Sa pamumuno ni Brooke Van Sickle, diniskaril ng NXLED Chameleons ang maagang abuso ng Farm Fresh Foxies sa bisa ng (3-2) 25-23, 13-25, 21-25, 25-15, 15-12 come-from-behind win sa kanilang five-set thriller na laban upang makopo ang unang tagumpay sa 2026 PVL All-Filipino Conference sa FilOil EcoOil Center, Pebrero 3.
Bumalikwas ang NXLED sa early offensive rampage ng Farm Fresh matapos kumamada si three-time MVP, Van Sickle ng 20 puntos sa likod ng 18 attacks na sinahugan ng dalawang blocks at 11 receptions, swak upang barikadahan ang magandang ratsada ng kalaban.
Sa pagtungtong sa pinakakritikal na sandali, agarang rumatsada sina Van Sickle at Myla Pablo, bandang 10-10 ng huling set, upang maitulak ang Chameleons sa 14-10 lead via back-to-back clutch attacks.
Mula dito, bumandera si Pablo sa kaniyang debut game sa Chameleons sa pamamagitan ng kaniyang 19-point performance na may 49-percent attacking efficiency.
Samantala, umariba din sa laban si MJ Philips matapos magpundar ng 13 puntos at ang Rookie na si Lyann De Guzman na umukit ng pitong markers upang akayin ang NXLED patungo sa decider set.
Sa kabilang banda, iginiya naman ni Trisha Tubu ang Farm Fresh sa isang losing effort gamit ang kaniyang 28 puntos mula sa 25 kills.
Bunsod nito, matagumpay na nabaliktad ng NXLED ang laban sa kabila ng dominasyong ipinamalas ng Farm Fresh.
Pinaghahandaan ngayon ng NXLED ang kanilang susunod na laban sa hindi pa naaanunsyong katunggali.
Written by Florenz Gie Abit, Insight PH
Florenz Gie Abit, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



