Itinalaga ng Vatican ang National Shrine and Parish of Saint Padre Pio sa Santo Tomas, Batangas, bilang ikalawang international shrine sa Pilipinas.
Ipinahayag ni Lipa Archbishop at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Gilbert Garcera ang makasaysayang pagkilala ng Holy See nitong Huwebes, Hunyo 4, sa isang presbyteral ordination sa Immaculate Conception Parish sa Bauan, Batangas.
"This recognition marks a historic milestone not only for the Shrine and the Archdiocese of Lipa but also for the Church in the Philippines, as it becomes a place of pilgrimage and devotion with international significance,” ayon sa pahayag mula sa pamunuan ng Padre Pio Shrine.
Ayon sa ulat ng CBCP, ang dekreto ay inilabas ng Dicastery for Evangelization sa ika-139 na anibersaryo ng pagkasilang ni Padre Pio noong Mayo 25.
“May this moment of grace inspire us to deepen our faith, strengthen our devotion, and unite us in prayer and thanksgiving as we celebrate God's abundant blessings through the intercession of St. Padre Pio,” dagdag pa ng pamunuan ng simbahan.
Ang pormal na deklarasyon ay gaganapin sa Setyembre 23 kasabay ng death anniversary ng santo.
Bago ang pagkilalang ito, ang Antipolo Cathedral ang itinalaga bilang kauna-unahang international shrine sa bansa noong 2024.
Ang dambana sa Batangas ay idineklarang archdiocesan shrine noong 2008 at naging national shrine noong 2015 dahil sa dambuhalang bilang ng mga deboto na nagtutungo rito upang humingi ng intercession para sa kagalingan.
Si Padre Pio ay isang Italyanong Capuchin friar. Opisyal siyang idineklara bilang ganap na santo noong Hunyo 16, 2002, ni Pope John Paul II.
Ang kaniyang incorrupt body ay kasalukuyang nakahimlay sa isang crystal tomb para sa veneration sa Padre Pio Basilica sa San Giovanni Rotondo, Italy, ang mismong lugar kung saan siya nanirahan, naglingkod, at yumao. Patuloy itong dinarayo ng milyon-milyong deboto mula sa buong mundo.
Written by Jon Jedwin Pineda, Insight PH
Jon Jedwin Pineda, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



