“Kayong mag-aaral ay nag-aaral lang kayo.”
“Makinig na lang kayong mga estyudante”
At bakit ninyo lina-lang ang mga mag-aaral?
Sa University of Eastern Philippines sa Northern Samar, habang isinasagawa ang pagdiriwang na “Balik Kampus”, nagprotesta ang publikasyon nitong “The Pillar” gamit ang isang banner na nananawagang ipabasura ang House Bills 9414 at 9861. Sa dalawang House Bill, itinatakda ang University of Eastern Philippines bilang Pambansang Pamantasan para sa mga Pag-aaral sa Pagpapanatili (Sustainability Studies) at naglalaan ng pondo para rito.
Kung tutuusin, isa itong oportunidad upang maiangat ang antas ng unibersidad. Kaya marahil ay nakapagtataka sa ilan kung bakit may mga estudyanteng umiingay at umaayaw sa dalawang House Bill, gayong may mga probisyong maaaring magdulot ng kabutihan sa pamantasan. Kagaya sa Section 2 na nagsasaad ng tungkulin ng Estado na protektahan at itaguyod ang pantay-pantay na karapatan sa dekalidad na edukasyon. Alinsunod din dito ang Republic Act No. 9512 o “National Environmental Awareness and Education Act of 2008,” kung saan binibigyang-halaga ang papel ng mga pamantasan sa pagsusulong ng edukasyong pangkapaligiran, kabilang ang mga programa at aktibidad na naglalayong itaguyod ang kaalaman at kamalayan sa kapaligiran.
Ikabubuti naman pala pero bakit umiingay at umaayaw ang mga estyudante?
Sa Section 10, saad nito na binibigyan ang unibersidad ng “greater flexibility” sa pagtukoy sa mga programa, polisiya, plano, at pamantayan nito, habang sa Section 13 ay inilalatag ang malawak na kapangyarihan ng Board of Regents––mula sa pakikipagsundo sa mga pribadong institusyon at pagtatakda ng iba’t ibang bayarin hanggang sa paggawa ng mga patakaran at pagdedeliga ng kapangyarihan sa Pangulo ng unibersidad. Hindi problema ang awtonomiya mismo; ang problema ay kung sapat ba ang mga pananggalang upang matiyak na ang dagdag na kapangyarihan ay hindi mauuwi sa kakulangan ng transparency, partisipasyon, at pananagutan. Kung mismong panukalang batas ang nangangakong itaguyod ang tatlong salita sa huling pangugusap, dapat malinaw din kung paano ito maisasakatuparan kapag ang kapangyarihan sa pagpapasya ay higit na nakasentro sa pamunuan.
Hindi pa man naisasabatas ang House Bill, tila nasasalungat na ang proseso nito sa diwang ipinapangako nito.
Ang pagtanggal sa banner ng sarili nilang publikasyon, nang walang malinaw na paliwanag, ang siyang nagpalakas sa tanong: bakit hindi pinapakinggan ang desisyon at boses ng mga mismong estudyante—ang mga taong bahagi ng pamantasan at direktang maaapektuhan ng pagbabagong isinusulong?
Walang matagumpay na unibersidad kung wala ang mga estudyanteng dala-dala ang pangalan nito sa iba’t ibang sulok ng bansa. Hindi sila simpleng “benepisyaryo” na tatanggap lamang ng mga pagbabagong ipapataw sa kanila. Sila rin ay bahagi ng komunidad na bumubuo sa pagkakakilanlan at kinabukasan ng pamantasan. Kaya nararapat lamang na marinig ang kanilang tinig sa mga desisyong huhubog sa paaralang kanilang kinabibilangan.
Hindi sila estudyante “lang” dahil wala ring unibersidad kung wala sila.
Hindi dahil tutol sila sa pag-angat ng UEP ang dahilan kung bakit sila nagtatanong. Ang kanilang pagtutol ay maaaring hindi laban sa progreso, kundi panawagan para sa proseso kung saan kasama sila sa paghubog nito. Hindi sapat ang mataas na antas, panibagong titulo, o bagong sistema kung ang mismong komunidad na bubuo at magpapatuloy nito ay hindi naririnig.
Kung nais maging National University for Sustainability Studies ang UEP, kailangang magsimula ang sustainability hindi lamang sa mga programang ituturo o pananaliksik na isasagawa, kundi sa paraan ng pamamahala nito. Sapagkat ang tunay na progresibong pamantasan ay hindi lamang marunong magdesisyon para sa mga estudyante—marunong din itong makinig sa kanila.
Dahil kung ang mga estudyante ay palaging “lang,” sino ang natitirang dahilan kung bakit kailangang umunlad ang unibersidad?
Written by Insight PH
Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



