunit matapos mabigong makapasok sa 2024 Paris Olympics, tila humina rin ang interes ng marami sa kanyang kwento.

Maaari ring isama sina EJ Obiena at Carlos Yulo, mga atletang dinadala ang pangalan ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado. Ngayon ay kinikilala sila at pinupuri, ngunit kapag nawala na sila sa eksena, gaano karami kaya ang mananatiling sumusuporta?

Kagaya nila, darating din ang panahon na malalaos si Alex Eala. Hihina rin ang ingay, lilipas din ang kasikatan, at may bagong atletang sisikat na naman. Ngunit sana, ang ating suporta ay hindi lamang nakabatay sa hype o sa kasalukuyang kasikatan.

Ang tunay na suporta ay hindi nawawala kasabay ng spotlight. Hindi lamang ito para sa mga panahong nananalo sila, kundi higit lalo sa mga panahong tahimik ang laban at walang kamera na nakatutok.

Kung tunay nating ipinagmamalaki ang ating mga atleta, dapat ay kasama tayo hindi lamang sa kasagsagan ng kanilang tagumpay, kundi maging sa mga panahong unti-unti silang nilalamon ng katahimikan.

Dahil ang problema sa maraming Pilipino, madali tayong humanga—pero mas madali tayong makalimot.

R

Written by Rex Neil Falogme (Midnight), Insight PH

Rex Neil Falogme (Midnight), Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Sports

JJB Nitura, Insight PH

SPORTS FEATURE | CURSE: Tragedy of Victor Wembanyama

Victor Wembanyama was supposed to be basketball’s next great champion. From a young age, he stood above everyone else, not just because of his heig...

6 days ago 2 min read
HHarvey Padua

SPORTS | Aurora Türkiye stuns Team Liquid PH, drops defending champions to lower bracket

Aurora Gaming Türkiye swept defending champions Team Liquid PH, 2-0, during the Mobile Legends Bang Bang (MLBB) Mid-Season Cup (MSC) 2026 Group Sta...

1 month ago 1 min read
HHarvey Padua & Rhan Saloma, Insight PH

SPORTS FEATURE | Binuhay ng Pagkamatay: Pag-arangkada ni Albert Ian bunsod ng pagkawala ng ama

Kapag ang isang tao ay nawalan ng isang taong naging kaagapay at karamay nito sa lahat ng bagay, marahil ito ang makapagpagguho ng mundo niya. Suba...

1 month ago 4 min read
Explore all Sports articles