Inulan ng batikos ang Department of Education (DepEd) nang itampok nila ang guro mula sa Zaragoza National High School, Nueva Ecija, na si Alexander P. Driz matapos makapagpagawa ng bahay sa loob ng 32 taon.
Giit ng netizens, hindi ito dapat “fine-flex” ng DepEd dahil nangangahulugan lamang ito na mababa pa rin ang sahod ng mga guro para umabot pa ng ilang taon bago makapagpundar ng bahay.
Nanawagan din ang netizens na ipatupad na ang nakabubuhay na sahod para sa mga guro at mabilisang wage increase.
Isa si Driz sa mga benepisyaryo ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagtutulungan ng Department of Human Settlements and Urban Development at Pag-IBIG Fund, isa sa pangunahing programa ng pamahalaan para sa mga pabahay.
Layunin ng naturang programa na magbigay ng abot-kaya at ligtas na pabahay para sa mga pamilya ng manggagawang Pilipino, kabilang ang mga pampublikong guro at non-teaching personnel ng DepEd.
Samantala, wala pa ring pahayag ang DepEd ukol sa nangyaring pambabatikos sa kanila.
Written by Arianne Jhayne O. Inocencio, Insight PH
Arianne Jhayne O. Inocencio, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



