Inilabas ng Department of Education (DepEd) ang opisyal na kalendaryo para sa School Year 2026–2027 na magsisimula sa Hunyo 8, 2026 at magtatapos sa Abril 8, 2027, sa ilalim ng bagong three-term system.
Ayon sa DepEd, magkakaroon ng kabuuang 201 araw ng pasok na hinati sa tatlong termino na may opening period, instructional phase, at end-of-term activities upang mas maayos ang daloy ng pagkatuto ng mga mag-aaral.
Sa unang termino, magsisimula ang mga preparatory activities sa Hunyo 8 hanggang 11, habang ang regular na klase ay tatakbo mula Hunyo 15 hanggang unang bahagi ng Setyembre bago ang midterm assessments.
Ang ikalawang termino ay gaganapin mula kalagitnaan ng Setyembre hanggang unang bahagi ng Disyembre at susundan ng end-of-term activities bago ang holiday break.
Ang ikatlong termino naman ay mula Enero hanggang Abril na magsisilbing pagtatapos ng taong-panuruan.
Samantala, layunin din ng DepEd na maipamahagi nang pantay ang learning time kung saan pagtitibayin ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program na bahagi ng mas malawak na reporma sa pagkatuto.
Ipatutupad ang bagong sistema sa lahat ng pampublikong paaralan at maaari ring sundin ng mga pribadong paaralan, ayon sa DepEd.
Written by Gian Russel Asuncion, Insight PH
Gian Russel Asuncion, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



