Matagumpay na binarikadahan ng Barangay Ginebra San Miguel ang Titan Ultra Giant Risers upang itarak ang 119-107 panalo at ikartada ang quarterfinals slot sa PBA S50 Commissioner's Cup sa Araneta Coliseum, Abril 26.
Matapos tapyasin ng Titan ang kalamangan ng Ginebra sa 103-94 na talaan, agarang bumida sina Justin Brownlee, Scottie Thompson, at Stephen Holt nang magpakawala ng back-to-back baskets upang maitulak ang koponan sa 109-96 iskor, swak upang maselyuhan ang ikalimang sunod na tagumpay at mailista ang 7-2 record.
Muling pinamunuan ni Brownlee ang pag-alagwa ng Japeth Aguilar-less na Ginebra matapos magburda ng near-double-double performance, 35 puntos at siyam na rebounds, na sinamahan ng 25 puntos na may apat na three-pointers ni RJ Abarrientos.
"Basketball is a game of habits and we're just trying to keep our habits going. You know, we're going into a stretch of three really hard games," pahayag ni Ginebra head coach Tim Cone, ayon sa GMA News.
Pinalitadahan ng Ginebra ang kanilang malubak na simula tungo sa 2-2 kartada at naimartsa ang koponan sa quarterfinals, kasama ang top-seeded na Rain or Shine na may 8-1 record at ang NLEX na may 7-2 slate.
Humarurot sina Abarrientos at Brownlee ng tig-siyam na puntos patungong third period para palobohin ang kanilang kalamangan sa halftime na 83-67, sa likod ng isang left corner three-pointer ni Holt.
Bago nito, bumirit sa opening phase ng ikatlong kwarter ang Titan Ultra import Michael Gilmore matapos umariba ng dalawang sunod na treys upang maipundar ang 62-58 lead.
Subalit agresibong rumesbak ang Ginebra kontra sa atake ng Titan upang harangan ang tangkang pag-alpas.
Bagaman natapyasan ni Joshua Munzon sa 11 ang kalamangan ng Ginebra, hindi nagpahuli sina Nards Pinto at Thompson matapos magtala ng tig-isang tres upang maibalik ang 15 point-advantage, 96-81.
Mula rito, hindi na muling lumingon ang Ginebra at dahan-dahang kinontrol ang laro hanggang sa maibulsa ang kanilang ika-50 playoff appearance.
Dulot ng kanilang ika-apat na sunod na pagkatalo, sumadsad ang Titan sa 2-7 record, na minanduhan ng 20 puntos ni Munzon at 15 puntos ni Gilmore na sinahugan ng 10 boards sa kabila ng anim na turnovers at limang fouls.
Makakaharap ng Ginebra ang Meralco ngayong darating na Biyernes sa parehong tagpo.
Written by Florenz Gie Abit, Insight PH
Florenz Gie Abit, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



