Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang "Project HANDA," isang nationwide school readiness tracking system, upang matiyak ang maayos na pagbubukas ng klase sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa sa darating na Hunyo 8.
“It is important that getting data is fast and accurate in every school so we can respond right away to what they need in terms of facilities and supplies before school starts,” saad ni Education Secretary Sonny Angara.
Binigyang-diin ni Angara na ang proyektong ito ay direktang tugon sa utos ng administrasyon na alisin ang “guesswork” sa edukasyon sa pamamagitan ng paggamit ng mabilis at tamang datos.
Sa pamamagitan ng system, maaari nang ibahagi ng DepEd ang mga detalyadong datos sa mga regional at division offices upang mapakinabangan nang husto ang mga susunod na alokasyon ng badyet at mapabilis ang tulong sa mga imprastraktura.
“Through Project Handa, we can assure that no region will be left behind and every learner will have a safe and enough space for their education,” ani Angara.
Batay sa unang datos na nakalap ng tracker, nakapagtala na ang kagawaran ng ₱28 bilyon para sa mga prayoridad na panukala sa pagkukumpuni ng mga estruktura.
Nakalista rin ang ₱2.7 bilyong halaga ng mga kahilingan para sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng water, sanitation, and hygiene upang mapanatili ang kalinisan sa mga paaralan.
Kinumpirma ng Project HANDA na 76% o mahigit 36,000 pampublikong paaralan sa buong bansa ang mayroon nang mahahalagang ICT device tulad ng tablets, laptops, at telebisyon.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang Brigada Eskwela sa buong bansa bilang paghahanda para sa pagbubukas ng klase sa Lunes, Hunyo 8.
“So dito po nagkakaisa po tayo, and it’s a reminder na if we want quality education, kung gusto natin lumaki sa tamang paraan ang ating mga bata, if we want to enculcate them with values, then we really must concentrate in our schools,” dagdag ni Angara.
Nilinaw naman ng DepEd na magpapatuloy ang mga pagkukumpuni habang nagbabalik-eskwela ang mga mag-aaral, dahil hindi naman umano kailangang matapos ang lahat ng pagsasaayos bago ang pormal na pagbubukas ng pasukan.
Nagpapatuloy rin ang distribusyon ng mga kagamitan sa pagtuturo, kung saan mahigit 70% ng mga textbook para sa mga mag-aaral sa Grade 4 at Grade 5 ang naihatid na.
Written by Jon Jedwin Pineda, Insight PH
Jon Jedwin Pineda, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



