Muling iginiit ng Land Transportation Office (LTO) nitong Huwebes, Nobyembre 27, na kailangang rehistrado ang mga electric vehicle at lisensyado ang mga nagmamaneho nito kapag ginagamit sa mga pampublikong kalsada, bilang bahagi ng hakbang para mapanatili ang kaligtasan ng mga motorista at pasahero.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, tumataas ang bilang ng mga aksidente at paglabag na kinasasangkutan ng e-bikes at e-trikes sa iba’t ibang lungsod, at marami sa mga ito ang wala umanong sapat na safety gear at hindi rin madaling makilala dahil walang plaka o rehistro.
Ipinaliwanag ni Mendoza na sakop pa rin ng Republic Act 4136 ang nga ‘electric vehicles’ o mas kilala bilang e-vehicles, kaya kinakailangan pa rin silang sumailalim sa regular na rehistrasyon. Gayundin, dapat may valid driver’s license ang sinumang nagmamaneho ng mga ito sa public roads.
“As far as the LTO is concerned, kapag ginagamit mo sa highway ang e-vehicle, dapat itong rehistrado. At dapat lisensiyado ang driver,” ayon kay Mendoza sa isang panayam.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang ilang lokal na opisyal at traffic enforcers dahil madalas umanong lumalabag sa traffic rules ang ilang e-vehicles — kabilang na ang pagsingit sa masisikip na daan, pagsakay ng pasahero, at pagtawid sa intersection nang walang tamang pag-iingat.
Noong nakaraang taon, naglabas ang LTO ng draft guidelines na magre-require ng rehistro para sa mga e-vehicle at paggamit ng helmet para sa riders. Gayunman, pansamantala itong sinuspinde upang pag-aralan pa ang roadworthiness at para mas maging maayos ang ipatutupad na safety standards.
Sinabi ni Mendoza na tapos na ang malaking bahagi ng pag-aaral at inaayos na lamang ang final guidelines bago ito ilabas.
Habang hinihintay ang implementasyon, pinaalalahanan ng LTO ang publiko na iwasang gamitin ang e-bikes sa mga highway at tiyaking sumusunod sa traffic laws. Maaari pa ring ma-impound ang mga unit na walang rehistro, at may kaakibat na parusa para sa mga walang lisensya.
Written by Diana Rose N. Evangelista, Insight PH
Diana Rose N. Evangelista, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



