Sinandalan ng De La Salle University si Shevana Laput kontra Far Eastern University, 25-19, 25-14, 27-25, upang maipundar ang unang panalo sa kanilang kampanya sa UAAP S88 Women's Volleyball na ginanap sa Mall of Asia Arena sa Pasay noong Sabado, ika-14 ng Pebrero.
Ikinamada ng DLSU team captain ang opensiba ng Lady Spikers matapos magmarka ng 23 puntos sa likod ng 20 attacks, dalawang blocks, isang ace, at limang excellent digs dahilan upang barikadahan ang namumuong momentum ng FEU sa ikatlong set.
"It shows that we're a team that wants to win, that wants to redeem ourselves. In the past, we finished third and then second, so it only makes sense that we're aiming to be first,” pahayag ni Laput sa isang interview, ayon sa ABS-CBN.
Maagang nagpasiklab si Laput sa unang set nang magrehistro ng impresibong siyam na puntos sa likod ng mga cross-court attacks at down-the-line shots, sapat upang akayin ang DLSU na maipuslit ang 11-2 run at maikandado ang 1-0 na bentahe, 25-19.
Samantala, pinagpatuloy ng Taft-based squad ang pagratsada sa ikalawang set sa bisa ng mga pinakawalang backcourt hits at dropshots ni Laput, na sinahugan ng off-speed hits ni Amie Provido na naghudyat upang makontrol ang momentum sa midway ng laro at makopo ang 25-14.
Bagaman nabaon ng 2-0 sa match score, hindi kaagad nagpalupig ang Tamaraws matapos respondehan ng running attacks ni Mitzi Panangin na sinabayan ng cross-court ni Lovely Lopez na nagbunsod sa 10-3 run upang mailambat ang 16-12 na pag-abante na naging susi para maitulak ang koponan sa set point, 24-22.
Subalit, dahil sa errors ng dalawang koponan ay tuluyang naitabla ang iskor sa 25-all, bago mag-init si Laput sa closing frame ng third set matapos magtarak ng dalawang sunod na puntos dahilan upang tuldukan ang laban sa straight-set na tagumpay.
Sa huli, inaasahang makakalaban ng DSLU ang University of Santo Tomas ngayong darating na Pebrero 22 upang maibagahe ang ikalawang panalo sa parehong tagpo sa Pasay.
Written by Florenz Gie Abit, Insight PH
Florenz Gie Abit, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



