Mas maagang ginhawa ang sasalubong sa mga pensyonado ng Social Security System (SSS) ngayong buwan matapos aprubahan ang mas maagang pagpapatupad sa ikalawang yugto ng 10% pagtaas sa buwanang pensyon para sa mga retirado at may kapansanan.
Isinulong ng SSS ang implementasyon nito ngayong Hunyo, na nakatakda dapat sa Setyembre, upang magsilbing agarang ayuda sa mga nakatatanda at sa mga taong may kapansanan na labis na naaapektuhan ng implasyon at ng krisis sa langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Dahil dito, maglalabas ang SSS ng humigit-kumulang ₱6 bilyon para pondohan ang karagdagang benepisyong ito mula Hunyo hanggang Agosto.
“With the early implementation, we hope to provide timely relief to our pensioners and their families as they continue to face everyday financial challenges,” saad ni SSS CEO Robert Joseph de Claro.
Nilinaw ng SSS na ang mga miyembrong naging pensyonado hanggang Mayo 31 ang siyang unang makikinabang sa programang ito simula Hunyo 1.
Samantala, ang mga indibidwal na magiging kwalipikado para sa mga benepisyo mula Hunyo 1 hanggang Agosto 31 ay nakatakdang tumanggap ng kanilang pensyon sa Setyembre 1.
Sa ilalim ng ikalawang yugto ng Pension Reform Program (PRP) ng SSS, makatatanggap ng 10% na dagdag sa buwanang pensyon ang mga retirado at may kapansanang pensyonado. Samantala, makakatanggap ng dagdag na 5% sa buwanang pensyon ang mga tumatanggap ng death at survivorship pension.
“We recognize that rising prices and economic uncertainty continue to place pressure on Filipino families and businesses,” ani de Claro. “Through the PRP, SSS ensures that our pensioners have access to timely, affordable and reliable financial support when they need it most.”
Sa ilalim ng PRP, makatatanggap ang mga pensyonado ng taunang pagtaas ng pensyon tuwing Setyembre mula 2025 hanggang sa huling yugto nito sa Setyembre 2027.
Inaasahang aabot sa 33% ang kabuuang itataas ng pensyon para sa mga retiradong miyembro at may kapansanan sa oras na makumpleto ang ikatlong taon ng reporma.
Para naman sa mga benepisyaryo ng death at survivorship pension, inaasahang aabot sa humigit-kumulang 16% ang kabuuang itataas ng kanilang pensyon sa pagtatapos ng ikatlong taon ng reporma.
Written by Jon Jedwin Pineda, Insight PH
Jon Jedwin Pineda, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



