Nanawagan si Senate Committee on Basic Education chair Sen. Bam Aquino sa Kongreso na agarang ipasa ang Senate Bill (SB) 2426, o ang Comprehensive School Safety Act, na naglalayong paigtingin ang kaligtasan at seguridad ng mga mag-aaral upang maiwasan ang karahasan sa mga paaralan.
“Ang paaralan ang dapat maging ligtas na espasyo kung saan natututo ang ating mga anak, nabubuo ang kanilang pagkatao at umuusbong ang kanilang mga pangarap,” wika ni Aquino.
Bunsod ito ng mga kamakailang insidente ng pamamaril sa mga paaralan sa Tacloban City at Zamboanga City.
Naglalaman ang panukala ng tatlong pangunahing probisyon: isang komprehensibong pambansang balangkas para sa kaligtasan ng paaralan, mas ligtas na imprastraktura at seguridad sa loob ng mga paaralan, at pagkilos na nakabatay sa buong komunidad.
Ipinaliwanag ni Aquino na layunin ng panukalang batas na pag-ugnayin ang mga umiiral na hakbang upang makabuo ng isang malinaw at sistematikong programa na may pananagutan, sapat na suporta, at kakayahang kumilos bago, habang, at pagkatapos ng isang insidente.
Sa ilalim ng unang probisyon, kailangang tukuyin, suriin, at tugunan ng mga paaralan ang mga posibleng panganib bago pa man ito lumala. Kabilang dito ang pagsasagawa ng mga oryentasyon para sa mga magulang, guro, at student leader tungkol sa kaligtasan sa paaralan.
Samantala, nakatuon ang ikalawang probisyon sa paghahanda para sa mga emergency, mga sistema ng komunikasyon, koordinasyon sa mga lokal na awtoridad, at regular na pagsasagawa ng mga drill na angkop sa edad at kalagayan ng mga mag-aaral.
Sa ikatlong probisyon naman, binibigyang-pansin ang sikolohikal na kalagayan ng mga mag-aaral upang matiyak ang kanilang kaligtasan at kapakanan sa loob ng paaralan.
Kabilang din sa panukala ang pagbuo ng bawat paaralan ng lokal na plano para sa kaligtasan batay sa mga partikular na panganib at pangangailangan ng kanilang komunidad.
Binanggit din ni Aquino na maaaring kailanganin ng mga paaralan ang mga kagamitang pangseguridad tulad ng metal detector, CCTV system, at iba pang screening equipment, depende sa antas ng panganib at pangangailangan ng bawat paaralan.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas na kailangang paghandaan ng mga guro at mag-aaral ang mga karagdagang hakbang sa seguridad na maaaring ipatupad sa mga paaralan.
Umapela si Aquino sa Senado na gawing prayoridad ang kaligtasan ng mga paaralan.
“Napakaseryoso po ng banta and we’re racing against time,” pahayag niya.
Hiniling din ng senador na kung maaari, ay isaalang-alang ang panukalang batas sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Kasabay ng panawagan ni Aquino, nagpahayag din ng suporta si Education Secretary Sonny Angara sa naturang panukala.
Ayon kay Angara, makatutulong ang panukala na gawing permanente ang mga kasalukuyang hakbang ng Department of Education (DepEd), kabilang ang nationwide School Safety Campaign at Guidelines on Ensuring a Safe and Motivating Learning Environment (ESMLE).
Binanggit din ni Angara na dapat bigyang-pansin ang mental health at pag-uugali, hindi lamang ang pisikal na seguridad ng paaralan, dahil maaari itong makaapekto sa mga mag-aaral.
Sa gitna ng panawagang ito, binigyang-diin ni Aquino ang mga estudyanteng nasawi sa mga kamakailang insidente ng karahasan sa paaralan.
“Sana po hindi na po dumami ang listahan ng mga pangalan ng mga batang nawala sa kanilang pamilya at sa kanilang kaibigan,” pahayag ni Aquino.
“Para po sa kanila ang panukalang ito,” aniya.
Sa pagsulong ng SB 2426, layunin ni Aquino na magkaroon ng agarang hakbang upang mapaigting ang kaligtasan ng mga mag-aaral at maiwasan ang pag-ulit ng karahasan sa mga paaralan.
Written by Majella Atheena Aguila, Insight PH
Majella Atheena Aguila, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



