Damang-dama na ang diwa ng pasko sa buong Pilipinas, mula sa kumukutikutitap na mga ilaw hanggang sa mga kantang nagbabalik ng saya sa pinakahihintay na kaganapan sa bansa. Subalit, ngayon ang himno ng mga maliligayang tinig ay nahigitan ng iyak at sigaw ng masang ginigipit at itinatali sa regalong walang halaga.
Tunay na munti ang handog ng Department of Trade and Industry (DTI) nang isaad na ang P500 ay sapat na upang makapamili ng sangkap para sa noche buena. Iginiit ni DTI Secretary Cristina Roque na sapat ito upang makagawa ng macaroni salad, spaghetti, at makabibili na ng ham—depende pa sa bilang ng kakain.
Sa katunayan, nanindigan ang ahensiya na kahit P488 lamang ang badyet ay makakabuo na ng handa para sa apat o limang miyembro ng pamilya. Habang ang mga politikong korap ay nagsasalo-salo sa kanilang ginintuang hapag, ipagpipilitan nila ang napakababang pamantayan para sa masang Pilipino. Kung isusubo nila sa taumbayan ang mapait na katotohanan, mas pipiliin pa ng nakararami ang magdildil ng asin.
Pahayag lamang ito para sa kanila, ngunit sa mamamayan ito ay mga salitang singbigat ng baryang ibinabayad sa gobyerno. Kahit na ang implasyon mula Oktubre ay nanatili sa 1.7% ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang ibig sabihin nito ay hindi ganoon kabilis ang pagtaas ng presyo ng bilihin. Isinaad ni National Statistician Dennis Mapa, bumabagal sa 0.3% ang pagtaas ng presyo ng bilihin; ito ay mas mabagal kaysa sa Setyembre na 0.8%.
Ipinaglalaban man ng kagawaran na mas ‘stable’ ang kalagayan ng pamilihan ngayong taon, ang P500 ay hindi pa rin makatarungan. Ginto man kung ito ay pagmasdan, ang halaga nito ay kakurampot na lamang sa panahong ito. Kung pilit gigipitin ng gobyerno ang mamamayan sa kanilang taktika, tuluyang maiipit ang mga Pilipino sa paniniwalang wasto ang iginiigit nila.
Kahit na paulit-ulit pinapatunayan ng mga Pilipino na sa bawat suliranin ay nakakayanan nilang lampasan ito sa pamamagitan ng positibong pag-iisip, tila payaso na lamang ang gobyerno sa kanilang paulit-ulit na paandar. Ang pagresolba ng mga problemang ito ay wala sa kamay ng mga Pilipino, ito ay obligasyon, responsibilidad, at serbisyo na dapat nagmumula sa gobyerno.
Sa halip na pagkasyahin ang lahat sa P500, mas mainam kung maging makatotohanan ang gobyerno sa kanilang mga inilalahad sa madla. Ang mga Pilipino ay huwag pagdamutan ng nararapat na serbisyo na dapat na sa kanila– walang labis at walang kulang. Matapos ang mga sunod-sunod na anomalya sa gobyerno, maging ang regalong ito ay ipinagkakait pa sa mamamayan.
Saan kaya aabot ang P500 ng mamamayan? Kahit na dagdagan ito ng diskarte, tawa, at diwa ng pasko ay hindi madadagdagan ang halagang ito. Wala nga talagang makatatalo sa pasko ng Pinas at lalong walang makahihigit sa gobyerno ng Pinas. Subalit, ito ang mali sa kanta– alintana ang walang pera.
Masusukat na sa isang pirasong papel ang halaga ng mamamayan, wala.
Written by Insight PH
Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



