DEVCOM | A ParaDIES Promise: Tambakan sa Kanlungan ng Kabundukan

K

Koleen Valerie Palola, Insight PH

Author

4 min readJuly 23, 2026
DEVCOM | A ParaDIES Promise: Tambakan sa Kanlungan ng Kabundukan

‎Mula sa itaas—sa mata ng mga ibon—tanaw na tanaw na ang tila lumilitaw na kakaibang paraiso sa Sitio Tibag, Brgy. Naugsol, Subic Zambales. 

Ngunit sa kabila ng pagbibigay kahulugan ng salitang paraiso, kakaiba ang kahulugan nito para sa mga Ayta. Para sa kanila, ang kabundukan ay ang kanilang kanlungan—tahanan na kalaunan ay naging bulubunduking paraiso na ng basura. 

Pangakong sa Tambak Nakulong

Noon pa man, ang pamumuhay ng mga Ayta ay hindi gaanong matiwasay—kalsadang masukal, limitadong pangangailangan, tirahang payak—ngunit nabalot ng pag-asa ang kanilang komunidad taong 2019 nang nangako ang lokal na pamahalaan na gagawan sila ng kalsada. Hindi lamang basta't kalsada ang nakita ng mga Ayta sa pangakong ito, kundi pagkakataong magkaroon ng oportunidad na magiging maginhawa ang kanilang pamumuhay. 

‎Sa paligid ng kalikasan umiikot ang pamumuhay ng mga Ayta. Pagtatanim at pag-aalaga ng mga hayop ang kanilang kabuhayan. Sa isang sapa naman sila kumukuha at nag-iimbak ng tubig inumin, nanghuhuli ng maliit na hipon at panggamit para sa araw araw. 

‎Ngunit sa pangakong inilabas ng lokal na pamahalaan ay unti-unting naging dahilan ng pagbabago sa kanilang kabuhayan. Hindi pagbabagong positibo, ngunit pagbabagong nagbigay ng bigat sa damdamin at galit. 

‎Kalaunan, ang tinatawag na paraiso ay naging tambakan ng samu't saring basura—hospital waste na mula pa noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, basura ng mga residente, at ng buong bayan. Noong una ay nangako ulit ang lokal na pamahalaan sa mga Ayta na pansamantala lamang ang pagtatapon ng mga basura sa kanilang lugar. Ngunit lumipas ang ilang taon hanggang sa naging magmukhang bulubundukin na ang tambak na basura.

Pitong Taong Pagkakulong: Kalusugan, Kabuhayan, at Kanlungan

Dahil sa pag litaw ng bundok ng basura ang ibang residente ay napilitang lumipat ng tirahan ilang kilometro ang layo. Habang papalayo sila, lalo namang nagiging masukal ang kanilang dinaraanan. Bukod dito, ilan sa mga bata sa komunidad ang nagkaroon ng hika ayon sa isang residente. 

‎Ang sapang dati nilang tanging pinagkukunan ng tubig ay hindi narin mapakinabangan dahil dumadaloy na rito ang katas ng kapabayaan at basura sa bundok. Dahil dito, tubig-ulan na lamang ang kanilang pinagkukunan ng maiinom. Muli na namang nangako ang lokal na pamahalaan sa mga Ayta na tatayuan ng pader ang lugar, lalagyan ng plastik, tabunan ng lupa, at ise-segregate ang mga basura. Ngunit hindi naipagpatuloy ang plano dahil umano'y  pansamantala lamang ang operasyon.

‎Hindi mawari ng mga Ayta na ang pansamantala ay umabot ng halos pitong taon bago tuluyang naipasara ang naturang operasyon. Kung hindi nagkaroon ng lakas ng loob ang mga Ayta at hindi natuklasan ng DENR ang pagtatambak ng mga basura sa lugar noong January 2022, malamang ay hindi ito natitigil kung nasa kamay lamang ng lokal na pamahalaan.

Basura’t Batas: Kung May Tambak, May Pananagutang Tiyak

Ang pagsagawa ng dumpsite ay itinuturing paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act. Gayunpaman, hindi agad naresolba ang problema noong 2022 dahil tumagal pa ng halos tatlong taon ang operasyon bago tuluyang naipasara. March 2026, opisyal nang ipinasara ng DENR ang tambakan ng basura.

‎Ang tanging hiling ng mga Ayta sa ngayon ay mahakot ang nag-aalingasang at masangsang na mga basura palayo sa kanilang paraiso. Nakasaad din sa cease and desist order ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong march na tanggalin ng lokal na pamahalaan ng Subic ang lahat ng basurang itinambak sa bundok. Batay sa safe closure plan ng pamahalaan, ₱78 milyon ang kakailanganin upang marehabilitate ang lugar. Sa ngayon, nakapaghain na rin ang lokal na pamahalaan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pondong mahigit ₱68 milyon.

‎Muling nangako ang lokal na pamahalaan na ang magiging pangunahing solusyon sa bulubunduking basura ay tambakan na lamang ito ng lupa dahil, ayon sa kanila, hindi na nito kayang alisin ang basurang naitambak sa kabundukan ng mga Ayta.

‎Sa ngayong naipasara na ang naturang tambakan, ngunit ang kanlungan ng mga Ayta ay hindi na maibabalik sa dating anyo sa loob lamang ng maikling panahon—tulad ng pangakong sinabing panandalian lamang. Ang paraisong minsang naging kanlungan nila at kabuhayan ay nanatiling natatabunan ng mga basurang iniwan ng mga pangakong hindi natupad. At habang naghihintay ang komunidad na muling maibalik ang kanilang kabundukan, nananatiling buhay ang paalala na ang isang paraiso ay hindi lamang namamatay dahil sa bundok ng basura, kundi dahil sa mga pangakong unti-unting ibinaon kasama nito.

K

Written by Koleen Valerie Palola, Insight PH

Koleen Valerie Palola, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Development Communication

JJosaiah Canton, Insight PH

DEVCOMM | A ROCKSTAR REVOLUTION

Since its establishment in 1998, Rockstar Games has been continuously innovating, breaking, and setting the standards of the video game industry. F...

11 days ago 5 min read
KKreshen Jewel Parreño, Insight PH

DEVCOM | Cities Rise, Islands Capsize

By the time high tide arrives in the small islands of Nasingin in Banakon, the sea no longer stops at the shore. It now enters the home of the peop...

1 month ago 3 min read
KKreshen Jewel Parreño, Insight PH

DEVCOM | Scraps Turned Into Crops

“The real solution in farming is not always found in expensive inputs, but in what farmers already have.”Despite the continuous rise ...

1 month ago 2 min read
Explore all Development Communication articles