Gulong na walang tigil kung umikot ang siklo ng Pilipinas sa sistemang hindi mapatid ang korapsyon, kawalan ng hustisya, at kasakiman. Ilang libong Pilipino man ang masagasaan ng kanilang behikulong walang patutunguhan, hindi matatanggal ang bakas ng dugong 40 taon nang nagmarka sa kalsada ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA).
Lansangang saksi sa karumal-dumal na kagagawan ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni dating pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang EDSA, ngunit ang tunay na biktima ng kaniyang pamamalakad ay ang mga Pilipinong humilera at nagprotesta. Legasiya man ito para sa Pilipinas, libo-libong buhay pa rin ang dinaan-daanan upang makaabot ang masa sa kalingkingan ng pamahalaan.
Ayon sa datos ng Amnesty International, 70,000 ang ikinulong, 34,000 ang pinahirapan, at 3,200 ang mga nasawi sa kapanahunan ng Martial Law. Isang batas na ipinatupad hindi upang magsulong ng kaayusan at kapayapaan kundi para maging palusot sa pagkitil ng mga inosenteng buhay. Sa katunayan, ang mga numerong ipinapahayag sa madla ang mga bilang na may kaalaman ang publiko– kulang pa rito ang mga multong nananatili sa kalsada ng EDSA.
Kahit na ito ang katotohanang ipinaglaban ng mga Pilipino nang maghasik ng kilos protesta kontra sa administrasyon ni Marcos Sr., paglipas ng ilang taon ay itinuring ng bayani ang lider-lideran na kumitil sa buhay ng mamamayan. Sa kabila ng karahasan, 31,629,783 Pilipino ang bumoto sa kaniyang anak na si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Higit pa rito, ipinanalo rin ang anak ni dating pangulong Rodrigo Duterte na si Bise Presidente Sara Duterte– isang pangyayaring dating kinasuklaman at kinagalit ng mamamayan ang nabura ng pawang salita at apelyidong tanyag.
Ngayong muling naupo ang mga supling ng mga lider na kilala sa kanilang marahas na pamamalakad, bumalik sa simula ang Pilipinas. Muling nanumbalik ang pamamalakad na pinatalsik apat na dekada ang nakalipas, isang kahihiyan para sa mga lider na huwad. Paikot-ikot na lamang ang nagaganap sa Pilipinas at sa biyaheng ito, napag-iiwanan ang masa dahil sa mga drayber na walang patutunguhan kung magmaneho.
Kung hindi pa ito sapat, kalaunan lamang ay ipinahayag ng Bise Presidente ang kaniyang paghabol sa pagka-pangulo sa halalan ng 2028. Nakagugulong desisyong kaniyang ipinahayag sa publiko sa kabila ng kaniyang kinakaharap na impeachment trial at ang pagkabilanggo ng kaniyang ama sa International Criminal Court (ICC) dulot ng paglabag sa karapatang pantao. Ang mga plaka ng politiko sa kanilang behikulo ay tanging apelyido– iyan ang kredibilidad na kanilang ipinagmamalaki.
Kaya naman, sa napakagulong kalsada ng pulitika sa Pilipinas, wala nang epekto ang pula, berde, o dilaw na simbolo sa mamamayan. Ang naganap na rebolusyon sa EDSA ay ang pinanghahawakang kakayahan ng mga Pilipino upang mabawi ang kontrol sa behikulo ng bansa. Binabalot ng mga daan ang mukha ng mga lider na nagpapasikat, ngunit sa oras na gibain ito ng mamamayan at mismong Pilipino ang tumindig sa bawat kanto ng bayan– walang makasasagasa sa kahit kanino man.
Higit pa sa alaala ang EDSA People Power Revolution para sa mga buhay na nawala at sa dating pangulong itinuturing na bayani. Ito ay isang legasiya, pruweba, at babala– kahit saan man kayo tumingin, naroroon ang bakas ng mga Pilipinong inyong tinatapaktapakan. Hindi nagtatapos dito ang protesta ng bayan, mula noon hanggang ngayon, masdan ninyo ang hinagpis ng mamamayang inaapi.
Written by Insight PH
Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



