Inaprubahan ni Pope Leo XIV ang pagtatatag ng isang Inter-Dicasterial Commission on Artificial Intelligence na naglalayong pag-ugnayin ang mga talakayan, proyekto, at patakaran hinggil sa Artificial Intelligence (AI) sa loob ng Holy See.
Batay sa Rescriptum ex Audientia Sanctissimi na inilabas noong ika-16 ng Mayo, pormal itong itinatag ni Cardinal Michael Czerny, prefect ng Dicastery for Promoting Integral Human Development, alinsunod sa Artikulo 28 ng Konstitusyong Apostoliko na Praedicate Evangelium. Tinanggap ito ng Papa sa isang pulong noong Mayo 3, 2026.
Sa ilalim ng Praedicate Evangelium, maaaring magtatag ang isang dicastery prefect ng isang inter-dicasterial commission upang tugunan ang mga usaping nangangailangan ng madalas na konsultasyon sa pagitan ng mga institusyon ng Vatican.
Ayon sa Vatican, ang desisyong ito ay bunsod ng mabilis na pag-unlad ng AI sa mga nakalipas na dekada at ng lumalawak na paggamit nito.
Simula nang maupo Pope Leo XIV, paulit-ulit nang binibigyang-diin ng Santo Papa ang panganib na may kaugnayan sa artificial intelligence. Inihalintulad pa niya ang malaking epekto nito sa Rebolusyong Industriyal. Nagbabala rin siyang maaring lumampas ang impluwensya ng AI sa ekonomiya at trabaho, at maaari nitong maapektuhan ang ugnayan ng mga tao, sikolohiya, at espirituwal na buhay.
Kasabay ng paggunita ng World Day of Communication nitong Linggo, ipinunto ni Pope Leo XIV ang kahalagahan ng maayos na paggamit ng AI nang may paggalang sa dignidad ng tao.
“In this era of artificial intelligence, I encourage everyone to commit themselves to promoting forms of communication that always respect the truth of the human person, on which every technological innovation should be focused,” salin sa Ingles mula sa pahayag ng Papa.
Nauna nang tinugunan ng Vatican ang mga etikal na isyu kaugnay ng AI sa pamamagitan ng mga nakaraang inisyatiba, kabilang ang Antiqua et Nova, isang tala noong Enero 2025 na inilabas ng Dicastery for the Doctrine of the Faith at ng Dicastery for Culture and Education ukol sa relasyon ng artificial intelligence at tao.
Samantala, pangungunahan ni Czerny ang bagong tatag na komisyon. Kabilang sa mga kinatawan nito ang mga mula sa Dicastery for Promoting Integral Human Development, Dicastery for the Doctrine of the Faith, Dicastery for Culture and Education, Dicastery for Communication, Pontifical Academy for Life, Pontifical Academy of Sciences, at Pontifical Academy of Social Sciences.
Maaaring palawigin ang mandato kung kinakailangan, at pagkatapos nito ay maaaring ilipat ng Papa ang tungkulin sa pamamahala sa ibang kalahok na institusyon sa loob ng isang tao.
Ayon sa utos, magsisilbing tulay ang mamamahalang institusyon sa pagtutulungan at pagpapalitan ng impormasyon ukol sa mga aktibidad at proyektong may kaugnayan sa artificial intelligence, kabilang ang mga patakarang namamahala sa paggamit ng AI sa loob ng Holy See, habang isinusulong ang diyalogo at pakikilahok ng mga institusyon ng Vatican.
Nagsisikap ang Vatican na tugunan ang mga malalaking hamon sa mundo bilang pagpapatuloy ng naunang inisyatibang itinatag ni Pope Francis noong kasagsagan ng pandemya.
Written by Jon Jedwin Pineda, Insight PH
Jon Jedwin Pineda, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



