BALITA | Sec. Dizon, ipinag-utos ang malawakang courtesy resignation sa DPWH

K

Kian Gabriel Managbanag, Insight PH

Author

2 min readSeptember 1, 2025
BALITA | Sec. Dizon, ipinag-utos ang malawakang courtesy resignation sa DPWH
Agad na nagpatupad si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ng malawakang courtesy resignation sa buong ahensya matapos manumpa bilang bagong kalihim nitong ika-1 ng Setyembre sa Malacañang Palace.

Pahayag ng kalihim sa press conference ng palasyo, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na linisin at tanggalin ang mga korap na opisyal ng ahensya mula sa mga undersecretary hanggang sa mga district engineer ng buong bansa.

“Kailangan siyang gawin kasi nakita ng Pangulo, nakita nating lahat ang nangyari sa ahensyang ito,” ani Sec. Dizon.

Ayon sa kaniya, magpapatupad siya ng “lifetime blocklisting ban” sa oras na mapatunayang sangkot sa “ghost” at substandard na proyekto ang mga contractor.

“Wala na itong prose-proseso, wala ng imbestigasyon, automatic, blacklisted for life ang contractor na ‘yan. May kaakibat na kaso ‘yan. Lahat ng ating makukuha ay ipapasa natin sa independent commission na itatayo ng ating Pangulo,” dagdag pa niya.

Nitong huling araw lamang ng Agosto, itinalaga si Dizon bilang bagong kalihim ng DPWH matapos magbitiw sa pwesto si former Sec. Manuel Bonoan, upang panagutan ang iba’t ibang anomalya at korapsiyon ng ahensya.

Bago maging DPWH Secretary, nagsilbi si Sec. Dizon bilang kalihim ng Department of Transport (DOTr) kung saan umani siya ng magagandang reaksyon mula sa netizens dahil sa mga proyekto kagaya ng discounted beep cards at card payment sa Manila Metro Rail Transit (MRT), na pinaniniwalaang malaking tulong at ginhawa para sa mga pasahero.

via Kian Gabriel Managbanag, Insight PH
K

Written by Kian Gabriel Managbanag, Insight PH

Kian Gabriel Managbanag, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.