Nakaangkla ang Alab, unang araw ng University of the Philippines - Los Baños (UPLB) February Fair (Feb Fair) 2026 sa pagtindig laban sa mga kinahaharap na isyu sa edukasyon, sining, at korapsyon para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Sa gitna ng musika at makulay na protesta ay iniangat sa madla ang adbokasiyang maka-estudyante tulad ng pagpapataas ng nakalaang pondo para sa edukasyon at pagpapatayo ng ‘genuine art spaces’ para sa mga artista ng bayan.
Ayon sa ulat ng UPLB Perspective, opisyal na pahayagang pang-mag-aaral ng unibersidad, 29.47 bilyong piso na pondo ang inilaan para sa paaralan.
Habang ito ang pinakamataas na alokasyon na nakuha ng UPLB, ito ay kulang pa rin sa panukalang 46.85 bilyong piso ng General Appropriations Act (GAA) para sa fiscal year 2026, ayon sa pahayagan.
Sa isang panayam kay JC Ortiz, isa sa mga tagapamahala ng Alab, inamin niyang mahirap para sa mga estudyante ng UPLB na hindi naabot ang inihaing halos 47 bilyong badyet para sa 2026.
“Malaki yung budget deficit na kinaharap namin, almost 20 billion… from its proposal na 47 billion,” ani Ortiz.
Bukod dito, sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), ilang State Universities and Colleges (SUCs) sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang nakatakdang makaranas ng pagbawas sa pondo sa isa o higit pang klasipikasyon.
Isa sa mga pinakaapektado nito ay ang Cordillera na may anim sa pitong SUCs na makararanas ng kaltas sa pondo ng sektor ng edukasyon.
Ang malubhang pagbawas sa pondo ng SUCs ay nagbubukas ng isang usapin: Totoo nga ba na libre ang mataas na edukasyon?
Hindi libre ang edukasyon
Karapatan ng bawat bata ang makapag-aral, ngunit iginiit ni Ortiz na sa panahon ngayon ay nagiging isa na lamang itong pribilehiyo.
“Kung sa lente ng UP, hindi libre ang UP, kasi kung libre siya bakit may UPCAT? Kailangan nating ipanawagan ‘yung higher budget for education para lahat ng estudyante ay ma-accommodate ng SUCs.”
Hinimok niya ang mga mag-aaral na ipaglaban na maaprubahan at maipasa ang nararapat na pondo para maiangat ang kalidad ng edukasyon para sa kabataang Pilipino.
Panawagan para sa ‘genuine art spaces’
Inudyok ni Ortiz ang mga kalahok sa Alab na ibigay ang kanilang buong suporta sa pagpapatayo ng mga ‘genuine art spaces’ upang maibsan ang hirap na nararanasan ng mga alagad ng sining.
“Kailangan nating suportahan ‘yung mga panawagan ng mga artista ng bayan natin. As of the moment, yung mga artista ng bayan dito sa UPLB ay nagre-resort na una, lumabas ng UP Campus para mag-rehearsal. Umaabot sila until midnight para lang mag-rehearse,” ani Ortiz.
Pinuna rin niya ang kawalan ng pondo para sa teatro, na isa sa mga course requirements ng mga artista ng bayan, na naging dahilan upang ang mga estudyante mismo ang magbayad ng gastos sa produksyon ng palabas mula sa kanilang sariling bulsa.
“Maganda talaga na may teatro, pero ang nangyayari kasi bumubunot sa sariling bulsa ang mga artista natin. ‘Yung budget na kailangan din para sa production ng kailangan nilang i-release,” ani Ortiz.
‘No students left behind’
Tatalakayin din ang mga academic at non-academic policies ng UPLB na maituturing na ‘anti-student’ sa pamamagitan ng pagbuo ng isang task force na pinangalanang ‘No Students Left Behind’ na binubuo ng iba’t ibang organisasyon.
Kabilang na sa task force na ito ang SAmahan ng Kabataan para sa Bayan UPLB (SAKBAYAN UPLB), Kulturang Ugnayan ng Kabataan Alay sa Bayan UPLB (KULAYAN UPLB), Rise for Education (R4E), at University Student Council ng UPLB.
Ilan sa mga halimbawang ibinigay ni Ortiz ay ang ipinapanukalang ‘no-dropping policy’ at mataas na passing rate sa College of Veterinary Medicine (CVM).
“Sa usapin naman ng repressive non-academic policies, for instance, sa CVM, mayroong block registration policy kung saan kailangan nilang i-register pa ‘yung kanilang sarili para lang ma-enlist yung isang specific course,” dagdag pa niya.
Binigyang diin ni Ortiz ang hindi makatarungang bayarin para sa student dormitories dahil sa mataas na halaga nito.
Isiniwalat din niya na hindi natatanggap ng mga estudyante ang kanilang mga scholarships at financial assistance sa kadahilanang walang inilaang pondo para sa Student Learning Assistance System (SLAS), Student Assistantship and Graduate Assistantship (SAGA) Program, at Special University Performers - Student Assistantship (SUPSA) para sa taong panuruang 2026-2027.
Pangamba para sa kinabukasan
Habang hinaharap ng SUCs ang pagbawas sa pondo, lumilitaw rin ang mga limitasyon sa iba pang anyo ng suporta sa higher education.
Noong Pebrero 5, inanunsyo ng Department of Science and Technology-Science Education Institute (DOST-SEI) na sa 102,390 aplikante para maging iskolar, 8,500 lamang ang matatanggap para sa taong panuruang 2026-2027, matapos aprubahan ang 7.6 bilyong piso mula sa 11 bilyong piso na pondo para sa fiscal year 2026, para sa scholarships at iba pang inisiyatibo.
Ngunit, para kay Yzza Cecilio, isang Grade 12 student sa Camarines Sur National High School (CSNHS) sa Naga City na nais kumuha ng kursong medisina, ang pagbabawas ng oportunidad sa libreng edukasyon ay magbibigay lamang ng mabigat na financial burden sa kaniyang pamilya.
Dagdag niya, na kung hindi siya mabigyan ng grant, maaaring hindi niya makamit ang kaniyang pangarap na makakuha ng kursong medisina.
Ayon sa estudyante, ang mga problemang gaya nito ay malaking dahilan kung bakit kailangan ng platapormang gaya ng UPLB Feb Fair upang tuldukan ang mga ito.
Iginiit niya na ang edukasyon ay hindi dapat maging pribilehiyo, kung hindi isang karapatan.
“Remaining silent allows policies that disadvantage students to persist. By voicing our concerns, we advocate not only for ourselves, but also for those who may not yet have the opportunity or confidence to do so,” ani Cecilio.
Ugat ng problema
Maliban sa mga protesta laban sa iba’t-ibang isyung kinahaharap ng mga estudyante sa loob ng UPLB, pinagtutuunan din ng pansin ang malawakang korapsyon na patuloy na lumalason sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Ang laban sa korapsyon ay laban din ng sektor ng edukasyon, iyan ang ipinahihiwatig ng Alab sa UPLB Feb Fair.
“Ang SAKBAYAN UPLB at KULAYAN UPLB ay bahagi ng UP Action Network… ito ay isang broad alliance na talagang tumutuligsa sa korapsyong kinakaharap natin sa sistema,” pagdidiin ni Ortiz.
Dagdag niya, direktang naapektuhan ang sektor ng edukasyon sapagkat ang pangungurakot ng gobyerno ay isa sa mga ugat ng problema sa bansa.
Ipinahiwatig ni Ortiz na ang pinakasentrong mithiin ng Alab UPLB ay ang ipaintindi na ang mga paghihirap na nararanasan sa labas ng pamantasan ay nakaaapekto rin sa mga estudyanteng nag-aaral sa loob nito.
“Kung may nire-redtag sa labas ng UPLB, mayroon din dito. Kung may pinapatay dahil sa gutom, dahil sa kakulangan ng pampinansiyal, o dahil ‘di makapag-aral, mayroon din dito sa UPLB. Danas din natin siya rito,” ani niya.
Nagsisilbi ding hamon ang Alab UPLB para sa mga iskolar ng bayan na makilahok at tumindig laban sa mga isyung panlipunan dahil hindi lamang ito laban ng nakatataas, kundi laban ng lahat.
Written by Eliah May Bañas & Krystien Angel Lacandula, Insight PH
Eliah May Bañas & Krystien Angel Lacandula, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



