Nagdulog ng agarang pakikipagtulungan sa pribadong sektor si Department of Education (DepEd) Sonny Angara upang tugunan ang kakulangan na 165,000 silid-aralan at palawakin ang digital access sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sa forum ng Philippine Business for Education sa Makati City nito lang ika-18 ng Pebrero 18, iginiit ng kalihim na kailangang maresolba ang krisis sa edukasyon na dulot ng pagkaantala ng imprastraktura at limitadong connectivity ng milyon-milyong mag-aaral.
Aniya, isinusulong ng DepEd ang malakihang Public-Private Partnerships (PPP) na inaasahang makapagtatayo ng hanggang 106,000 silid-aralan, kabilang ang unang 16,000 na naaprubahan na sa ilalim ng pinakabagong yugto ng programa.
“PPP is the bridge between urgency and execution… We invite the private sector not as donors, but as co-architects of national development,” ani Angara.
Ipinaliwanag niya na ang tradisyonal na procurement ng pamahalaan ay tumatagal ng dalawa hanggang pitong taon, ngunit maaari itong mapaikli sa isa hanggang dalawang taon sa pamamagitan ng streamlined approvals at consolidated procurement processes sa ilalim ng PPP.
Bumisita rin si Angara kasama si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa isang planta ng concrete prefabricated at modular structures sa Mariveles, Bataan kung saan ininspeksiyon nila ang four-storey shell-type at full modular design na kayang tumanggap ng mahigit 50 estudyante bawat silid.
Bukod sa pisikal na imprastraktura, isinusulong din ng DepEd ang nationwide digital transformation sa pamamagitan ng PSIP Connect initiative at pakikipagtulungan sa Khan Academy na sumusuporta na sa mahigit 2,800 pampublikong paaralan upang mapabuti ang performance sa mathematics at mabawasan ang oras ng lesson preparation ng mga guro.
Dinaluhan ang forum ng mga lider mula sa iba’t ibang organisasyong pangnegosyo bilang pagpapakita ng suporta sa panawagang gawing ‘shared investment’ ang edukasyon para sa pangmatagalang pag-unlad ng bansa.
Written by Francis Owen Romano, Insight PH
Francis Owen Romano, Insight PH is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



