BALITA | Hustisyang Rumaragasa, nag Hatid Boses sa Himagsik Day 3 ng UPLB February Fair 2026

I

Insight PH Web Admin

Author

4 min readFebruary 13, 2026
BALITA | Hustisyang Rumaragasa, nag Hatid Boses sa Himagsik Day 3 ng UPLB February Fair 2026

Sa panahong patuloy na umaalon ang mga usapin ng korapsyon at kawalan ng pananagutan, tayo ang salamin ng panahong kasalukuyan mga mamamayang hinubog ng krisis, galit, at pag-asa. Sa gitna ng ingay at liwanag ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) February Fair 2026 na binigyang temang “Himagsik”, muling pinagtatagpo ang sining at pakikibaka upang igiit na walang tunay na kapayapaan kung walang hustisyang panlipunan. Sa ikatlong araw ng programa, umalingawngaw ang temang “Ahon-alon ng Hustisya,” isang panawagang palakasin ang kolektibong boses para sa karapatang pantao, pananagutan, at kapayapaang nakabatay sa katarungan.

Sa panayam ng Insight PH, ibinahagi ni Princes Esther “Eru” Elec, chairperson ng Youth Advocates for Peace with Justice UPLB at isa sa mga campaign head ng Kamurayaw 2026, na hinubog ang tema mula sa mga umiiral na isyung kinakaharap ng mga komunidad kabilang ang umano’y korupsiyon, palpak na flood control projects, at iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao.

“Hindi lang ito simpleng usapin ng korupsiyon,” ani ni Elect. “Sa bawat pondong nawawala, may mga karapatan at minsan pati buhay ng mamamayan ang nawawala. Kaya gusto nating gawing tungtungan ang galit ng mamamayan para mas palakasin ang panawagan para sa hustisya.”

Ayon sa mga tagapag-organisa, ang Ahon-alon ng Hustisya ay nagsisilbing tanglaw sa panahong patuloy na umaalingawngaw ang tinig ng mamamayan laban sa mga kawalang-katarungan. Tayo ang hinubog ng mga unos na ating pinagdaanan at sa bawat pagtaas ng alon ng paniningil at pag-alaala, lalo ring tumitibay ang panawagang papanagutin ang mga may sala. Sa pagdaluyong ng sama-samang damdamin at pagkilos, ang galit na pinanday ng karanasan ay inaanyayahang maging lakas ng kolektibong pagtindig para sa katarungan.

Kapayapaang may hustisyang panlipunan

Itinatampok sa ikatlong araw, payagpagin ang panawagan para sa isang kapayapaang hindi basta katahimikan, kundi kapayapaang iniuugat sa hustisyang panlipunan.ukol sa mga organizer, hindi maituturing na tunay na kapayapaan ang katahimikan kung may umiiral pa ring pang-aabuso at pagkakait sa karapatan.

“May maling paniniwala na kapag tahimik ay may kapayapaan,” paliwanag ni Elect. “Pero kung may social injustices pa rin at walang pananagutan sa mga paglabag, hindi iyon tunay na kapayapaan.”

Kabilang sa mga isyung tinatalakay sa programa ang red-tagging sa mga human rights advocates, militarisasyon sa ilang komunidad, at paglaganap ng disinformation at online harassment. Kaakibat nito ang panawagang siyasatin ang paggamit ng pondo ng pamahalaan at unawain kung paanong ang mga pasyang ito ay may tuwirang epekto sa buhay at kinabukasan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Higit sa selebrasyon

Bagama’t bahagi ng pag titipon, nais ng Kamurayaw na magsilbing boses ang programa para sa hinanaing ng bayan. Sa pagitan ng tugtugin at pagtatanghal, inaanyayahan ang mga estudyante, boluntaryo, at dumadalo na makilahok sa mga usapang huhubog sa kamalayan at mag-uugnay sa kanila sa mas pangmatagalang adbokasiya para sa karapatang pantao.

“Hindi dapat matatapos sa February Fair ang usapan,” ani Elect. “Gusto naming manatili ang kamalayan at maituro sa mga kabataan at komunidad sa tuloy-tuloy na pagkilos para sa hustisya.”

Pinili ang mga magtatanghal at tagapagsalita hindi lamang sa husay ng kanilang sining at pananalita, kundi sa kanilang paninindigang umaayon sa mga panawagan ng Kamurayaw. Sila ang inaasahang magiging daluyan ng mga tinig na madalas na napapawi sa ingay ng lipunan mga sektor na kapos sa representasyon at pagkakataong marinig. Sa harap ng libo-libong dadalo, layunin ng entablado na maging sisidlan ng mga kuwento at katotohanang nagmumula sa iba’t ibang komunidad, upang ang kanilang karanasan ay hindi manatiling bulong, kundi maging panawagang maririnig at mauunawaan ng nakararami.

Panawagan sa mga dumalo

Sa huli, umaasa ang mga organizer na may maiuuwi ang mga dadalo na higit pa sa rumaragasang baha ng katarungan, ang kamalayang ipaglaban ang kanilang karapatan at makiisa sa panawagan para sa pananagutan.

“Ang gusto naming ma-realize ng mga aattend ay ang patuloy na pakikiisa,” ani Elect. “Kung alam natin ang ating mga karapatan, kailangan din natin itong ipagtanggol at ipaglaban.”

Sa ilalim ng mas malawak na tema ng February Fair ngayong taon, layunin ng Kamurayaw 2026 na gawing mas malakas ang boses ng mamamayan isang rumaragasang alon ng panawagan para sa hustisya na patuloy na lalakas hanggang makamit ang magandang bukas.


I

Written by Insight PH Web Admin

Insight PH Web Admin is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

JJuan Rafael Bautista, Insight PH

NEWS | Peso breaches ₱62 per dollar, hits new record low

The Philippine peso dropped past ₱62 per U.S. dollar on Friday, Aug. 28, reaching a new record low of ₱62.265 amid rising oil prices and market con...

1 day ago 1 min read
ZZoe Francheska Palapar, Insight PH

NEWS | PH mulls Facebook ban; MSMEs brace for potential economic fallout

Amid concerns over misinformation, harmful content, online abuse, and child safety, the Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) con...

1 day ago 2 min read
MMajella Atheena Aguila, Insight PH

BALITA | ‘Para po sa kanila ang panukalang ito' — Sen. Aquino sa pagsulong ng School Safety Act

Nanawagan si Senate Committee on Basic Education chair Sen. Bam Aquino sa Kongreso na agarang ipasa ang Senate Bill (SB) 2426, o ang Comprehensive ...

3 days ago 3 min read
Explore all News articles