Bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa na panatilihing simple at matipid ang mga seremonya ng pagtatapos para sa kasalukuyang taong panuruan.
Sa inilabas na Memorandum No. 015, series of 2026, binigyang-diin ng DepEd na ang mga graduation at moving-up rites ay dapat isagawa nang walang labis na gastusin, kabilang ang paggamit ng mararangyang kasuotan at iba pang di-kinakailangang bayarin.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang bawasan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino na kasalukuyang iniinda ang mataas na gastos sa transportasyon at mga pangunahing bilihin.
“Our schools must prioritize the welfare of learners by keeping these ceremonies simple, meaningful, and entirely free of unnecessary expenses,” dagdag pa niya.
Samantala, mahigpit na ipinagbabawal ng DepEd ang anumang uri ng paniningil ng bayad para sa naturang mga seremonya.
Hinihikayat din ang mga paaralan na gamitin ang mga simpleng at libreng venue, gaya ng school grounds o covered courts, upang makaiwas sa mataas na renta.
Bukod dito, nilinaw ng DepEd na ang mga non-academic activities, gaya ng field trips at prom nights, ay hindi dapat gawing requirement para sa pagtatapos.
Kaugnay nito, ang lahat ng kailangang gastusin ng pampublikong paaralan ay dapat kunin mula sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) funds ng paaralan.
Tinatayang aabot naman sa 1.9 milyong mag-aaral sa Grade 6 at 1.8 milyong mag-aaral sa Grade 12 ng magsisipagtapos sa buong bansa para sa School Year 2025–2026 batay sa datos ng DepEd.
Written by Francis Owen Romano, Insight PH
Francis Owen Romano, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



