Napasakamay ng College of Saint Benilde Blazing Spikers ang titulo sa NCAA S101 men's volleyball matapos ang siyam na taong kabiguan nang walisin nila ang Mapua University Cardinals, 25-23, 25-18, 25-21 sa winner-takes-all Game 3 nitong Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.
Matapos silatin ang Mapua sa opening frame ng laban, pinagpatuloy ng Benilde ang kanilang namumuong momentum at hindi na pinakawalan pa sa sumunod na dalawang set rason upang angkinin ang best-of-three finals series, 2-1.
Higit pa, sinandigan ng Benilde si Reymarc Betco matapos kumayod ng 17 puntos at anim na digs na sinahugan ni Rocky Motol ng 15 markers.
“Di ko inexpect na makuha ‘tong award, ‘di ko to ini-expect pero thankful ako kay kuya Chris ‘yong setter namin, akala ko siya talaga,” pahayag ni Betco matapos tanghaling Finals MVP, ayon sa Manila Bulletin.
Maagang bumirit ang Mapua nang maglatag ng 19-14 lead, subalit umalagwa ang Benilde dahil sa pamumuno nina Motol at Betco upang magrehistro ng 11-4 na ratsada para maiburda ang 23-22 na kalamangan sa unang set.
Naging susi din si Motol upang tuluyang ikandado ang opener sa likod ng kaniyang huling dalawang puntos na sinundan ng decisive attacks na nagresulta sa 25-23 na panalo.
Muling humagibis ang red-clad team at pinuwersa ang 17-all na talaan, ngunit agarang binarikadahan ng Benilde ang pagtatangka matapos magpundar ng 8-1 surge gamit ang matitikas na atake ni John Austero.
Dahil dito, naipuslit ng Benilde ang 2-0 na tagumpay sa kabila ng dominasyon ng Mapua.
Sa kabilang dako, hindi nagpatinag ang Cardinals matapos manduhan nina Outside spiker Barbie Andres at Opposite hitter PJ Reyes sa pamamagitan ng cross-court spikes at right-side attacks na naghudyat para maibigay sa koponan ang one-point advantage, 17-16.
Sinigurado na ng Benilde ang panalo sa pamamagitan ng pagpasada ni Betco ng dalawang sunod na kills at isang back row spike para sa 23-19 na bentahe, bago markahan ni San Andres ang laro gamit ang kanyang game-winning hit, 25-21.
Bunsod nito, nakuha ng Benilde ang minimithing kampeonato sa kabila ng impresibong laro na ipinamalas ng Cardinals.
Written by Florenz Gie Abit, Insight PH
Florenz Gie Abit, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



