Umeskapo ang Macau Black Knights sa bugso ng Robert Upshaw-less Blackwater Bossing sa kanilang down-to-the-wire na laban, 123-119, nang kumartada ng tig-30 puntos sina Damian Chongqui at Jenning Leung sa PBA Season 50 Commissioner's Cup sa Ninoy Aquino Stadium, Abril 28.
Sa pinakakritikal na sandali, pinakawalan ni Chongqui ang isang left-wing trey na sinundan ng isang clutch layup at dalawang free throws ni Leung, 122-119, sa nalalabing 19 na segundo ng laban, susi para masilayan ang ikalawang panalo sa kumperensya.
“Honestly, our defense was pretty bad today and they didn’t have (Robert) Upshaw so that wasn’t the greatest, but I thought our offense flowed pretty well today,” pahayag ni Leung, na umukit din ng tig-walong rebounds at assists, ayon sa Inquirer.Net.
Nagsilbing alas din si Ramon Cao nang ipasada ang double-double, 29 puntos na may 58 percent shooting mula sa field at 10 boards para akayin ang koponan ng Macau.
Kaagad na binitbit ng Black Knights ang momentum sa midway ng unang kwarter nang iparada ang 18-5 lead matapos ang ipinamalas na layup ni Leung.
Subalit, kaagad namang sumagot ang Blackwater sa pangunguna ni Paul Zamar matapos magtarak ng back-to-back two-pointers upang tapyasin ang kalamangan ng Macau sa pagtatapos ng unang period, 25-21.
Sumunod dito, naging dikit ang laban ng dalawang panig sa unang tatlong kwarter matapos ang ilang beses na palitan ng layups at outside shots.
Ngunit, naibulsa ng Macau ang ritmo ng laro sa ika-9:10 minuto matapos maipundar ang 103-94 bentahe sa likod ng uncontested layup ni Chongqui.
Umariba naman si Bradwyn Guinto sa pagsapit ng crunch time matapos tumira ng isang open layup upang iangat sa isang puntos ang Bossing, 116-115, para sa bantang pagbalikwas sa nalalabing 2:59 ng fourth quarter.
Sa huling 14-segundo ng laban, tinangkang humirit ng Blackwater guard Sedrick Barefield ng isang four-point play, subalit bigong maipasok dahil sa solidong depensa ni Phoenix Cardena Shackelford.
Bunsod nito, napasakamay ng Macau ang 2-8 record at pinaghahandaan ang Terrafirma sa darating na Sabado sa parehong tagpo para sa ikatlong panalo.
Written by Florenz Gie Abit, Insight PH
Florenz Gie Abit, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



